LUHAANG dumating sa unit ng binata si Honey. Isinilid niya lahat ng mga gamit sa isang bag. Aalis na siya sa poder ng binata.
"Akala ko, mabait ka. Hindi pala!" Sa pagitan ng hikbi ay naisatinig niya ang katagang iyon.
Dinig na dinig kasi niya ang pinag-uusapan ng dalawa kanina lamang. Dinig niya ang sinabi ni Mr. Cheng. Inaalok ang binata nito ng tulong kapalit ay siya. At sino ba naman siya sa buhay ng binata upang tanggihan ang inihahaing tulong? Sino ba naman siya sa buhay ni Edward upang siya ang piliin nito?
Balak sana kasi niyang ipaalam sa binata na alam na niya kung sino ang umaahas dito. Nakatayo na noon siya sa harap ng pinto at narinig nga niya ang pinag-uusapan ng dalawa. At sa takot na makita pa siya ni Mr. Cheng, agad niyang nilisan ang building na iyon. Balak na rin niyang magpakalayo-layo o kaya'y bumalik na lamang sa poder ng kanyang lola.
Bigla siyang pinanghinaan ng loob. Nanlambot ang mga tuhod niya lalo nang mahawakan ang binigay na damit ni Edward. Sa hindi malamang dahilan ay nayakap niya iyon.
"Bakit ngayon pa? Bakit ngayon pang unti-unti nang nahuhulog ang loob ko sa iyo, Sir Edward? Kunsabagay, sino ba naman ako sa buhay mo? Assistant mo lang naman ako. Assistant na walang alam. Buwisit kasing pakiramdaman 'to eh! Ikaw pa ang pinantasya. Kung si Paulo Avelino na lamang, disinsana ay waka akong problema."
Pinahid na niya ang luhang namamalisbis sa pisngi niya at minadali na ang ginagawa. Sa isa pang sandali, pinagmasdan niya ang paligid, magmula sa kanyang silid hanggang sa kusina at sala na kung saan ay paboritong tambayan ni Edward. Pinasadahan pa niya ng daliri ang palaging inuupoan ng binata.
"Mami-miss ko ito. Mami-miss din kita, Sir Edward. Ingatan mo palagi ang 'yong sarili. At salamat sa lahat ng magandang alaala rito sa Manila. Totoo nga pala ang sabi nang ilan, walang happy ending!" Pagkawika ay tuloyan na niyang nilisan ang unit ni Edward bitbit ang kanyang bag. Luhaan pa rin siya nang makasakay na ng taxi lalo na nang balikan sa isipan ang ginawang kabutihan sa kanya ng binatang amo. Lahat pala nang iyon ay may kapalit.
Naka-upo siya sa nakahilirang bangko sa terminal ng bus. Pinag-iisipan pa rin niya kung babalik na lang ng probinsiya o maglalagi muna sa Manila? Pero saan siya pupunta kung sakali man na mag-stay pa siya rito?
"Mang Edring..." sambit niya nang pumasok iyon sa isipan niya. Agad niyang dinampot ang cellphone ngunit nahinto rin ang pag-dial niya sa numero ng matanda. "Baka ipaalam niya kay Sir Edward kung doon ako pupunta. Si Caren kaya?"
Nabuo ang isang desisyon sa isipan niya. Mula sa terminal ay sumakay siya ng dyip patungo sa pinapasukang bahay ng kaibigan. Pero nang nasa sasakyan pa lang inabot na siya ng malas. Halos ayaw umusad ng sasakyan kaya magdidilim na nang marating niya ang compound na tinitirahan ni Caren. Bago pa marating niya ang mismong bahay ay may mararaanan ka munang mga guwardiya. At doon ay katakot-takot na paliwanag ang kanyang sinabi sa dalawang lalaki. Subalit hindi pa rin siya pinapasok ng mga ito. Naghintay muna siya sa gilid at pilit na tinawagan ang numero ng kaibigan. Laking malas niya dahil habang nakatayo siya sa gilid ng kalsada ay may pumaradang sasakyan sa tapat niya.
"Hi Honey," nangingiting tila isang asong nauulol ang bumati sa kanya.
Halos panawan siya ng ulirat nang mapagsino ang bumating iyon sa kanya. Si Mr. Cheng lang naman. Doon din pala iyon nakatira.
"Get inside!" utos nito, "Narito ka na pala! Nag-uusap pa lang kami kanina ni Edward, hindi ko akalain na mabilis pala siyang magdesisyon. Pinapunta ka pa niya rito." Bumaba na ito ng sasakyan upang sunduin siya.
"No! Hindi po! Nagkakamali po kayo ng akala. Hindi po ako sasama sa iyo." Nagpumiglas siya nang haklutin siya ni Mr. Cheng.
Ang dalawang guwardiya nama'y pinagmamasdan lang sila na animo'y isang live movie ang pinapanuod.
"Tulong! Tulong..." paulit-ulit na niyang sigaw subalit tila mga pipi't bulag ang mga tao roon.
"Huwag ka nang magpumiglas pa. Lalong huwag mo nang pag-aksayahan pa ng panahon ang pagsigaw dahil walang mangyayari. Mapapaos ka lamang. Alam mo ba kung bakit ayaw nilang maki-alam? Dahil takot sila sa akin. Ako ang may-ari ng compound na ito kaya wala ka nang magagawa pa. Akin ka na ngayon, Honey. Ibinenta ka na sa akin ni Edward."
Nahumindig siya sa takot at lalong nawalan ng pag-asa. Hindi! Malakas na hiyaw ng isipan niya. Kailangan niyang lumaban.
"Hindi! Hindi ako papayag!"
Lalo siyang nagpumiglas subalit sa laki ng katawan nito'y nagmukha lamang siyang uod. Sumenyas naman si Mr. Cheng sa lalaking nasa loob ng sasakyan. At nang lumapit ito sa kanila, suntok sa sikmura ang inabot niya at sa isang iglap ay nawalan siya ng malay.
Nagising siyang nasa isang malaki at magarang silid. Tiningnan agad niya ang sarili. Buo pa rin ang kanyang kasuotan. At naglakad nang ilang hakbang. Wala siyang naramdamang anumang sakit maliban sa sikmura dala ng pagkakasuntok ng lalaki kanina kaya siya nawalan ng malay. Nandoon din ang gamit niya. Subalit ang cellphone...
"Ang cellphone ko! Nasaan na iyon?" Hinalughog niya ang gamit ngunit hindi na niya natagpuan ang cellphone. "Paano na ako nito?" Nanlulumong napa-upo siya sa gilid ng kama. Napaluha na lamang siya yakap ang dalawang tuhod. "Lord, tulongan Mo naman po ako. Huwag Mo po sanang iadya na mapahamak ako," taimtim niyang dalangin.
Ipinatong niya ang ulo sa ibabaw ng tuhod at doo'y umiyak nang umiyak.
"Kung hindi lang sana matigas ang aking ulo, hindi sana malalagay ako sa ganitong sitwasyon. Sana pala hindi na ako nagtungo rito sa Maynila. O kaya'y bumalik na lang ako kay Lola." Lumakas ang pagtangis niya nang maalala ang butihing matanda. "Lola, patawad po. Mahal na mahal po kita."
Sa kagustohan niyang makita sng ina, ngayo'y nalalagay siya sa kapahamakan. At mukhang wala nang makatutulong pa sa kanya, na kahit ang isang tao na inakala niyang mabait ay siya pa pala ang magpapahamak sa kanya.
"Hanep ka, Sir Edward! Nang dahil sa kag'wapuhan mo'y napahamak ako!" angil niya sa sarili habang patuloy na lumuluha.
"SHIT!"
Pabalibag na isinara ni Edward ang naratnang nakabukas na kabinet. Wala na roon si Honey, hindi na niya ito naabutan. Napasuntok pa siya sa panara niyon.
"Sir Edward," tinig ni Mang Edring, nasa likuran ito ng binata.
"Bakit? Bakit kailangang mangyari pa sa akin ito Edring? Anong kasalanan ko sa kanila? Bakit ako pinapahirapan nang ganito?" Halos sumigaw na siya sa galit.
Matapos kasi ang pag-uusap nila ni Mr. Cheng, bumalik siya sa meeting upang balikan si Honey. Subalit wala na roon ang dalaga. Hinanap niya ito sa kung saan-saan hanggang sa may nakapagsabi na isang empleyado, naka-upo iyon malapit sa kanyang office na nakita nito si Honey nang magka-usap sila ni Mr. Cheng. Sinabi pa nito na dali-dali nang umalis si Honey. Itinanong din niya sa guwardiya kung lumabas nga ang dalaga at pagtango ang nakuha niyang kasagutan.
"Iwan mo na ako, Mang Edring. Makakauwi ka na ho."
Hindi na nagsalita pa ang matandang maneho. Tinitigan muna nito ang binata at napa-iling saka ay lumabas ng silid.
Napaluhod at nayakap ni Edward ang hinihigaan ng dalaga nang mapagsolo na siya roon. Dalawang importante ang nawala sa kanya sa loob lamang ng isang araw. Ang kompanya dahil tiyak namang talo na siya at si Honey. Si Honey na naging gamot niya sa sakit na kalungkotan. Buong akala ng dalaga ay tatanggapin niya ang tulong ni Mr. Cheng kaya siguro'y umalis ito nang walang paalam. Papaano na siya ngayon? Nag-iisa na lamang siya. Nag-iisa sa kabiguan at kalungkotan.
Tanging beer ang naging kasalo niya nang maghapo't magdamag na iyon. At nang halos maubos na niya ang lahat laman ng bote ng beer ay nakatanggap siya ng tawag.
"Si Honey," nawala bigla ang kanyang kalasingan nang lumabas sa screen ng cellphone niya ang pangalan ng dalaga. Inihanda niya ang sarili sa paliwanag. Nanginginig ang kamay nang sagutin pa ang tawag na iyon.
"H-hello," aniya.
"Hello Sir, kayo ho ba si Sir Edward?"
"Yes, ako nga. B-bakit nasa iyo ang cellphone ni Honey?" Biglang umahon ang kaba sa dibdib ni Edward. Hindi niya mapapatawad ang sarili 'pag may masamang nangyari rito. Hindi niya kakayanin na pati ang dalaga'y mawala sa kanya. Na-realize niya na mahal na nga niya ito at iyon ang dahilan kung bakit hindi siya pumayag sa tulong na ibinibigay ni Mr. Cheng.

BINABASA MO ANG
MY HAPPY ENDING
RomansaAng paghahanap ni HONEY sa hindi pa nasisilayang ina ang nagtulak sa kanya upang magtungo sa Manila. Isa siyang probinsiyana at ngayon pa lamang tatapak sa lugar na iyon. Sa pagtuntong niya sa Manila, disgrasya ang nahanap niya. Nawala ang kanyang...