"SIR, cellphone mo!"
Napilitan si Edward na sagutin ang tumatawag sa cellphone. Dumistansya ito sa dalaga upang kausapin ang tumatawag. Si Mr. Arguelles. May sinabi ito na ikinasingkit ng mata ng binata.
"Dito ka na lang muna, Hone. Pupunta lang ako sa opisina," anito matapos ang pag-uusap. Pinisil pa ng binata ang baba ng dalaga.
Napatango na lamang si Honey at hinabol ng tingin ang lumalabas na binata. Sinigurado niya na mag-isa na lamang siya sa unit at pagkatapos ay pumasok sa silid, ikinandado niya ang pinto niyon, saka'y nagtitili nang nagtitili. Nagtatalon din siya sa ibabaw ng kama, animo'y isang batang tuwang-tuwa.
"Oh my gosh! Oh my gosh!" paulit-ulit niyang sabi. "Ayeeii..." tili niyang muli. Saka isinubsob ang mukha sa unan na nakatuwad. "Anong ibig sabihin n'on? Bakit niya ako hahalikan?" Napabalikwas siya ng upo at dinama ang magkabilang pisngi. Nasa anyo na niya ang panghihinayang. "Kung hindi kaya nag-ring ang cellphone n'ya, ano kaya ang nangyari? Panira ng moment 'yon ah!"
Napa-isip siya. Tiyak na alam na ni Mr. Cheng na wala na siya roon at nakatitiyak din siya na nagwawala na iyon sa sobrang galit. Ilang segundo lamang ay nag-iba ang awra niya. Naging malungkot at tila balisa.
"Paano na ngayon si Sir Edward? 'Pag nagkataon, mawawala sa kanya ang kompanya." Nangilid ang kanyang luha, "Dahil sa akin, mawawala ang kompanya n'ya. Tiyak na hindi kakampi si Mr. Cheng kay Sir pero kung hindi naman niya ako iniligtas--" lumakas ang pagtangis niya. Isipin pa lang niya ang mangyayari sa kamay ng matandang iyo'y naluluha na siya.
Naantala ang pagmumuni-muni ng dalaga nang mag-ring ang cellphone niya. Ibinigay na iyon ni Edward bago ito umalis. Muli ay naramdaman niya ang kakaibang pintig ng puso dahil sa pangalang lumabas sa screen ng cellphone niya.
"H-hello, S-sir," nakagat niya ang pang-ibabang labi matapos marinig ang malambing na boses ng binata. Binilinan lamang siya nito na huwag munang lalabas lalo na't wala kung kasama. Hindi halos rumihistro sa utak niya ang iba pang sinabi ng binata dahil sa kung anu-anong bagay ang pumapasok sa isipan niya.
Matapos nilang mag-usap ay nayakap niya ang cellphone, "Hay pag-ibig! Bakit nakaka-praning ka?" aniya habang namumungay ang mata.
Hindi niya maipaliwanag kung ano ang nararamdaman, kung bakit kapag naiisip niya ang binata'y biglang naglalaho ang takot na nararamdaman niya simula nang kuhain siya ni Mr. Cheng. Ito na ba ang kanyang ilaw? Magsisilbing ilaw niya sa gitna ng kadiliman? Ito na ba ang magpapaligaya sa nalulumbay pa niyang puso.
Napasinghap ang dalaga nang maalala ang mga bulaklak na ipinapadala sa kanya. Wala na ang mga iyon sa gilid ng silid niya, naitapon na niya.
"Hindi kaya si Sir ang nagpapadala ng bulaklak sa akin?" Napatayo bigla siya, "Kung siya, ibig sabihin, matagal na siyang may gusto sa akin! Wow! Honey, haba ng hair mo! Umabot sa Mindoro."
Nangingiti siyang humilata sa kama. At unti-unti'y ipinikit ang mga mata.
NARATING na ni Edward ang kanyang opisina. Naabutan niyang naka-upo si Mr. Arguelles sa upoan ni Honey.
"Ano 'yong sasabihin mo, Mr. Aguelles?"
Humugot muna ng isang malalim na hininga ito bago tinugon ang binata.
"Tumawag sa akin si Mr. Cheng iuurong na raw niya ang kanyang suporta sa iyo. Mukhang malalagay tayo ngayon sa alanganin Edward. Wala na akong ibang mahagilap na susuporta sa iyo. Ang ibang investor natin ay may kanya-kanyang lakad kaya hindi ko mahagilap."
Inaasahan na ni Edward ang ganoong balita, kaya't tila balewala iyon sa kanya. Siya naman napahinga ng malalim.
"Okay lang ho iyon, Mr. Arguelles. Tanggap ko na ho ngayon na matatalo ako ni Mrs. Cabrera."

BINABASA MO ANG
MY HAPPY ENDING
RomanceAng paghahanap ni HONEY sa hindi pa nasisilayang ina ang nagtulak sa kanya upang magtungo sa Manila. Isa siyang probinsiyana at ngayon pa lamang tatapak sa lugar na iyon. Sa pagtuntong niya sa Manila, disgrasya ang nahanap niya. Nawala ang kanyang...