Chapter XVI

11.2K 862 144
                                    

Chapter XVI: Duty

"Meiyin.." nakangiting tawag ni Finn Doria sa kaniyang nakababatang kapatid.

Mabilis na tumakbo si Meiyin patungo sa kaniyang Kuya Finn. Makikita sa mukha nito ang labis na galak at sabik habang hawak-hawak ng dalawa niyang laruan.

"Ang tagal mo pong nawala kuyaa! Tapos sina Ina naman at Ama ay hindi ako hinahayaang maglaro sa labas ng bahay." Nakasimangot na pagmamaktol ni Meiyin.

Ngumiti naman ang binata ngunit mababakas pa rin ang lungkot sa mga mata nito. Mayroong isang patak ng luha ang nakatakas mula sa gilid ng kaniyang mata habang pinagmamasdan ang kaniyang nakababatang kapatid.

"Nagbalik na si Kuya. Pasensya ka na kung hindi na tayo nakakapaglaro Meiyin ha.. Hayaan mo, matapos ang lahat ng kailangang gawin ni Kuya, maaari ka ng makalabas ng bahay at makalibot sa maraming lugar." Nakangiting wika ni Finn Doria.

Malungkot siya habang pinagmamasdan ang puro at inosente niyang nakababatang kapatid. Gaya ng kaniyang Ama at Ina, hindi niya gustong idamay ang kaniyang kapatid sa problemang kinakaharap ng kanilang angkan kaya naman gusto niyang manatili itong walang alam sa nangyayaring digmaan.

Sa mura niyang edad, hindi niya dapat maramdaman o malaman ang mga ganito kalaki at kalalang problema. Mula nang ipinanganak pa lamang si Meiyin, ipinangako niya na sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat para protektahan at mapaganda ang buhay ng kaniyang nakababatang kapatid.

At kahit na nalaman niyang hindi sila magkakadugo, mas lalo lang umigting ang pangakong ito dala na rin ng utang na loob niya sa kaniyang ama't ina. Isang malaking oportunidad ang lumaki sa pangangalaga nina Creed at Olivia. Ramdam na ramdam niya na hindi siya iba sa pamilyang ito.

"Pangako 'yan, Kuya?" nagniningning ang mata ni Meiyin habang tinatanong si Finn Doria.

"Pangako.." nakangiting tugon ng binata. Ginulo niya ang buhok ni Meiyin at muling nagwika, "Asan nga pala si Ina?"

"Baka nasa kusinaaa po si Ina." Inosenteng tugon ni Meiyin. Ilang sandali pa, bigla na lamang gumuhit ang lungkot sa mukha ni Meiyin. Tumingin siya sa mata ni Finn Doria at pabulong na nagwika, "Kuya asan nga pala si Ama? Minsan ko nalang makitang dumadalaw rito si Ama.."

Lalo namang nalungkot si Finn Doria ng mapansin niya ang pangungulila ni Meiyin sa kanilang Ama.

Upang hindi malaman ni Meiyin ang tungkol sa nangyari kay Creed, napagdesisyunan nilang ilayo muna ito sa kanilang bahay. Nasa isa itong silid at nagpapahinga pa rin hanggang ngayon. Tanging si Olivia, na kanilang Ina lamang ang nakakaalam sa totoong nangyari kay Creed.

Yumuko si Finn Doria at hinalikan ang kaniyang nakababatang kapatid sa noo. Hinimas nito ang buhod ni Meiyin at malungkot na nagwika, "Huwag kang mag-alala, Meiyin. Ayos lang si Ama, abala lang talaga siya sa pagpapaunlad ng ating angkan at pamilya.. Kaya naman mas makakabuti kung makinig ka nalang sa kanila, maliwanag ba?"

Malungkot namang tumango si Meiyin kay Finn Doria at nakasimangot na nagwika, "Maliwanag po, Kuya.."

Tumango si Finn Doria at sinabihan na lang ang kaniyang nakababatang kapatid na maglaro muna sa maliit na salas. Matapos nito, agad siyang nagtungo sa kusina at natagpuan niya ang kaniyang ina na umiiyak habang naghihiwa ng gulay.

Agad na lumapit si Finn Doria sa likuran nito at magalang na lumuhod.

"Ina.." magalang na sambit ni Finn Doria habang nakaluhod.

Medyo nabigla naman si Olivia ng biglang lumuhod sa kaniyang tabihan si Finn Doria. Agad niya itong inalalayan upang tumayo at mabilis na nagwika, "Anak.. Totoo ngang nagbalik ka na.. Maraming salamat dahil nakabalik ka ng buhay sa amin.."

Legend of Divine God [Vol 3: Cold War]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon