Finale

752 22 8
                                        

PAKIRAMDAM ni Honey ay lumaki ng ga-pinggan ang kanyang mata. Kilala niya ang boses na iyon. Hindi siya maaring magkamali. Pero paano siya natunton nito?

"Nancy..." patakbong lumapit si Caring sa bagong dating.

Nakatayo si Nancy, Edward at kasama pa si Caren at Wengweng ng dalawa. Kapwa hindi makahuma ang dalawang dalaga sa narinig mula sa bibig ng kaibigan.

Tila nanuyo ang lalamunan ni Honey kaya't kahit nanginginig ang tuhod niya'y nagdumali siyang nagtungo sa kusina. Kumuha siya ng baso. Nanginginig din ang kamay nang lagyan niya ng tubig iyon. At halos isahing lagok lamang ang laman niyon. Ngunit hindi pa rin naibsan ang panunuyo ng kanyang lalamunan.

"So, how's your life without me?"

Napapitlag siya sa boses ni Edward. Nakatalikod kasi siya kaya hindi napansin ang pagsunod ng binata. Pinakalma muna niya ang sarili bago ito hinarap.

"F-fantastic! Walang sakit sa ulo."

"Pero iniwan mong masakit ang puso ko."

Biglang umahon ang kakaibang pintig ng puso ni Honey. Hindi dahil sa narinig na salita, kun'di dahil sa paglapit sa likuran niya nito. Naramdaman niya ang pagdikit ng katawan ng binata sa likuran niya.

"Alam mo bang halos ikabaliw ko na naman ang pagkawala mo! Mabuti na lamang, alam ko na kung saan nakatira si Caren, sinamahan niya ako papunta rito," halos pabulong na saad ni Edward. Ang ulo nito'y nakadikit na sa ulo ng dalaga, bahagya pa itong yumukod upang magpang-abot sila.

Naumid ang dila ni Honey. Hindi siya makapagsalita dala ng malakas na tugtog ng kanyang dibdib.

"Ikaw ba? Nakatulog ka ba nang maayos? Ako kasi hindi eh!"

Muli siyang hindi nakapagsalita kaya sinamantala na iyon ni Edward. Niyakap nito ang nakatalikod na dalaga. Napasinghap siya dahil d'on.

"Pinasakit mo ang puso ko nang iwan mo ako pero nang marinig ko ang sinabi mo kanina, nawala na ang sakit. Napalitan iyon ng sobrang kaligayahan. And because of that, I love you, too Honey."

Umasim ng dalaga. "I love you, too? Lumalabas pala niyan Sir, ako pa ang nanligaw sa iyo!"

Nangiti si Edward, "Ahm, parang ganoon na nga. Para naman makabawi ka sa matagal mo nang atraso sa akin."

Nagsalubong ang kilay ni Honey, "Anong ibig mong sabihin?"

"Matagal na kasi akong nagpaparamdam sa 'yo pero 'di mo ako pinapansin."

Naramdaman niya ang paghigpit ng pagkakayakap nito sa baywang niya. Kaya't mabilis niyang tinanggal ang bisig. Agad din niyang hinarap ang binata.

"Ikaw 'yong nagpapadala sa akin ng mga bulaklak?"

Nakangiting tumango ang binata, "Yes at wala nang iba. At wala nang bawian pa sa kung anong narinig ko kanina."

Muli siyang nakadama ng hiya. Subalit, maya-maya rin ay nag-iba ang hitsura niya.

"May kasalanan ka pa sa akin!"

Napakamot sa ulong hindi naman kumakati si Edward. "Kasalanan? May kasalanan ako sa iyo?"

"Mayroon!" mabilis na tugon niya."Bakit hindi mo sinabi sa akin na si Mrs. Cabrera pala ang nanay ko?"

"Kung ganoon ay sorry. Hindi ko sinabi sa iyo kasi gusto na siya ang magsabi sa iyo. Ayaw ko na pangunahan siya kaya't sinabi ko sa kanya na dapat siya ang magtapat sa iyo."

"Paano mo nalaman na siya ang ina ko?" muling tanong niya.

"Simula nang kuhain ka ni Mr. Cheng, pinahanap ko na ang iyong ina. Natakot kasi ako nang sobra sa ginawa niya. At mas nanaisin ko pa na bumalik ka rito sa probinsya kasama ang iyong ina, kaysa ang makuha kang muli ni Mr. Cheng. Hindi ba, iyon naman ang ipinunta mo sa Manila?"

MY HAPPY ENDINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon