Chapter XXI

11.5K 860 203
                                    

Chapter XXI: Officially Started

Gaya ng teritoryo ng Ice Feather Sect, ang teritoryo ng Nine Ice Family ay mayroon ding sariling klima.

Malamig dito at madalas na umuulan ng niyebe kaya naman ang buong teritoryo ng Nine Ice Family ay napapaligiran at napapalibutan nang makapal at purong niyebe. Mayroon ding mga tipak ng yelo ang mapapansin na nagkalat sa kapaligiran.

Ngunit ang puro at maputing niyebeng sa bahaging ito ng teritoryo ng Nine Ice Family ay kanina lang. Matapos ang pagsabog ng isang bagay sa taas, naglaglagan din ang malalapot na dugo at ilang parte ng mga pugot na ulo. Mayroong kapiraso ng mata, utak, ngipin at mga bungo.

Ang maliit na bahagi ng teritoryo ng Nine Ice Family ay mayroon ng bahid ng dugo at mga bahagi ng katawan ng tao. Mapapansin agad ang karumal-dumal na kinahinatnan ng paligid na ito matapos ang isang malaking pagsabog.

Matapos makarinig ng malakas na sigaw mula sa isang hindi malamang indibidwal, agad na nagtungo ang mga Elders at eksperto ng Nine Ice Family upang puntahan ang dahilan ng karumal-dumal na pangyayaring ito.

Hindi sila apektado ng karumal-dunal na kinahinatnan ng paligid at masangsang na amoy ng dugo, bilang adventurer at mayroon nang karanasan, normal na sa kanila ang makasaksi ng ganitong mga kalunos-lunos na tanawin. Apektado lang sila dahil sa insultong dala nito sa buong Nine Ice Family.

Bawat isang Elders mula sa Nine Ice Family ay mayroong hindi maitagong galit sa kanilang mukha habang patungo sa pinagmulan ng malakas na sigaw. Kahit si Family Head Artos ay mababakasan din ng matinding galit sa kaniyang hitsura.

Mabilis ang kanilang pagtakbo patungo sa pinagmulan ng boses. At ilang sandali pa, nakarating sila sa tarangkahan ng kanilang teritoryo na pinagmumulan ng boses.

Agad silang napahinto hindi kalayuan sa tarangkahan dahil napansin nilang wasak na ito at ang buong paligid ay napapalibutan ng makapal na usok. Nakahandusay rin ang dalawang duguang gwardiya at nararamdaman nilang kritikal na ang lagay ng dalawang ito.

"Sinong nangahas na manghimasok at insultuhin ang aking angkan?! Ipakita mo ang iyong sarili at harapin mo ang karampatang parusa sa iyong ginawang kasalanan!" galit na sigaw ni Family Head Artos.

Namumula na siya sa sobrang galit dahil sa mga nagaganap na 'to. Pag-ulan ng mga pugot na ulo, pagsira ng tarangkahan, pagpinsala sa kanilang dalawang gwardiya at higit sa lahat, ang paghahamon sa pwersa ng kanilang Nine Ice Family.

Kung lalabas ang balitang ito at malalaman ito ng ibang Noble Clan o kahit mga Aristocrat Clan, siguradong pagtatawanan nila ang Nine Ice Family. Magiging malaking katatawanan ang angkang ito sa buong Sacred Dragon Kingdom dahil mayroong nangahas na yurakan ang awtoridad at lakas ng isa sa anim na kasalukuyang Noble Clan.

Matapos ang ilang saglit, isang malakas na halakhak ang umalingawngaw sa buong paligid. Kasabay ng halakhak nito ay ang unti-unting paglabas ng pigura ng isang tao mula sa makapal na usok.

"Heh! Harapin ang karampatang parusa para sa kasalanan? Kung mayroon mang dapat parusahan at magdusa rito, ikaw yun at ang makakasalanang miyembro ng iyong angkan!" galit na sigaw ng pigura. Tuluyan na siyang lumantad sa mga naroroon at matalim na tinitigan si Family Head Artos, "Artos Frois, hindi mo ba nagustuhan ang pagbabalik ko sa mga ulo ng iyong kasapi? Nakakadismaya naman kung gayon."

Kahit na alam nila kung sinong maaaring binata ang mangangahas na manghimasok sa kanilang teritoryo, hindi pa rin nila mapigilan ang magulat noong makita ang aktwal na binata hindi kalayuan sa kanilang kinatatayuan.

Mayroon itong pilak na magulong buhok at walang emosyong pares ng kulay dilaw na mga mata. Wala silang maramdaman na kahit anong aura na inilalabas ng binata, gayunpaman, mababakas pa rin ang pangamba at takot sa kanilabg mga mukha.

Legend of Divine God [Vol 3: Cold War]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon