Chapter 1

1.2K 17 0
                                    

"LA, ano po kaya kung lumuwas ako sa Manila? Baka sakaling mahanap ko si Inay."

"Mahihirapan ka lang apo. Magulo sa Manila."

Lumabi si Honey, "Hindi naman ho sigurado tayo Lola."

"Hindi mo ba napapanuod sa telebisyon?" pasinghal na tugon ng matanda, itinuro pa nito ang kinaroroonan ng '14 inches' na telebisyon, black and white pa iyon."Araw-araw na lang ay may ibinabalita na mga patayan doon at may mga nari-rape pa! Gusto mo bang matulad sa kanila?"

"Eh bakit ho si Caren? Hanggang ngayon ay naroon pa rin siya at maganda pa ang kalagayan doon." muling hirit niya kasabay ang pagsampay ng tuwalya sa balikat.

"Kahit na ano pang ibinabalita ng kaibigan mo, hindi pa rin ako makakapayag." Mabagsik ang mukha ni Lola Caring na ipinagpatuloy ang naudlot na pagluluto.

Hindi na lamang sumagot si Honey, nagtuloy na siya sa banyo. Doon ay nagmuni-muni muli siya. Halos araw-araw, gabi-gabi siyang nag-iisip tungkol sa kaniyang ina. Noong musmos pa siya hindi pa siya naghahanap ngunit habang nagkaka-edad siya'y unti-unti na niyang hinahanap ang kalinga ng isang ina. Namulat siyang nasa kalinga ni Lola Caring, ina ng yumaong niyang ama. Pumanaw ang kanyang ama nang tatlong taong gulang pa lamang siya at ang kanyang ina, hindi na niya nasilayan pa. Ngayon ang dalawangput-isang taon niya rito sa mundong ibabaw at sa bawat araw na dumaraan ay nasasabik siyang mayakap ang ina.

Ramdam niya na may itinatago ang kanyang lola tungkol sa ina niya. Marahil ay ayaw sadya nitong ipaalam sa kanya kung nasaan ang ina niya. Nagtatanong kasi siya minsan kung saang lugar nasaan ang kaniyang ina, subalit wala raw alam si Lola Caring. Minsa'y tinutukso na nga siya ng kanyang mga kaibigan, 'putok daw sa kawayan' o isinilang ng walang ama o ina.

"Paano ako magiging tao kung wala akong ina? Mga sira-ulo ba sila? Sino ang nagluwal sa akin, si Itay?" tanong niya sa sarili, sinabayan pa ng marahang pag-iling kasunod ang pagbuhos ng tubig sa katawan. "Whoah! Grabeng lamig naman ng tubig. Dapat pala'y nag-init muna ako ng tubig. Kung bakit naman kasi, 'pag malamig ang panahon, lumalamig din ang tubig!" Minadali na niya ang ginagawa kahit pa nga nagsasalitang mag-isa, magsisimba kasi sila ng kanyang lola, isa iyon sa nakaugalian na nilang gawain at nagkataon pa na kaarawan niya nang araw na iyon.

Pagkatapos magsimba ng dalawa ay bumalik na sila kaagad sa tahanan upang mapagsaluhan ang inihandang meryenda ng matanda. Sa daan ay nakita na niya agad si Weng-weng, isa niyang kababata at matalik na kaibigan, sanggang-dikit niya kung tawagin.

"Oy bes, happy kaarawan sa iyo," nakangiting bati nito kahit malayo-layo pa ang kanilang agwat.

"Salamat bes, sama ka sa amin. May inihandang pagkain si Lola."

"Sige ba, bibili lamang ako ng softdrink para naman may pantulak tayo sa ating kakainin."

Nqpangiti si Honey, "Huwag na," sagot agad niya. "itutulak na lang kita!" napabungisngis na siya ng tawa.

"Baliw ka talaga!"

Nangingiti lang naman ang matanda sa biruan nilang dalawa. Masaya na ito kapag nakikitang masaya ang apo na iniwan ng yumao nitong anak. Iyon lamang ang nais nito, ang makitang palaging nakangiti si Honey.

Nauna nang nagtungo si Lola Caring sa bahay nito, ang dalawa nama'y nagpaiwan sa naraanang tindahan upang bumili ng maiinom. Napansin agad ni Weng-weng ang paglungkot ng mukha ni Honey.

"Bes, hindi kita maipinta!"

Salubong ang kilay nang tumingin ang dalaga sa kaibigan, "Ano?" kanyang tanong pa rito.

"Hindi kasi maipinta ang mukha mo. Daig mo pa ang pinagsakluban ng langit at lupa. Hindi maikakailan sa mukha mo na may pasanin kang problema."

Nagbuga muna ng hangin si Honey bago tinugon ang kaibigan.

MY HAPPY ENDINGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon