Chapter 12

373 12 0
                                        

MALAKI ang naging epekto nang muling pagbabalik ni Mrs. Cabrera kay Edward. Madalas ay mainit ang ulo ng binata. Kaunting pagkakamali lang ay nakasigaw na ito. Simula rin n'on, napansin ni Honey na wala nang nagpapadala sa kanya ng mga rosas. At dahil doon, nakahinga na siya nang maluwag subalit sa kabilang dako ng isipan niya'y hinahanap-hanap niya iyon. Hindi man niya maamin sa sarili, na sa kabila ng takot at agam-agam ay may hatid ding kiliti sa kanyang pagkatao ang mga rosas na iyon. Wari ba'y napaka-espesyal niyang tao at espesyal siya sa puso ng taong nagpapadala niyon.

Hindi mapakali si Edward nang umagang iyon, naroong tatayo't uupo. Maglalakad nang ilang hakbang at muling babalik sa upoan. Sinusundan lamang ito nang tingin ng dalagang halos mahilo na sa ginagawa ng binata. At sa huli'y hindi na siya nakatiis, nilapitan na niya ito.

"Sir, kape mo, malamig na." Hinawakan niya ang tasa upang iabot sa binata.

Napatitig si Edward sa kanya at kapagdaka ay nilagok na rin ang mala-hiningang kape.

"I'm getting nervous!" turan pa nito pagkalagay ng tasa sa mesa.

"Bawas-bawasan mo na kasi Sir ang kakainom ng kape," pabirong tugon niya.

"No! It's not because of that Honey."

"Then why? May problema ho ba, Sir?"

Napatitig sa kanya ang binata, "Sa pagdating ni Mrs. Cabrera," umupo ito sa sariling bangko at siya nama'y sa tapat na bangko umupo.

Nagka-interes bigla siyang tanungin ang binata, "Sino ho ba siya Sir?"

"Asawa ng kapatid ko at siya rin ang ipinalit ni Kuya bilang CEO at presidente ng kompanyang ito."

"Bakit naman ho napunta sa iyo ang ganitong posisyon?"

"Anak ako sa ibang lalaki ni Mama, kaya't hindi ako pinamanahan nang kahit ano ni Mr. Cabrera, ang tunay na asawa ng aking ina. Sa aking panganay na kapatid ibinigay niya ang malaking obligasyong tulad nito, pero nang mamatay ang aking kapatid ipinagkatiwala naman ni Kuya ito sa kanyang asawa. Hindi ko siya lubos na kilala dahil sa America ako lumaki. Pina-uwi lang ako ni Mama nang matuklasan niya na malaking pera ang nawawala sa kompanyang ito. Kaya siya napa-alis sa puwesto." Kuwento ng binata.

"Eh bakit ho siya naghahabol pa? At tsaka, bakit ho siya nagagalit sa inyo na pati ako ay nadamay?"

"May share kasi siya rito kaya siguro naghahabol pa. At may huling habilin si Mama na nakasulat sa papel ng kompanyang ito--" Inihinto muna ni Edward ang iba pang sasabihin. Nag-isip kung itutuloy pa ba ang pagsasalita.

"Na ano ho Sir?"

"K-kaya siguro siya nagagalit d-dahil--o baka'y nalaman niya na m-magpapakasal na ako."

Nalaglag ang panga ni Honey sa maling pagkaunawa sa narinig, "May gusto siya sa iyo Sir? Hanep pala ang babaing 'yon! Magkapat---"

"Hindi ganiyan ang ibig kong sabihin," putol agad nito. "May habilin kasi si Mama na kapag ang naka-upo ay magpapakasal o mag-aasawa magiging legal o siya na ang kikilalaning tunay na may-ari ng kompanyang ito."

"Ah! Gets ko na Sir. Ibig sabihin, puwede pa ho kayong matanggal sa  puwesto mo ngayon!"

Napipilan si Edward. Iyon na ang malaking gumugulo sa isipan nito simula nang dumating si Mrs. Cabrera.

Nabasa ni Honey sa mata ng binata ang takot sa sinabi niya, kaya't umisip agad siya ng pangtuwid na sasabihin.

"Bakit hindi na lang ho kayo mag-asawa? At tiyak kong maraming babae ang magkakagusto sa iyo, Sir." Napapitik pa siya ng daliri.

Hindi pa rin nawala ang pangamba sa mukha ng binata, "Hindi ganoon kadali ang sinasabi kong pag-aasawa, Honey."

"Bakit naman, Sir? Maraming magaganda at sexy na babae, kung ayaw mo ng Filipina, maghanap ka sa ibang bansa. Tiyak na marami ang magkakandarapa sa iyong babae."

MY HAPPY ENDINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon