Chapter 22
NAKATINGIN sa karimlan si Honey, maya-maya pa ay naramdaman niya ang paglapit ng butihing lola.
"Lola," agad siyang yumakap dito. Isinalaysay niya ang nangyari sa Manila, maging ang tungkol sa pagkikita nilang mag-ina.
"Apo, hindi ba't sabi ko sa iyo'y masarap ang magpatawad?"
Napahikbi si Honey, "Alam ko po 'yon, pero paano po ako makakapagpatawad agad gayong hinusgahan niya ako."
"Wala akong masasabi riyan, apo. Pero alam ko, darating ang araw na mapapatawad mo rin siya," naisagot ni Lola Caring kasabay ang paghaplos sa buhok niya.
"Opo Lola, sa paghilom po ng pitak sa puso ko alam ko po na mapapatawad ko s'ya." Muling napahikbi si Honey. Animo'y batang musmos na nagsusumbong sa isang ina.
"Alam ko naman na mapapatawad mo rin ang iyong ina, Honey. Mabait ka kasing bata eh!"
"Hindi na po ako bata, Lola."
"Sus! Hindi raw! Kaya pala isang linggo bago ka umalis dito'y umihi ka pa sa higaan mo."
"A-aah Lola naman! Pinaalala pa 'yon, eh. Nakakahiya!"
Napangiti lamang si Caring at muli ay niyakap ang dalaga.
"Namiss po kita, Lola."
"Ikaw din, apo ko."
"Siyanga po pala, may gusto lang po akong malaman tungkol sa aking ina," humiwalay siya sa matanda. "Bakit po sila nagkahiwalay ni Itay?"
Nagsimulang magkuwento si Caring kay Honey. Lahat ng nalalaman ng matanda ay ipinaalam nito sa dalaga.
"Ang lungkot naman po pala! Akala ko'y kapag mahal nila ang isa't-isa, sila na ang magkakasama panghabangbuhay, hindi pala!"
"Marahil ay sadyang ganoon na ang kanilang tadhana. Kahit mahal nila ang isa't-isa, hindi naman sila ang nakatakdang magsama panghangbuhay. Ngunit, tiyak kong ang Itay mo ang tanging lalaking minahal at nasa puso ng Inay mo." Nangiti si Caring sa dalaga kasabay ang paghaplos sa mukha niya.
Maya-maya pa ay napalabi si Honey, "May kasalanan ka po sa akin, Lola."
"Ano naman ang kasalanan ko sa iyo?"
"Ilang beses po kitang tinanong tungkol sa aking ina, hindi po ba? Ang palagi mo pong sagot ay hindi ko alam."
Napahagikgik ng tawa si Caring, "Iyon ba, apo? Gusto ko kasi na ikaw ang makadiskubre at tsaka ayaw ko na ring ipaalam sa iyo dahil sa ayaw ko ngang masaktan ka tulad ngayon."
Muli siyang napalabi, "Dapat bayaran mo po ang kasalanan mo sa akin!"
"At ano naman ang ibabayad ko sa iyo?"
"Isang bilaong pansit at ginataang saging. Na-miss ko po kasi ang luto mo."
"Ikaw talagang bata ka! Oh siya sige, magpahinga ka na, alam kong napagod ka sa biyahe at masaya akong nagtagumpay ka sa pagpunta mo sa Manila."
Ngiti lamang ang naitugon ni Honey dito. Lumabas naman na ng silid si Caring upang makapaghinga siya.
Malalim na sa gabi ay hindi pa rin dalawin ng antok si Honey. Nasa isipan pa rin niya ang mga binitwang salita ng kanyang Lola Caring. Nagtagumpay nga ba siya? O baka'y nabigo? Oo, nagtagumpay siya dahil natagpuan niya ang inang matagal nang hindi nakikita. Natagpuan din niya ang lalaking unang nagpatibok ng kanyang puso. Subalit, kapwa naman ito nag-iwan ng lamat sa kanyang puso. Si Mrs. Cabrera na hinusgahan siya at nilait ang pagkatao, siya pala ang kanyang ina. Si Edward, minsan nang napahamak siya dahil dito. At masakit pa'y, inilihim nito sa kanya ang tungkol sa kanyang ina.
BINABASA MO ANG
MY HAPPY ENDING
RomanceAng paghahanap ni HONEY sa hindi pa nasisilayang ina ang nagtulak sa kanya upang magtungo sa Manila. Isa siyang probinsiyana at ngayon pa lamang tatapak sa lugar na iyon. Sa pagtuntong niya sa Manila, disgrasya ang nahanap niya. Nawala ang kanyang...