MABILIS na tumayo si Honey, pinunasan ang luhang dumadaloy sa magkabila niyang pisngi. Napa-atras siya nang makita ang paghakbang ng binata.
"Huwag ho Sir, parang-awa n'yo na ho!" Muling bumalong ang luha sa kanyang mata dala ng labis na takot.
Napahinto naman si Edward. Pakiramdam ng binata'y may kamay na pumiga sa kanyang puso dahil sa nakikitang takot sa mata ng dalaga.
"H-honey, hindi kita sasaktan. Pumarito ako para iligtas ka. Sa katunayan nga'y kasama ko kanina si Caren sa labas at humihingi siya sa iyo ng tawad. Hindi ka raw agad siya nakalabas nang gabing tumatawag ka." Paliwanag ng binata sa pag-aakalang mawawala ang takot ng dalaga.
Lalong lumakas ang pag-iyak ni Honey. Tila isa siyang musmos na bata na naghahanap ng kalinga ng magulang.
"Lola, tulongan mo po ako!" Lumakas pa ang kanyang pag-iyak at nanginig ang mga tuhod. Lalo na't naramdaman na niya ang malapad na dingding.
Napalingon si Edward sa pinto at sa takot na may makarinig sa iyak ng dalaga ay isinarado nito iyon. At binalingang muli ang dalaga. Hindi makapagsalita ang binata habang nilalapitan ang dalaga. Awa at pagkahabag ang naramdaman nito.
"Honey, relax! Calm down, please!" pagsusumamo nito habang patuloy sa paglapit.
"Huwag po, Sir," niyakap ni Honey ang sarili at unti-unting napa-upo.
Hindi na napigil ni Edward ang sarili. Maging ito ay napaluha na rin. Naikuyom nito ang dalawang kamao at dahan-dahan umupo rin upang mapapantay sa dalaga.
"Im sorry, Honey," niyakap nito ang dalaga.
Kapwa na sila luhaan nang walang anu-ano'y nakarinig sila ng kaluskos mula sa labas ng pinto. Kaagad na tumindig si Edward at nagkubli sa pinaka-sulok ng pinto.
"Nasa akin nga pala ang susi. Tiyak na hindi ninyo mabubuksan iyan unless may isa pa kayong susi ng silid na ito." Kinapa nito ang bulsa kung saan ay naroon ang susi.
Nakatitig lamang naman si Honey sa binata. Tumayo na rin siyang muli.
Nang hindi bumukas ang pinto ay muling nilapitan ni Edward si Honey. At muli ay buong higpit na niyakap ang dalaga.
"I'm sorry, Honey, pero sa maniwala ka o hindi, hindi ako pumayag sa gustong mangyari ni Mr. Cheng."
Humikbi ang dalaga, "S-sabi niya sa akin, pumayag ka raw sa gusto niyang mangyari. Ibinenta mo raw ako sa kanya!" Muli siyang napahikbi. Animo'y isang bata na nagsusumbong sa ama.
Kumalas si Edward sa pagkakayakap at hinawakan ang magkabilang pisngi ng dalaga, "No! Hindi iyan totoo. Kung pumayag ako sa gusto niya, bakit ngayo'y narito ako sa harapan mo?"
Hindi nakasagot si Honey, ngunit muli siyang napaluha. Napayakap na lamang siya sa binata.
"Salamat, Sir. Salamat po." Gumaralgal ang tinig niya.
Ini-angat ni Edward ang mukha ng dalaga at pinahid gamit ang daliri ang luha sa kanyang pisngi.
"Sinaktan ka ba niya? May ginawa ba siya sa iyong masama?"
Umiling lang si Honey.
"Hindi ako papayag na may masamang mangyari sa iyo Honey. Pero bago ang lahat, hindi tayo puwedeng magtagal dito." Hinawakan nito ang braso niya at niyakag patungo sa pinto. "Kailangan na nating makaalis kaagad bago pa bumalik si Mr. Cheng."
Ingat na ingat si Edward sa pagbukas ng pinto. Sumilip muna ito at nang makatiyak na walang ibang tao ay saka pa lamang ito lumabas. Kasunod nito si Honey. Kinandado nito muli ang silid at inilapag sa mesa ang susi.
BINABASA MO ANG
MY HAPPY ENDING
RomanceAng paghahanap ni HONEY sa hindi pa nasisilayang ina ang nagtulak sa kanya upang magtungo sa Manila. Isa siyang probinsiyana at ngayon pa lamang tatapak sa lugar na iyon. Sa pagtuntong niya sa Manila, disgrasya ang nahanap niya. Nawala ang kanyang...