Chapter 18

391 8 0
                                    

KAHIT hindi maayos ang tulog ni Honey ay maaga pa rin siyang nagising kinabukasan. Inihanda niya ang sarili para magluto ng almusal upang sa gayon ay makabawi siya sa binatang amo. Ngunit, nagulat siya sa pagbukas niya ng silid. Nakatayo na roon ang binata at akmang kakatok.

"Sir, ang aga n'yo ho yatang magising ah!"

"Maaga kasi akong nakatulog kagabi," tugon ng binata ngunit ang toto'y hindi ito halos nakatulog. "Eh, ikaw, nakatulog ka ba nang maayos?"

"Medyo ho, paudlot-udlot ang tulog ko."

"May trauma ka pa kasi pero lilipas din iyan. Halika na, mag-almusal na tayo." Inalalayan pa siya nito patungong mesa.

Napa-awang ang bibig ng dalaga, nakahanay na kasi sa mesa ang pagkain na sa tantiya niya'y pang-isang pamilya na.

"Ipinagluto kita ng marami, para nama'y mabawi mo ang nawalang lakas mo. Kita ko kasi na nangayayat ka," paliwanag ni Edward kahit wala siyang tinatanong.

Hindi siya sumagot ngunit ang isipan niya'y nagsasabi, pumayat ako sa loob lamang ng isang araw!

Ipinaglagay siya nito sa pinggan na agad naman niyang isinubo. Kung noo'y nahihiya pa siya sa kaharap na binata, ngayo'y wala na siyang hiya na nararamdaman. Nagkuwentuhan pa sila habang kumakain.

"Ahm Honey, huwag ka munang pumasok. Dito ka na lamang muna sa bahay. Delikado pa ngayon, baka'y makita ka pa ni Mr. Cheng."

Napa-oo na lamang siya kahit labag sa kanyang kalooban. Gusto sana kasi niyang sumama sa office ngunit pinili niyang sumang-ayon na lamang sa gusto ng binata. Baka'y hindi na siya makaligtas pa 'pag nakita siyang muli ni Mr. Cheng.

"At isa pa nga pala, gusto mo bang magsampa ng kaso laban sa kanya?"

Ang tanong na iyon ang nagpalaki lalo ng pagkakabuka ng bibig niya. Hindi siya agad nakasagot ngunit sa huli'y napa-iling siya.

"Bakit?"

"Ayaw ko ho nang gulo Sir at tiyak na 'pag nagsampa pa ako, pati kayo ay madadamay. Isa pa'y kung magsampa man ako, mananalo ba ako laban sa kanya?"

Si Edward naman ang hindi agad nakasagot.

"Kung hindi n'yo ho ako isasama, sana ay wala ho munang makaalam na narito ako sa condo n'yo."

"Kung iyan ang gusto mo'y susundin ko."

Ganoon nga ang ginawa ni Edward nang nasa opisina na ito. Tanging sila lamang ni Edring ang nakakaalam na nasa poder na muli niya si Honey.

BAGO sumapit ang hapon ay may 'di inaasahang panauhin si Edward. Ngingiti-ngiti pa ito sa kanya. Siya nama'y pinakakalma ang sarili habang lumalapit ang dumating.

"Oh hi, Mr. Cheng," bati pa niya rito.

Ngiti lang ang itinugon nito kasabay ang pag-upo sa bangkong nasa harapan ng mesa niya.

"Napadalaw ka yata! Is there something wrong?" pahapyaw niyang tanong.

Magsasalita na sana ang kaharap ni Edward subalit pumasok si Mrs. Cabrera. Nagpalipat-lipat ang mata ng binata sa dalawang taong biglaang dumating.

"Anong mayroon? Bakit napasugod kayo rito? Kukuhain mo na itong kompanya, Mrs. Cabrera?"

"Yes," mabilis na tugon ng ginang. "Ipagpapatuloy ko ang nasimulan ko dahil nabalitaan ko na umatras ang iyong kasosyo sa pag-suporta sa iyo." Sumilay ang ngiti sa gilid ng labi ni Mrs. Cabrera lalo na nang sulyapan nito ang naka-upong kaharap.

"And so?" Palaban din naman si Edward. "At sa palagay mo'y ibibigay ko itong kompanya sa iyo? Nagkakamali ka kung iyan ang paniniwala mo, Mrs. Cabrera. Hindi ako basta-basta sumusuko."

MY HAPPY ENDINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon