Chapter XXXIII

11K 800 212
                                    

Chapter XXXIII: Begging

2nd Level... 3rd Level... 5th Level...

8th Level Profound Rank!!

Bawat isang naroroon sa lugar na 'yon ay malinaw na naramdaman ang malaking pagbabago sa kapaligiran. Sa loob lamang ng ilang minuto, mayroong isang 1st Level Profound Rank ang diretsong umangat ang lakas patungong 8th Level Profound Rank! Pitong antas ang itinaas sa loob lamang ng ilang minuto!

Gulat at hindi makapaniwalang ekspresyon ang gumuhit sa mukha ng bawat isang naroroon. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakasaksi sila ng ganitong kaganapan sa kanilang buhay. Para umangat ng pitong antas sa loob lamang ng ilang minuto, ang pangyayaring ito ay imposible sa maliit na kahariang ito.

Hindi kapani-paniwala ang pangyayaring ito pero... sa lugar na kinaroroonan nila ngayon, kung saan napakaraming talentado, bukod kay Finn Doria, mayroong dalawang adventurer ang mayroong kakayahan na maabot ang mala-himalang pangyayaring ito.

Lahat ng naroroon ay natigilan at napatulala sa kanilang naramdaman, maging ang dalawang maglalaban sana muli na sina Sect Mistress Sheeha at Finn Doria ay napahinto rin.

Sandali pa ang lumipas nang sa wakas ay matauhan sila. Lumayo si Finn Doria kay Sect Mistress Sheeha gamit ang kaniyang Silver Flying Sword upang makaiwas kung sakaling palihim ito aatake. Matapos nito, unti-unti niyang ibinaling ang kaniyang atensyon sa lugar na pinagmunulan at pinagtitipunan ng malakas na enerhiya.

"Pakiusap... pakiusap itigil niyo na ito!" muling umalingawngaw ang sigaw ng pamilyar na tinig.

Taimtim na tumingin si Finn Doria sa umiiyak na si Tiffanya Frois. Sandali siyang natigilan at napaisip dahil sa kalagayan ngayon ng dalaga. Walang tigil ang pagtulo ng luha nito habang marahas na humihikbi.

Tama. Ang Adventurer na mayroong lakas kanina 1st Level Profound Rank na mabilis na nagtungo sa 8th Level Profound Rank ay walang iba kung hindi si Tiffanya Frois... Ang dalagang nagtataglay ng Sky Ice Pathway.

Habang napakikiramdaman ang malakas na enerhiya na patuloy na dumadaloy sa loob ng katawan ni Tiffanya Frois, isa lamang ang tumatakbo sa isipan ni Finn Doria. Nakumpirma niyang ang Sky Ice Pathway ng dalaga ay unti-unti ng nagigising.

Hindi niya alam ang totoong dahilan sa likod nito ngunit isa lang ang malinaw kay Finn Doria. Marahil nagising ito ng dahil sa matinding emosyong nararamdaman ni Tiffanya Frois. Ito na lang ang natatanging matibay na dahilan sa pangyayaring ito.

Ayon sa mga libro, ang Sky Ice Pathway ay isang uri ng Soulforce Pathway na mayroong kakayahang paangatin agad ang lakas ng isang Adventurer patungo sa Sky Rank. Magigising ito sa oras na gustuhin ng nagtataglay nito na maghangad ng sobrang kapangyarihan. Ang pambihirang soulforce pathway na ito ang pangarap ng ilan sa mga adventurer na mayroong mahinang talento. Itinuturing itong kayamanan sa Sacred Dragon Kingdom noong unang panahon pa lamang.

Napuno ng katahimikan ang buong paligid habang ang lahat ng atensyon ay nasa dalagang patuloy na umiiyak. Walang tigil sa pagtulo ang luha ng dalaga mula sa kaniyang mga nakapikit na mata. Nakakuyom ang kamao nito habang marahas nitong kigat-kagat ang ibaba ng labi nito na naging sanhi ng matinding pagdurugo nito.

Ramdam na ramdam ng lahat ng naroroon na nakatingin kay Tiffanya Frois ang matinding galit, kalungkutan at pagkamuhi. Ito ang inilalabas na pakiramdam ng kaniyang aura kaya naman lahat sila ay hindi mapigilang hindi maapektuhan sa sitwasyon ng dalaga.

"Ito ba talaga ang gusto niyo?! Sinira niyo ang tahanan ko, ang tahanan ng maraming tao!" umiiyak na sigaw ni Tiffanya Frois habang nakatingin kay Finn Doria at Sect Mistress Sheeha.

Legend of Divine God [Vol 3: Cold War]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon