Hindi alam ng mga doktor kung hahayaan na lang ba sina Josef na tumambay sa emergency room o palalabasin na lang dahil kung tutuusin, mukha talaga silang mga nakipagpatayan nang matingnan ng mga nurse. Matapos kasing makapaghilamos ay saka nagpakita ang lahat ng duguang bahagi sa mga katawan nila na hindi na napansin dahil hindi rin naman nila pinapansin sapagkat sanay na sanay na.
May saksak sa balikat at maraming gasgas sa braso si Markus. Ang daming galos, may daplis ng bala sa kanang hita na tinahi na rin naman na, at may gasgas sa braso at mukha si Brielle nang makapaghilamos. Si Mephist, may mga sunog sa likod at ilang hiwa sa braso at mukha. Si Josef, ang daming sunog sa braso, sa mukha, sa leeg, ang daming gasgas, may bukol pa sa likurang bahagi ng ulo, ang laki ng pasa kaliwang tagiliran na nangungulay talong na, at mayroong may-kalakihang hiwa pa sa likod na gawa ng bakal. Si Razele lang sa kanila ang hindi man lang nakapagtamo ng malalaking sugat. Pakiramdam nila, talagang sineryoso nito ang pagtambay sa loob ng van bilang driver. Sabi naman nito, lumaban naman daw siya kaso tinamad kalaunan kaya bumalik din sa van. Masyado na raw silang marami para makipagpatayan din at wala raw mag-uuwi sa kanila kung sakaling lahat sila ay namatay.
Naglalaro sa wheelchair sa mga sandaling iyon si Razele at paikot-ikot sa tabi ng kama ni Erajin. Nami-miss na raw kasi nito ang swivel chair sa opisina nito Main Sector.
Nasa iisang kama naman sina Markus at ang asawa nito. Sinusuklayan ni Markus ang malagkit na buhok ni Brielle gamit ang suklay na hiniram sa isang nurse doon.
Si Mephist, nakatunghay lang sa may gilid at nakatambay sa may bintana, katapat ng higaan ni Erajin. Halos isang dipa lang din ang layo niya kay Josef na nakaupo sa sahig, nakapatong ang magkabilang siko sa magkabilang tuhod na nakatupi at nakasandig ang ulo sa pader.
Hindi nila alam kung anong oras na, pero base sa liwanag sa bintana, papalubog na ang araw. Wala pa ring malay si Erajin kaya lalong lumalakas ang pag-aalala nila. Doble pa sa inaasahan dahil literal na hindi na lang ito mag-isa ngayon. Sinabing buntis ito. At doon pa lang sa ideyang buntis ito ay sapat na para hindi sila makapag-isip nang matino.
Pero sa mga sandaling iyon, kung masakit na ang ulo nila sa pag-iisip kung paano sasabihin kay Erajin na buntis ito, mas namomroblema si Josef kung ano na ang gagawin dahil nga buntis ang asawa niya. Lalo pa't sinabi ni Laby na bawal itong magbuntis dahil masyadong delikado.
"Nasaan na po ang asawa ni Mrs. Hill-Miller?" pagtawag ng doktora na nauna nang kumausap sa kanila.
Mabilis na tumayo si Josef at balisang lumapit sa doktor.
"Hindi pa rin nagkakamalay ang pasyente kaya ililipat na muna namin siya sa ibang kuwarto," anito.
"It's okay, walang problema," sagot agad ni Josef. "Anyway, may result na ang ultrasound?"
Nakangiting tumango ang doktor at ipinakita ang result kay Josef na nakaipit sa mga health record nito sa clipboard na hawak. "May heartbeat na ang baby," sabi nito at binulugan gamit ng dulo ng signpen ang maliit na imahen sa result. "Nasa five weeks na ang bata. Typically, madalas ang fatigue sa mga buntis but we still need to be more careful. Iwasan ni misis ang stress, kumain ng healthy foods, and we notice na masyadong firm ang muscle ng body ni Mrs. Hill-Miller, if she's doing intense work out, kailangan niyang bawasan iyon kasi makakasama sa bata." Nag-abang ang doktor ng salita mula kay Josef, ang kaso mukhang hindi pa ito nakaka-recover sa katotohanang buntis ang asawa nito.
"Anyway, kukunin na muna namin si Mrs. Hill-Miller para ilipat sa private room sa third floor. The rest of the test, we'll follow up once lumabas na from lab."
Pagtalikod ng doktor, saktong dulog ng mga nurse para kunin ang hospital bed ni Erajin at dalhin sa ibang kuwarto.
Naiwan lang doon si Josef na nakatulala.
![](https://img.wattpad.com/cover/22542395-288-k24452.jpg)
BINABASA MO ANG
The Superiors: Fallen (Book 6)
AzioneWill the heart remembers what the mind forgets. Magbabalik ang nakaraan at makakalimutan ang kasalukuyan. Pagbabayaran ng kasalukuyan ang pagkakamali ng nakaraan. May mawawala, may magbabalik. At ang pinakamalaking pagbabago ay magsisimula nang maga...