WARM THINGS

781 29 0
                                    

NAPANGITI ako nang makita ang mensahe sa 'kin ni Damien sa Facebook Messenger.

BAD TRIP TONG ARAW NA TO.

GUSTO KITANG MAKITA.

Wala yang shortcut, o smiley. All caps pa, parang kahit sa chat, nang-i-intimidate. Pero napasaya talaga ako ng mensaheng iyon. Para kasing... gustong gusto niya talaga akong makasama.

Kaya excited akong naglakad papunta sa building ng College of Engineering. Kulang na lang mag-skip ako o magkakanta. Hindi pa man ako nakakapasok sa mismong building ay nakita ko na si Damien. Natigil ako sa paglalakad, kasi biglang bumilis ang tibok ng puso ko.

Mukhang bad trip nga siya, kasi salubong ang kilay. Bahagyang nakatungo sa sapatos niya kaya hindi niya ako napapansin. May mga babaeng napapatingin at nagha-hi sa kanya, pero deadma lang siya, parang lalo pa ngang naiinis.

And then napatingin siya sa 'kin. Ilang metro pa ang layo ko sa kanya no'n. Ewan ko kung sa pisngi o sa baba ko siya tumingin, pero ang alam ko, nang makita niya ako, nawala ang pagsasalubong ng kilay niya. Ngumiti siya at lumitaw ang isa niyang sungking ngipin. Nagkaroon bigla ng buhay ang mga mata niya.

At nagmamadali siyang naglakad papunta sa 'kin. Wala na yatang pakialam kahit dumulas na ang backpack niya sa braso niya. Oblivious na din yata, kasi may nabunggo ng babae pero parang hindi niya napansin.

Nang makalapit na siya sa 'kin--titig na titig sa baba ko, ay doon ako parang magno-nosebleed sa paghanga sa kaguwapuhan niya. Umangat ang isang sulok ng labi niya at biglang hinila ang kamay ko.

"Tara," he said.

"Saan tayo pupunta?" sabi ko.

"Wala lang," sagot niya, at hinila ako papunta sa mini-forest ng paaralan. Doon sa bandang dulo, kung saan wala masyadong estudyante. Nasa likod kami ng isang malaking puno. Walang makakakita sa 'min doon.

"Ano'ng gagawin natin dito--"

Hindi niya ako pinatapos sa pagtatanong. Itinulak niya ako papasok sa bisig niya at niyakap. Isang bagay na gusto ko rin namang gawin sa kanya. Medyo napaungol pa siya nang mayakap niya ko, parang dehydrated na lalaki na nakainom ng malamig na tubig.

Nang pakawalan niya ako ay tumitig siya sa ilong ko, at bumaba ang tinging iyon sa mga labi ko. "Alam mo bang kanina pa ako hindi makapag-concentrate sa pag-aaral?"

Gusto ko mang itanong kung bakit... well, alam ko namang sasabihin din niya sa 'kin ang dahilan.

"Gustong-gusto kong mayakap ka." Tumaas ang isang kamay niya at pinisil ang pisngi ko. "Tulala lang ako sa classroom maghapon. Alam ko na hindi ako mapapakali hanggang hindi kita nayayakap."

Ang totoo, nagsimula pa 'yong natutuwa na niyayakap ko siya pagkatapos ng yakapan namin sa labas ng foundation para sa mga batang may cancer. At sa ilang araw pang nag-uusap at nagkikita kami, lalo pa raw niyang nagustuhan na mayakap ko.

Nagpapaalam naman siya bago ako yakapin. Pero minsan, basta basta na lang niyang gagawin. At ewan ko, hindi ko naman magawang magreklamo.

Gusto mo rin, eh, bulong ng isang tinig sa isip ko.

"Hay, naku, ayan na, nakayakap ka na," kunwaring pagrereklamo ko. "Punta na tayo sa office ng Bible Club. Kailangan mag-bible study tayo ngayong araw."

Parang tinamad na agad siya, nakikinig pa lang. "Kumain na lang tayo."

"Pagkatapos na ng Bible study."

"Ang tagal mo manermon, eh," sabi niya. Na totoo naman.

Binigyan ko lang siya ng tinging parang hindi na siya dapat magreklamo. Pagkatapos ng ilang linggo naming madalas na pagkikita ay kaya ko na ring bigyan siya ng mga gano'ng klaseng tingin.

Terrible Things (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon