HINDI matapos-tapos ang paalaman ng mag-lola kasama ang kaniyang kaibigan.
"Mag-iingat ka roon ha!" Pigil ni Lola Caring ang huwag maluha sa harapan ng apo, ganoon din si Weng-weng.
Kahit ayaw niyang magpahatid ay pilit pa rin siyang inihatid ni Caring at Weng-weng sa terminal ng bus.
"La, paulit-ulit mo na pong sinabi iyan."
"Ikaw na bata ka, pinapaalalahanan lamang kita."
"Hmm, si Lola naman, nagsi-sente!" Inayos niya ang hindi naman magulong kuwelyo ng matanda at saka ay buong higpit na niyakap.
Napaluha na nang tuloyan si Caring, "Basta't susundin mo ang mga bilin ko sa iyo apo. Alam mo namang ngayon ka lang mawawalay sa akin. Kapag nahihirapan ka na roon, huwag kang mag-alinlangan na umuwi ha! Tandaan mong mahal na mahal kita," garalgal na tinig pa nito.
"Opo 'la," maya-maya pa ay si Weng-weng naman ang binalingan niya, "Bes, ikaw na muna ang bahala kay Lola. Palagi naman akong tatawag."
"Sige bes, mag-ingat ka r'on ha!"
"Isa ka pa! Ilang libong beses ko nang narinig iyan."
"Pinapaalalahanan ka lang namin oy! Ingatan mo rin ang mga gamit mo. Minsan kasi'y sinusumpong ka rin nang pagka-burara mo." Itinuro pa nito ang naka-bukas na bag ng kaibigan.
"Yes Madam."
Ilang sandali pa ay narinig na nila ang bosena ng bus, hudyat na aalis na iyon. Bitbit na ni Honey ang isa pang bag at isinkubit naman sa dalawang balikat ang backpack. Kumaway pa siya sa dalawang bago tuloyang umakyat sa bus. Umupo siya na kung saan ay makikita pa rin ang lolahin at kaibigan. Muli siyang kumaway nang tumakbo na ang sinasakyan. Pagkalampas-lampas pa lamang ng bus sa kinaroroonan ng dalawa ay pinalabas na niya ang kanina pang pinipigil na luha.
"Kayo po ang dapat mag-ingat Lola, mamimiss po kita. Mahal na mahal din po kita," mahina niyang tinig habang nakamasid sa daang tinatahak. Hindi na niya iyon nasabi kaninang kaharap pa ang matanda, baka kasi bumigay siya sa harapan nito at hindi na siya makaalis.
Mula sa bag, dinukot niya ang litrato na ibinigay ng kaniyang lola. Iyon daw ang kaniyang ina. "Ang ganda pala ng Inay," nangingiti niyang turan. Hinaplos-haplos pa niya ang larawan bago maingat na ibinalik sa loob ng bag. At sa kaniyang bulsa ng pantalon, dinukot naman niya ang cellphone. Nagtext siya sa kaibigan na susundo sa kaniya 'pag nasa Manila na siya.
"Manila, papunta na ako riyan. Malapit na kitang makilala inay," nasa mukha niya ang labis na kagalakan at halos hindi na niya mahintay ang pagtapak niya sa lungsod.
MAHIHINANG pagtapik sa balikat ang gumising kay Honey. Aayaw pa sana niyang imulat ang mata ngunit hindi tumitigil ang nang-iistorbo sa pagtulog niya.
"Bakit ho ba? Natutulog ako eh!" Kinusot niya ang kaliwang bahagi ng mata at salubong ang kilay na tumingin sa nang-iistorbo sa kaniya.
"Ineng, nandito na tayo at ikaw na lamang ang laman nitong bus."
Lumaki ang mata ni Honey, sumilip siya sa bintana. "Ito na ho ba Manong ang Manila?"
Kumakamot na napatango na lamang ang konduktor.
Hindi na siya tumugon pa. Mabilis siyang tumayo, dinampot ang mga gamit at saka'y tinalunton ang pababa sa bus.
"Ingat ka Ineng, maraming mandurukot dito!" habol na sigaw pa ng konduktor.
Hindi na niya nagawa pang tugonin iyon dahil sa pagmamadali na ginagawa. Saka pa lamang siya huminto sa paghakbang nang nasa gilid na ng kalsada. Dinukot niya ang cellphone upang ipaalam kay Caren na nakababa na siya.
BINABASA MO ANG
MY HAPPY ENDING
RomanceAng paghahanap ni HONEY sa hindi pa nasisilayang ina ang nagtulak sa kanya upang magtungo sa Manila. Isa siyang probinsiyana at ngayon pa lamang tatapak sa lugar na iyon. Sa pagtuntong niya sa Manila, disgrasya ang nahanap niya. Nawala ang kanyang...