Chapter 19

3.7K 275 74
                                    

                                                                                        SI  ISOG

                                                Pagpasok ni Alsandair sa bulwagan ay napansin niya agad na halos naroon na ang lahat ng mga kasapi ng Pamunuan.

" May nakita kang paglabag sa Patunay , Alsandair?" tanong ni Kilyawan, " Dapat ay makita natin upang makagawa tayo ng hakbang bago niya maisakatuparan ang kanyang balak May katagalan na rin si Tarik sa mundo ng mga tao at kung anuman ang kanyang binabalak, malamang ay nasimulan na niya ito."

" Sa tingin ko ay suriin natin ng mabuti," sabi ni Gaeth, " hindi natin basta bubuksan ang lagusan dahil lamang sa isang paglabag." 

" Tama si Gaeth," sabi ni Bukaw, " kailangan ay may mabigat na dahilan upang muling buksan ang lagusan."

"Hindi ko ipinatawag ang pulong  para buksan ang lagusan," sabi ni Falcon, " kaya ako nagpatawag ng pulong upang pagtulungan natiin suriin ang Patunay na sinuri na ni Alsandair. Kung makita natin na may paglabag nga na ginawa si Tarik, na ngayon ay namumuhay na bilang isang karaniwang tao, susuriin pa rin natin kung gaano kabigat ang paglabag na iyon. Kung ang paglabag ay makaka apekto sa ating mga engkantado o makakaapekto sa mga tao na kasalamuha ni Tarik ngayon. Tayo ang nagbigay patnugot na tumira siya sa mundo ng mga tao kaya sa aking tingin ay may pananagutan tayo kapag ang ginawa niyang paglabag ay makakapanakit sa mga tao. Kung hindi naman maaapektuhan ang mga tao, wala tayong dapat ipag-alala at hindi tayo lalabas dito sa ating mundo upang pagbayarin siya sa kanyang kasalanan. Sapat na ang pagtanggal sa kanyang kapangyarihan bilang kabayaran sa kanyang ginawa."

" Sang-ayon ako kay Falcon," sagot ni Alsandair, " suriin nating mabuti ang pangyayari."

Inilabas ni Alsandair ang Patunay at inilapag ito sa gitna ng mesa. Lahat ng mga pinuno ay humawak sa mesa at pumikit. 

Biglang nagliwanag ang buong silid dahil sa sabay-sabay na paglabas ng liwanag mula sa mga pinuno. Pati ang mesa ay nagliwanag na din dahil sa liwanag na nagmumula sa Patunay.

Ang Patunay na kanilang unang sinuri ay ang kahoy na kinuha ni Tarik mula sa bahay ng mga Sabadan. 

Habang pinagmamasdan ng mga pinuno ang nangyayari, ipinapaliwanag naman ito ni Alsandair.

"  Ang nakikita ninyo ay ang sinasabing inabutan ni Tarik sa isang bahay ang isang grupo ng mga Sabadan na pawang patay na. Maaaring sila-sila ang naglaban o may isang pumaslang sa kanilang lahat.  Dahil sa pagkakatanggal ng bubong ng bahay, makikitang nagliwanag ang paligid dahil sa sikat ng araw. Mapapansin ninyo ang isang bangkay ng Sabadan na nasa isang sulok at nakahiwalay sa karamihan."

" Wala siyang laman-loob!," sambit ni Gaeth.

"Tama," sagot ni Alsandair," kung sino man ang pumaslang sa kanila, hindi ito isang engkantado. Mapapansin din  ninyo na ang sugat ng karamihan sa kanila sa katawan at mukha ay tatlo o dalawang hiwang magkakatabi, isang palatandaan na hindi sandata ng isang engkantado ang ginamit sa pagpaslang."

 " Maaaring isang aswang ang pumaslang sa kanila kung pagbabatayan ang kanilang mga sugat," sambit ni Lauan. " Kinain pa niya ang laman-loob ng isa sa mga Sabadan. Isang aswang lang ang makakagawa ng ganyang katampalasan."

" Ang mga Sabadan ay mga engkantado," sabat ni Bukaw, " hindi sila mapapaslang ng isang pangkaraniwang aswang lang. Maaaring isang mababang antas na Ugrit o isang aswang na may mataas na antas ng kakayahan."

" Tama ka Bukaw," sagot ni Falcon, "kung mapapansin ninyo,bukod sa mga hiwa, ang ilan sa mga Sabadan ay may mga sugat na animo sinaksak ng  isang punyal. Kung susuriing mabuti, makikitang iba-iba ang mga hugis ng butas sa kanilang katawan, palatandaan na hindi lang isa ang kanilang mga nakalaban. Ang isa sa kanila ay gumamit ng punyal at ang iba naman ay gumamit ng kanilang pinahaba at pinatigas na kuko. May mga mandirigma kaming nasugatan ng kawangis  ng ganyang sugat ng nakalaban namin ang mga Ugrit ng Igbanglo. Ang ilan sa mga aswang at Ugrit na naroon ay may kakayahang pahabain at patigasin ang kanilang kuko at gawin itong panaksak sa halip na pangkalmot."

Ang Huling PakikipagsapalaranTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon