Chapter VII: Corpse turning into an unfathomable weapon
Matapos ang ginawang pagdukot ni Finn Doria kay Elder Xuan, agad siyang nagsimula muling maglakad patungo sa pinagmumulan ng kakaibang aura.
Binalot niya ang kaniyang katawan ng makapal na enerhiya upang bigyan ng liwanag ang kaniyang daraanan. Ganoon pa rin ang paligid, mukha pa rin itong normal at karaniwan. Gayunpaman, alam ng binata na hindi lang ito basta-basta. Maraming nakatagong patibong dito kaya naman maingat ang kaniyang mga hakbang at taimtim itong nagmamasid sa buong paligid. Kahit na hindi siya natatakot sa ginawang mga patibong ng Formation Master na 'yon, mas minabuti niyang mag-ingat dahil ayaw niyang masayang ang kaniyang oras sa pagpapawalang bisa ng mga patibong.
Mayroon din siyang kakayahan bilang Formation Master dahil sa System at sa alaala ni Kurt Bautista kaya naman mas malawak ang kaalaman niya kaysa sa Formation Master ma nakahimlay sa kaloob-looban ng kweba. Madali lang para sa kaniya ang iwasan o sirain ang mga ito dahil mga karaniwang patibong lang ito. Dahil dito, nasisigurado ni Finn Doria na isa pa lamang baguhang Formation Master ang taong gumawa nito.
Gaya ng mga Alchemist, ang mga Formation Master ay dapat may talento rin sa larangang ito upang magtagumpay. Hindi ito simpleng propesyon dahil maging ang mga maharlika ay malaki ang respeto sa mga adventurer na mayroong ganitong trabaho.
Hanggang sa ngayon, hindi niya pa nasusubukang gamitin ang kakayahan ng isang Formation Master. Kulang siya sa panahon at oras para mag-ensayo kaya naman hanggang ngayon ay nababalewala pa rin niya ang kaniyang pambihirang kakayahan ito.
Habang patuloy na tinatahak ang loob ng kweba, nararamdaman ni Finn Doria na unti-unti na siyang lumalapit sa pinagmumulan ng kakaibang aura. Namamangha siya dahil kahit na wala ng buhay ang nakahimlay sa libingang ito, nagawa niya pa ring iwan ang kaniyang nakapangingilabot na aura at presensya. Dahil dito, naniniwala si Finn Doria na hindi lang basta mababang antas ng Sky Rank ang nakahimlay rito.
Matapos ang ilang minutong paglalakad, sa wakas ay huminto na rin siya sa isang kakaibang pinto. Mayroong pinto ang lagusan patungo sa kinaroroonan ng totoong libingan kaya naman naisip ni Finn Doria na marahil ginawa ito ng taong iyon.
Hahawakan niya na sana ang bukasan sa pinto ngunit napahinto siya nang may mapansing kakaiba rito. Binigyan niya pa ito ng pansin at ilang sandali pa, ngumiti siya at nagwika, "Hindi mo talaga gustong ipasa sa iba ang iyong mga naiwang kayamanan hindi ba?"
Ang tono ni Finn Doria ay may halong kalamigan at panghahamak. Napansin niyang mayroong nakamamatay na patibong ang pinto at maliban sa Sky Rank at Formation Master, walang sinuman ang makakaligtas sa kamatayang dulot ng patibong na ito.
Dahil dito, determinado na si Finn Doria na kuhanin ang bangkay ng Sky Rank at gawing isa sa mga baraha niya. Kinasusuklaman niya ang ganitong uri ng adventurers, mga matagal ng patay ngunit mapagmalaki pa rin.
Hindi niya kinaawaan ang mga ganitong uri ng adventurer. Kung ayaw nitong ipamana ang mga kayamanan nito sa susunod na henerasyon upang mapakinabangan, gagawa na lang ng paraan si Finn Doria upang salungatin ito. Hindi naman siya interesado sa kayamanan ng Sky Rank Adventurer kaya hahayaan niya na lang itong makuha ng sinumang nakatadhana rito.
Matapos ang ilang sandaling pag-iisip, sunod-sunod na ikinumpas ni Finn Doria ang kaniyang kanang kamay. Bumuo ito ng kakaibang simbolo ilang saglit pa, bigla na lamang umalingangaw ang malakas na pagsabog sa buong paligid.
BANG!!
Nawasak at nagkapirapiraso ang pinto dahil sa malakas na pagsabog. Napuno rin ng itim na usok ang buong paligid at nagkalat ang ilang lingas ng apoy sa sahig.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 3: Cold War]
FantasyApril 20, 2019 - May 31, 2019 Former Bookcover by @MISTERGOODGUY Current Bookcover Illustration by Maria+Arts --