Chapter I

15.5K 954 151
                                    

Chapter I: Flying

Sa kaduluhang bahagi ng kaharian ng Sacred Dragon kung saan ang buong rehiyon ay napalilibutan ng makapal na nyebe, mayroong maliliit at nagtataasang mga gusali ang nakatatag. Napakataas ng pader na pumapalibot sa mga gusaling ito at mapapansing sa likod ng makapal at mataas na pader na ito ay isang malawak na payapang karagatan. Ito na ang nagsisilbing huling bahagi ng teritoryo ng Sacred Dragon Kingdom.

Ang rehiyong ito ay ang teritoryo ng Ice Feather Sect--isa sa Seven Great Faction ng kaharian ng Sacred Dragon.

Kagaya ng ibang puwersa o faction, nakatatag ang teritoryo ng Ice Feather Sect dito upang magsilbing tagabantay sa nakaambang panganib na dulot ng mga vicious beast na nakatira sa karagatan. Isa sila sa mga puwersa na pumipigil sa mga vicious beast na gustong manggulo sa kaharian ng Sacred Dragon. Dahil sa pag-iral ng Ice Feather Sect sa lugar na ito, nababawasan ang mga insidente ng panggugulo ng mga halimaw sa mga kalapit na lungsod at bayan kaya kahit papaano ay napananatili nila ang kaayusan at kaligtasan ng mga mamamayan ng kaharian.

Gayunpaman, hindi pa rin napipigilan ng Ice Feather Sect ang lahat ng panghihimasok ng mga halimaw kaya andyan na ang iba't ibang angkan upang gawin ang tungkulin nila.

Dahil sa responsibilidad na ito ng mga miyembro ng iba't ibang faction at mga miyembro ng iba't ibang angkan, nakukuha nila ang paggalang ng mga ordinaryong mamamayan ng kaharian ng Sacred Dragon.

Bawat isa sa mga ordinaryong mamamayan ay iniisip na bayani ang mga miyembro ng iba't ibang faction at angkan kaya malaki ang respetong ibinibigay nila sa bawat isa rito sa tuwing makakasalamuha nila ito. Iniisip nilang kung wala ang adventurer na ito upang sila ay protektahan, tanging kamatayan lang ang maaari nilang kahantungan.

--

"Family Head Artos... Mahigit tatlong buwan na simula nang magsimula kayo ng digmaan laban sa Azure Wood Family, subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakaririnig ng magandang ulat mula sa inyo. Ano ba'ng ginagawa n'yo at maging ang ordinaryong angkan na Azure Wood Family ay hindi n'yo man lang magawang wasakin? Tandaan mo, naghihintay na ang Finance Minister at Crown Prince sa magandang balita.." malamig na wika ng isang babaeng nakasuot ng mahabang asul na roba.

Kahit na malamig ang boses ng babaeng ito, mapang-akit naman ang kabuuang hitsura nito. Mayroon itong mapupulang labi at ang kaniyang kasuotan ay hapit na hapit din kaya naman mas lalong nabibigyan ng pansin ang magandang kurba ng kaniyang katawan. Makinis at napakaputi rin ng kaniyang mga hita at binti na nakapagdadagdag pa ng kaniyang karisma. Gayunpaman, ang kaniyang pares ng itim na mata ay matalim na nakatitig sa matandang nakayuko sa kaniyang harapan.

Nanginginig ang buong katawan ng matanda kahit na nakasuot ito ng makapal na damit panglamig. Nanginginig at kinakabahan ito hindi dahil sa lamig ng paligid, ngunit ito ay dahil sa matalim na tingin ng babaeng nakaupo sa harapan niya.

Mas lalong lumalim ang pagyuko ng matanda. Mapapansing namumuo na ang pawis sa kaniyang noo dahil sa kaba at takot. Hindi siya nangangahas na magpakita ng kawalang respeto sa babaeng nakaupo sa kaniyang harapan sa takot na mas lalo itong magalit.

"Sect Mistress Sheeha... hindi ang aking angkan ang mayroong kasalanan sa lahat ng nangyayaring ito. Marahil noon ay isa lamang ordinaryong angkan ang Azure Wood Family pero...pero..." nauutal na bigkas ni Family Head Artos.

"Pero ano?" matalim na tanong ni Sect Mistress Sheeha.

Kahit siya ay nalilito rin kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring balita na natapos na ang digmaan sa pagitan ng Nine Ice Family at Azure Wood Family. Tatlong buwan na simula nang makipagdigmaan ang Nine Ice Family laban sa Azure Wood Family ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nakakatanggap ng impormasyon ng pagwawagi ng Nine Ice Family kaya naman nawawalan na siya ng pasensya.

Legend of Divine God [Vol 3: Cold War]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon