NAGULO ang nananahimik na isipan ni Honey simula nang may nagpadala sa kanya ng mga rosas. At lahat ng iyon ay iki-kuwento niya sa kaibigang si Weng-weng. Ganoon daw talaga 'pag inlove ang isang tao, lahat ay gagawin makamit lang ang matamis na oo. Pero iba sa sitwasyon niya. Natatakot na nga siya sa misteryosong nagpapadala sa kanya ng bulaklak. Sino ba naman ang hindi matatakot, may nagpapadala nga sa iyo pero hindi mo naman alam kung kanino galing. Kung anu-ano na tuloy ang naiisip niya tungkol sa misteryosong nagpapadala ng bulaklak.
Araw-araw na lang kasi ay may bitbit siyang mga rosas. Pinagtitinginan na nga siya ng mga tao kahit saan. Nagsisigawan ang mga tao sa opisina kapag nakikita siyang may bitbit na rosas. Kung hindi man sa loob ng opisina, sa unit naman na tinutuloyan nila. At minsan pa nga ay nasa loob siya ng mall, may nag-abot ng isang rosas sa kanya. Para tuloy siyang tanga na naghahanap ng isang taong hindi naman kilala. Para itong isang anino na nakabuntot sa kanya kahit saan magpunta. At halos mapuno na ang silid niya ng mga bulaklak. Dinaig pa ang isang flower shop.
Hindi na rin siya halos makatulog sa kakaisip kung sino ba ang nagpapadala niyon sa kanya. Naapektuhan tuloy ang kanyang trabaho. Madalas ay inaantok o kaya nama'y walang gana.
At habang nasa office, pagkatapos nilang mag-lunch ni Edward ay sunod-sunod na naman ang kanyang paghikab. Ilang araw na rin siyang nanamlay. Napansin naman iyon ni Edward.
"Honey, okay ka lang ba?"
"Oho Sir," simpleng tugon niya.
"Masama ba ang pakiramdam mo? Puwede kang magpahinga muna kung hindi mo kaya. Ipapahatid kita kay Edring." Kinuha nito ang cellphone upang sana ay tawagan si Edring.
"Hindi ho, Sir. Huwag na ho, medyo inaantok lang ho ako ngayon. Hindi ho kasi ako nakatulog nang maayos kagabi," tila wala sa loob niyang sagot.
"Bakit?"
"Wala ho Sir," ayaw niyang ipaalam ang totoo, baka kasi'y pagalitan siya nito.
Napatitig naman si Edward sa dalaga. Hindi man aminin ng dalaga pero alam ng binata kung ano ang dahilan. Nabuo tuloy sa isipan nito ang ilang katanungan. Dapat na nga bang sabihin nito sa dalaga? Dapat na ba nitong ipagtapat ang nararamdaman? Napahinga tuloy ito ng malalim. Dati'y hindi nito matanggap sa sarili na ang makakabihag lamang pala sa kanyang pihikang puso ay isang dalagang probinsyana. Subalit sa pagdaan ng mga araw lalo lamang nahuhulog ang loob niya sa dalaga. Lumabas na lamang ito sandali upang doon pagpasiyahan kung ano dapat gawin.
Naiwang nakayuko si Honey, animo'y binabasa ang hawak. Iyon pala ay nakapikit na ang mata. Nagulantang lang siya nang biglang lumagabog ang pinto. At mula roon ay may pumasok na isang babae. Sa tantiya niya'y edad trenta hanggang trenta y singko ito. Dumiretso ito sa harap ng mesa ni Edward. Nawala bigla ang nararamdaman niyang antok.
"Where is he?" Namaywang pa ito.
Hindi niya alam kung ano sasabihin dahil hindi niya alam kung saan nagpunta si Edward.
"Ahm Ma'am, may appointment ho ba kayo kay Sir? Maghintay na lang ho muna kayo sandali. Ma-upo ho muna kayo," magalang niyang sabi, itinuro pa niya ang nasa gilid na bangko.
Taas ang kilay nang harapin siya nito. Nahintatakutan tuloy siya. Sinayod pa siya nito mula ulo hanggang paa, paa hanggang ulo.
"At sino ka naman? Oh, you must be Honey, tama ba ako iha?"
Natamimi bigla siya. Pakiramdam niya'y may koneksyon ito sa binata. At bakit siya kilala nito? Hindi kaya sinabi ni Edward?
"Kayo ho ba ang ina ni Sir Edward?"
"Stupid! Silly girl!" Napalakas ang tinig na iyon na umabot hanggang sa labas ng office. "Mukha ba akong ina ng boss mong mahina ang ulo? Ganoon na ba katanda ang hitsura ko, ha?" Nanlalaki ang galit nitong mata.
Lalo siyang nahintatakutan. Naumid ang dila. At pakiwari ba niya'y sinampal siya nang ilang beses. Kumapal ang mukha niya dahil sa sinalitang iyon ng kaharap. Wala pa kahit sino ang nakapagsalita sa kanya ng masakit na salita, kahit ang kanyang lola na nagpalaki sa kanya. Kulang na lamang ay mapaluha siya.
Nabaling na lamang ang tingin niya nang magbukas muli ang pinto. Si Edward.Dali-dali siyang nilapitan nito at niyakap.
"Don't you ever do that to her again!" matigas pa nitong sambit.
"Why? May ginawa ba akong hindi maganda sa kanya?"
"Narinig ko mula sa labas ang ginawang paninigaw mo sa kanya. Wala kang karapatang manigaw at magsalita nang kung anuman sa tauhan ko. Hindi mo sila tauhan at lalong hindi ikaw ang nagpapa-suweldo sa kanila. Kaya ka nawalan ng tauhan eh! Kaya nawala sa iyo ang lahat, dahil sa ugali mo. Ang sungit-sungit mo sa mga taong nakapaligid sa iyo!"
Isang sampal ang itinugon ng kaharap kay Edward. At labis na nasaktan si Honey sa nakita. Nakita rin niya ang galit sa mata ng binata habang magkadikit ang kanilang mga katawan.
"How dare you to say that to me?" Dinuro pa nito ang binata.
Sandali siya nitong binitiwan upang harapin ang babaing bagong dating.
"Wala ka ring karapatan na duruin ako nang ganiyan, Mrs. Cabrera!" Tinapig ng binata ang kamay ng babaing kaharap.
Animo'y nanunuod si Honey ng duwelo. Palitan ng maaanghang na salita. Parang si Gael at Samantha sa paboritong niyang teleserye. Hindi matapos-tapos ang gulo dahil pareho nilang binabalikan ang nakaraan.
Napangisi ang babae, "Really? So, mataas na pala ang tingin mo sa sarili mo ngayon Edward? Bakit? Sino ba ang ipinagmamalaki mo? Siya ba?" Inginuso nito ang dalagang nasa likuran ng binata. "Eh nene pa iyan ah!"
"Huwag na huwag mong isasali siya sa usapan natin! Wala siyang kinalaman dito."
Muli itong napangisi, "Sigurado ka?" Humakbang pa ito palapit sa binata, "Kung ganoon, hindi ka magtatagumpay sa kung ano ang binabalak mo. Kukuhain ko ang dapat ay para sa akin." Kunwari ay inaayos nito ang kuwelyo ng suot ng binata ngunit ipinahid din ang daliri sa damit na animo'y nandidiri.
Hindi natinag si Edward, "Ikaw ang hindi magtatagumpay sa binabalak mo. May mas karapatan naman ako kaysa sa iyo sa kinatatayuan mo. Ako ang anak at ikaw..." ibinitin nito sandali ang sasabihin at ito naman ang lumapit dito. "sampid ka lang sa pamilya namin." palaban nitong tugon.
"Correction Edward, anak sa labas or should I say, anak sa ibang lalaki ni Mama." Napangisi pa ito.
"Kahit ano pa ang sabihin mo, may dugong nananalaytay sa akin si Mama. Hindi man nakapangalan sa aking ang pagiging Cabrera, anak pa rin ako ng taong nagpundar ng negosyong ito! Eh ikaw? Wala, hindi ba? Ipinangbayad ka lang ng utang mo kay Papa ng ama mong sugarol, tama ba ako?"
Halos magningas sa galit ang mata ni Mrs. Cabrera at dahil d'on, si Edward naman ang napangisi. Akmang sasampalin nito muli ang binata ngunit pumasok si Ben.
"Stop it, Mrs. Cabrera! Mabuting lumabas ka ngayon din bago pa ako magpatawag ng guwardiya rito para ipakaladkad ka palabas ng building na ito."
Hindi na nakatugon pa si Mrs. Cabrera. Lumabas itong halos umuusok ang ilong sa galit, ngunit bago iyon, tinapunan muna nito ng masamang tingin si Honey.

BINABASA MO ANG
MY HAPPY ENDING
RomanceAng paghahanap ni HONEY sa hindi pa nasisilayang ina ang nagtulak sa kanya upang magtungo sa Manila. Isa siyang probinsiyana at ngayon pa lamang tatapak sa lugar na iyon. Sa pagtuntong niya sa Manila, disgrasya ang nahanap niya. Nawala ang kanyang...