HIYANG-HIYA pa rin si Honey kay Edward. Dalawang araw na ang nakalipas nang makita siya nito na kumakanta habang nagluluto ngunit hindi pa rin iyon maalis sa isipan niya. Hindi siya makatingin dito nang deritso tulad ngayon. Nasa loob sila ng opisina at wala mang sinasabi ang binata ay sadyang naka-ukit na sa isipan niya ang hiya.
Manaka'y sinusulyapan niya ang binatang tahimik lamang na naka-upo, "Ano kayang ginagawa niya?" tanong ng kanyang isipan.
Maya-maya pa ay pumasok si Ybeth, bagong sekretarya ni Edward. Sinabi nito sa binata na may tawag sa telepono. Pagkalabas nito'y sinagot na rin ng binata ang tawag.
"Mrs. Cabrera!"
Halos humaba na ang tainga ni Honey sa pakikinig ng usapan kahit pa nga rinig niya ang sinasabi ni Edward. Nang matapos ang pag-uusap ay nagmamadaling lumabas ito ng opisina. Ni hindi man lang siya nito nagawang tapunan ng tingin.
"Suplado! Siya pa ang may ganang hindi mamansin. Eh 'di wow!"
Salubong ang kilay na muling ipinagpatuloy ni Honey ang ginagawa. Halos tatlumpong minuto rin siyang mag-isa sa loob ng opisina. Ilang sandali pa ay lumangitngit ang pinto subalit hindi siya nagtataas ng paningin. Kunwari na abala siya sa pagbabasa. Hinihintay niya na lumampas sa kanyang mesa ang binata dahil wala naman siyang ibang inaasahang papasok. Ngunit natapos na lamang niyang basahin ang hawak na papel ay wala pa ring Edward na umu-upo sa bangko nito. Kaya't napilitan na siyang magtaas ng paningin. Slow motion pa ang ginawang pag-angat ng mukha niya.
"M-mrs. Cabrera!"
Ngumiti ang ginang sa kanya.
"Wala na po rito si Sir, lumabas na po siya," nalamig niyang sabi at muling itinutok ang paningin sa papel.
"Ahm, i-ikaw talaga ang sadya ko." Lumapit si Mrs. Cabrera sa mesa ng dalaga. Umupo ito sa bangkong nasa harapan ng mesa at mababanaag sa mukha ang labis na pag-aalinlangan.
Muli namang nag-angat ng mukha si Honey, "Bakit naman? Susuholan mo na naman ba ako?"
Napalis ang nakaguhit na ngiti sa labi ng ginang, "Ahm, g-gusto ko lang na h-humingi ng t-tawad sa 'yo d-dahil sa mga n-nasabi ko sa 'yo," nagkandabulol-bulol na sabi nito.
Dumiretso ng tingin si Honey sa ginang. Hindi siya lubos na makapaniwala sa narinig. Tinitigan niya nang maayos ang mukha nito at napansin niya ang pagiging malambot ng hitsura nito. Ibang-iba sa hitsura nito nang mga nagdaang pagkikita nila.
Muling napangiti si Mrs. Cabrera dahil sa hindi mapuknat-puknat na titig ng dalaga.
"Nagbago yata ang ihip ng hangin ngayon ah! Kahapon lamang ay galit na galit kayo sa akin tapos ngayon, heto kayo sa harapan ko. Nabubulol sa pagmamakaawa. Bakit? Ano na naman ang binabalak mo ngayon, Mrs. Cabrera?"
"W-wala," mabilis pang napa-iling ang ginang.
"Siguro'y pinapasakay mo lang ako tapos maya-maya'y papasukin mo rito si Mr. Cheng noh! Tama pala si Sir, kasabwat mo talaga si Mr. Cheng." Nahintatakutan si Honey sa binitiwang salita, mabilis niyang dinampot ang cellphone ngunit pinigilan siya ng ginang.
"No! Nagkakamali ka nang inaakala. Gusto ko lang talaga na humingi ng paumanhin sa iyo, anak."
Nagsalubong ang dalawang kilay ni Honey, "Anak?" mapakla siyang napangisi, "Huwag na huwag nga ho ninyo akong matawag-tawag na anak dahil hindi kayo ang ina ko!" pagalit niyang sabi.
Bagama't natigalgal si Mrs. Cabrera, nagawa pa rin nito ang ngumiti.
"Kung maari lang ho, lumabas na po kayo, nakakaabala na po kayo."
Hindi na hinintay pa ni Honey ang isasagot ng ginang, itinuon na niya ang isipan sa hawak na papel at muling pinasadahan iyon ng tingin.
Wala nang nagawa pa si Mrs. Cabrera, umalis itong hindi man lang nasabi ang pakay. Naunahan na ito ng takot. Matamlay itong naglalakad patungo sa elevator.

BINABASA MO ANG
MY HAPPY ENDING
RomanceAng paghahanap ni HONEY sa hindi pa nasisilayang ina ang nagtulak sa kanya upang magtungo sa Manila. Isa siyang probinsiyana at ngayon pa lamang tatapak sa lugar na iyon. Sa pagtuntong niya sa Manila, disgrasya ang nahanap niya. Nawala ang kanyang...