NAILIGTAS
Napalingon sa direksiyon ng ingay ng pagsabog sina Rigor at ang kanyang mga tauhan.
"Boss, mukhang nandoon sa kabila ang hinahanap natin," sabi ng isa sa mga lalaki," punta ba tayo doon?"
"Hindi tayo pupunta doon," sagot ni Rigor," mukhang totoo ngang sumasabog ang armas ng kalaban. Hintayin natin na siya ang pumunta dito."
" Paano kung mapatay 'yung babae?" tanong ng isa," sayang naman."
" Kapag inisa-isa sila ng kalaban, siguradong dito tatakbo 'yun para humingi ng tulong,"sagot ni Rigor," Sa atin din ang bagsak 'nun."
Lingid sa kanilang kaalaman, pinagmamasdan sila ni Kabug sa itaas ng isang puno. Gaya ng sinabi ni Lagalag sa kanya, dapat niyang unahin ang pinuno ng grupo. Kapag nagawa niya iyon ay baka hindi na lumaban ang iba.
Kung tutuusin ay kaya niyang unti-untiin ang mga kalaban ngunit nakiusap si Lagalag na kung maaari ay huwag niyang gawin iyon. Baka daw kapag inubos niya ang mga taong naroon at makarating ang balita sa taong-bayan, magpapadala ng napakaraming sundalo sa gubat na iyon upang hanapin sila. Kapag nangyari iyon, mapipilitan siyang bumalik sa kanyang pinanggalingan at si Lagalag naman ay hindi na magkakaroon ng pagkakataon na mabigyan ng lunas ang kanyang mga kaibigan.
Sa tingin niya,hindi iyon ang pangunahing dahilan ni Lagalag. Sadyang mabait lang ito at hanggat maaari ay ayaw nitong may mamatay na kalahi niya kahit na masama na ang balak sa kanya.
Nadagdagan ang kanyang paghanga kay Lagalag.
Alam niya kung paano ito makipaglaban sa mundo ng mga engkanto at mundo ng mga lamanlupa.
Mga lugar na hindi nito teritoryo.
Ngunit kapag narito sa mundo ng mga tao,na sarili niyang teritoryo, halos ayaw nitong manakit ng kanyang kapwa.
Sa halip na gamitin ang kanyang kakayahan laban sa kanyang mga kalahi ay pinili pa nitong lumaban ng patas at hindi ilabas ang kanyang kalamangan laban sa kanila.
Para kay Kabug, ito ang matatawag na tunay na katapangan.
Sandaling pinagmasdan ni Kabug ang mga tao na nasa ibaba. Sigurado siyangisa sa mga ito ay ang pinuno.
Ito na lang ang uunahin niya.
Kapag napaslang niya ito at hindi tumakbo ang iba, mapipilitan siyang ubusin ang mga ito.
Maingat na gumapang si Kabug sa sanga ng puno patungo sa kinaroroonan ng mga lalaki.
Sa ibaba, biglang napatigil sina Rigor ng mapansin ang pag-uga ng isang sanga ng puno sa di-kalayuan.
" Teryo, tingnan mo nga kung ano 'yan,"utos nito sa tauhan.
Lumapit si Teryo ngunit sa halip na sumunod ay inutusan din nito ang isa pang kasama.
"Tingnan mo nga 'yung sinasabi ni Boss."
Sumilip ang lalaki at sinipat ang sanga.
"Parang wala naman. Baka hangin lang."
" Kung hangin 'yan sana lahat ng sanga dito gumalaw," sagot ni Teryo," hindi hangin 'yan."
Nilingon nito ang isang kasama sa likuran niya at iyon naman ang inutusan.
"Ikaw nga ang tumingin dun," sabi nito,"Mukhang naduduwag na ang mokong na 'yun.
Lumapit ang lalaki at ngunit sa halip na silipin ang sanga ng puno na gumalaw kanina, bigla niya itong pinaulanan ng bala.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Pakikipagsapalaran
AdventureItutuloy mo pa ba kung ang inyong pagmamahalan ay tuluyan ng nahadlangan ? Itutuloy mo pa ba kung ang kasama mo mula noong simula ay wala ng maalala sa mga nangyari? Tunghayan ang muling pakikipagsapalaran sa ngalan ng pag-ibig at pagkakaibigan. Ito...