19: Chasing Tails

6.7K 229 19
                                    

Lumilipad ang isip ni Josef nang makalabas na sila ng Hamza. Ni hindi na nga niya napansin ang pagbibigay-galang sa kanya ng mga agent doon para sa taong hindi nila inaasahang magiging Fuhrer pala sa darating na panahon.

Napupuno na siya ng pagdududa sa lahat ng nangyayari. Umiikot sa isipan niya ang sinabi ng President.

"Pakaisipin mo rin na kung sino ba sa paligid mo ang nagsasabi ng totoo. . . . Tanungin mo ang sarili mo bilang si Shadow kung bakit sa dinami-rami ng babae sa mundo, bakit mo 'yon naramdaman sa kanya."

Hindi nagsasabi nang ganoon ang President kung wala itong gustong puntuhin. Napapaisip din siya kung bakit kakaiba ang nararamdaman niya sa asawa niya ngayon at doon sa babaeng nagsasabing asawa raw niya.

Alam niyang magkamukha sila, at mahal na mahal niya si Armida. Kaya nga kataka-taka para sa kaniya ang pakiramdam na naiinis siya sa asawa niya ngayon pero hinahatak ang damdamin niya ng babaeng iyon.

"Xerez," pagtawag ni Josef nang masilayan na ang sasakyan nila.

"Yes, milord."

"Dadaan muna 'ko sa St. Francis."

"Masusunod, milord."

"Saka isabay mo si Armida sa sasakyan ko. Doon ka muna sumakay sa kabilang kotse."

Natahimik si Xerez habang nakasunod kay Josef sa paglalakad.

"Narinig mo ba 'ko, Xerez?" tanong pa ulit ni Josef.

"Yes, milord." Mabilis na nilapitan ni Xerez si Armida at pinauna na ito sa sasakyang Fuhrer. Sinilip ni Josef ang relo at nakitang alas-singko pasado na ng hapon. Ilang oras na lang at papalubog na ang araw. Dadaan muna siya sa simbahan kung saan siya madalas pumunta kapag naguguluhan siya. Wala pa namang isang taon nang huli silang magkita ni Father Aaron, ang bunsong kapatid ng mama niya na doon naglilingkod sa simbahan. Dito siya madalas humingi ng tawad at mangumpisal kapag may natatapos siyang misyon. Iyon lang kasi ang paraan niya noon para humingi ng tawad para sa sarili kahit pa masaya sa serbisyo niya ang mga taong binabayaran siya para sa trabaho.

Nakasakay na ang mag-asawa. Nanatiling malalim ang iniisip ni Josef habang nakatingin lang sa harapan.

Sumunod naman si Xerez at doon nga sumakay sa sasakyang kasunod nila.

May maliit na bintana mula sa driver's seat at passenger mula sa back seat ng limousine na mabilis ding isinara ni Josef para hindi sila marinig ng mga Guardian na nakabantay.

Ilang saglit pa, umandar na rin ang sasakyan para tunguhin ang lugar na nais niyang puntahan.

"Parang ang lalim ng iniisip mo a," bati sa kanya ni Armida.

"Hanggang ngayon pa rin ba, wala ka pa ring naaalala?" seryoso niyang tanong habang nakatingin lang sa harapan.

Napaayos ng upo ang babae at napatingin na lang din sa harapan. "Wala pa rin." Sumulyap ito kay Josef. "Tungkol ba 'to sa babae kanina? Naniniwala ka sa kanya?"

"Dapat ba?" sagot niya agad dito. "She may look like you, but everybody knows you're someone to fear. Masyado siyang duwag para masabing ikaw."

"Kung gano'n," ani Armida at inilapag ang kamay niya sa kaliwang hita ni Josef, "ano'ng iniisip mo?"

Ibinaba ni Josef ang tingin sa kamay na nasa hita niya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit siya naiirita samantalang asawa naman niya ang humahawak sa kanya.

"Alisin mo 'yang kamay mo," utos niya rito.

"Ha?"

"Siguro naman, narinig mo 'ko," sabi pa niya rito sa pinakamalamig na pakikitungong kaya niya.

The Superiors: Fallen (Book 6)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon