Chapter 15

384 10 0
                                    

MABILIS ang pagpapatakbong ginawa ni Edward marating lamang ang sinabing lugar ng tumawag sa kanya. Halos tatlumpong minuto rin siyang nagpa-ikot-ikot sa kalsada bago narating ang lugar na iyon. Huminto siya sa gilid na kung saan ay may nag-aabang na babae.

"Ikaw ba 'yong tumawag sa akin?" tanong agad niya pagkababa ng sasakyan.

"Yes po, Sir. Ako po si Caren. Kaibigan po ako ni Honey. Tumatawag po siya sa akin kanina pa pero hindi ko nasasagot. Nabasa ko lang po ang message niya sa akin kaya ako napatakbo rito sa labas---"

"Wait lang," pinutol ni Edward ang iba pang sasabihin nito. Naagaw kasi ang paningin niya sa dalawang security guard na papunta sa gawi nila.

"Sir, may problema ho ba?"

Hinarap ni Caren ang dalawang guwardiya, "Kanina ko pa kayo tinatanong, hindi ba? Sabi ninyo ay wala kayong nakita rito pero bakit narito ang cellphone ng kaibigan ko?" Halos maiyak na ito sa pagsasalita.

Nanlaki ang mata ni Edward, "Nawawala si Honey?"

"Ang huling text ho niya sa akin kanina'y ayaw daw siyang papasukin nang dalawang gago na 'to. Sunduin ko raw siya rito sa tapat ng poste. Paglabas ko, wala naman akong nakita rito maliban sa cellphobe niya."

Napakamot ang dalawang guwardiya nang balingan ni Edward.

"Kayo pala ang may kasalanan eh! Kung pinapasok n'yo na lamang siya, sana'y hindi siya mawawala!" galit niyang sabi sa dalawa.

"Ilabas n'yo na kasi ang kaibigan ko! Saan n'yo siya dinala?" sigaw naman ni Caren na ngayo'y lumuluha na.

"Wala nga kaming alam sa sinasabi mo." anang isa.

"At saan naman namin siya itatago? Sa loob ng brief namin?" tanong ng isa pa.

"Aba'y loko ka ah!" Inumangan ni Edward ng suntok ang huling nagsalita subalit agad siyang naawat ng kasamang guwardiya at ni Caren.

Humingi rin ng despensa ang kasamahan na guwardiya. Kulang na tatlumpong minuto silang nag-uusap bago nagkaunawaan. Hindi na rin nagtagal doon si Edward ngunit dinala niya ang cellphone ni Honey. At nang makarating na sa unit ay saka pa lamang niya binuksan ang cellphone. Napangiti siya nang makita ang mukha ng dalaga sa screen niyon.

"Your like an angel," hinaplos-haplos pa niya ang larawang iyon bago inisa-isang tingnan ang naka-captured na picture. At halos panindigan siya ng balahibo dahil sa nakita mula sa isang video roon. Kuha iyon sa loob ng conference room kanina lamang. Iyon 'yong wala na siya sa loob. Kitang-kita roon ang lihim na pagpapalitan ng salita ni Mrs. Cabrera at Ben. Nagbigay pa ang huli ng isang papel na nanggaling sa harapan ng kanyang kinauupoan. At kung hindi siya nagkakamali, iyon ang papel na ibinigay sa kanya ni Ben na listahan ng puwede niyang lapitan.

"Ibig sabihin, si Ben ang---shit ka!"

Sa sobrang galit ay nasuntok niya ang mesa. Hindi niya inaasahan iyon. Labis-labis ang pagtitiwalang ibinigay niya rito kaya't hindi niya matanto kung bakit ito pa ang kumalaban sa kanya. Sa lahat ng tauhan ay si Ben ang isa sa malapit sa kanya hindi dahil ito ang kanyang sekretarya, kun'di bilang isang kapatid na rin. Nagkukuwentuhan, nagtatawanan at minsa'y nagpapalitan ng saloobin tungkol sa buhay pag-ibig, ganiyan sila minsan. Pero iyon pala'y pakitang-tao lamang ito sa kanya. Iyon pala'y may mas malalim pala itong habol sa kanya.

Naikuyom niya ang kamao. Samo't-sari na rin ang pumapasok sa isipan niya kung paano makakaganti sa taong iyon. At kung paano rin mapapaalis si Mrs. Cabrera. Nadagdagan pa ang bumabagabag sa kanyang isipan nang maalala si Honey.

Hindi halos siya dalawin ng antok nang gabing iyon. Nasa isipan pa rin niya si Honey. Kung sino ang kumuha rito? At kung bakit? Isa pa ay si Ben. Madali niyang naisip ang maaring gawin sa sekretarya.

MY HAPPY ENDINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon