NANG sumunod na linggo ay nagpatawag nga muli ng meeting si Mrs. Cabrera. Umaga pa lamang ay pinaghahandaan na ni Edward iyon. Naroon siya sa kanyang mesa at niri-repaso ang papel na hawak. Nakasaad doon ang mga nagawa at naging income ng kompanya sa loob ng kanyang pamamahala. Subalit may isa siyang ikinababahala na tiyak niyang gagamitin ng kampo ni Mrs. Cabrera. Bumaba ang kita nila nitong nakaraang taon dahil iyon sa taong pinagkatiwalaan niya. Ibinigay niya roon ang kapangyarihan na pamunoan ang binubuo nilang project ngunit sa huli ay naglaho na parang bula ang taong iyon.
Mula sa pagbabasa ng hawak na papel ay napabuga ng hangin si Edward at napatutok ang mata sa itaas. Maka-ilang beses din niyang kinakatok ang mesa tulad ng nakagawian niya kapag natutuliro ang kanyang isipan.
"Coffee Sir, para mahimasmasan kayo." Inilapag ni Honey ang mainit na tasang kape.
"Thank you."
Umupo si Honey sa unahang bangko. At doo'y nahalata ni Edward na mukhang may malalim itong iniisip.
"May problema ba?"
Dumiretso ang tingin ng dalaga sa binata, "Mayroon kasing bagay na hindi maalis sa isipan ko,"
"What is that?"
"Natatandaan mo ba Sir n'ong dumating dito si Mrs. Cabrera? N'ong nasigawan niya ako?"
Naumid ang dila ni Edward, ina-akala niya na ang biglang pagkakayakap niya sa dalaga ang nasa isipan nito.
"Bago ka kasi dumating Sir, binanggit niya ang pangalan ko."
"Anong mali roon?"
"Wala akong matandaan na nagpakilala ako sa kanya Sir, kaya bakit niya ako matatawag sa pangalan ko gayong hindi ako nagpakilala sa kanya?"
Napa-isip bigla si Edward, "Hindi kaya sinabi nang mga tao sa labas?" balik niyang sabi.
Si Honey naman ang natahimik sandali. At ilang sandali pa ay tumayo na ito. "Ewan ko ho Sir, pero iba ang kutob ko. May mali ho sa nangyayari."
Hindi na nakapagsalita pa si Edward. Lalo siyang nahulog sa malalim na pag-iisip.
"Honey, tawagin mo nga si Ben."
Tumalima naman agad si Honey at nang pumasok ito ay kasunod na si Ben.
"Yes Sir,"
"N'ong dumating si Mrs. Cabrera rito last week, may sinabi ba kayo? Anything na sinabi ninyo sa kanya."
Napatingin lamang si Honey sa dalawa.
"Wala ho Sir, napanganga nga ho kami nang makitang dumarating siya."
Nagkatinginan si Honey at Edward. Magsasalita sana ang dalaga nang pigilan sa tingin ito ng binata.
"You may go Ben and thank you," anang binata sabay yuko ng ulo at muling tinapunan ang hawak na papel.
At nang makalabas na ito'y agad na lumapit si Honey.
"Sir..."
"Mukhang tama ka Honey, may mali nga sa nangyayari rito. May taong nagsasabi kay Mrs. Cabrera kung ano ang nangyayari rito sa loob ng kompanya. May kasabwat siya kaya alam nito kung ano ang nangyayari rito.
"Sino naman iyon Sir?"
Natahimik sandali si Edward at napatitig sa kawalan, "Iyan ang hindi ko masasagot pero iisa lang ang masasabi ko, malapit din sa atin ang taong iyon."
"Si Mang Edring?"
Umiling si Edward, "Palagay ko'y hindi siya, Honey. Family driver siya ni Mama. At tiyak kong hindi niya magagawa iyon lalo na't isa rin ito sa matagal na nagtrabaho sa kanya. Malaki ang utang na loob niya kay Mama---" naudlot ang pagsasalita ng binata.

BINABASA MO ANG
MY HAPPY ENDING
RomanceAng paghahanap ni HONEY sa hindi pa nasisilayang ina ang nagtulak sa kanya upang magtungo sa Manila. Isa siyang probinsiyana at ngayon pa lamang tatapak sa lugar na iyon. Sa pagtuntong niya sa Manila, disgrasya ang nahanap niya. Nawala ang kanyang...