Chapter XXXVIII

12.8K 842 94
                                    

Chapter XXXVIII: News that shook the Kingdom

Unti-unting lumalapit si Sect Master Noah sa kinaroroonan ni Munting Red. Akay-akay niya pa rin ang walang malay na si Finn Doria. Bahagyang nakangiti si Sect Master Noah habang marahan siyang naglalakad. Hindi ito purong ngiti dahil mayroong nakatagong komplikadong ekspresyon sa ngiting ito.

Maaaring tapos na ang kaguluhan sa pagitan ng Azure Wood Family at Nine Ice Family pero ang mga implikasyon nito ay masyadong komplikado. Napatag ang buong teritoryo ng isang Noble Clan, muntik-muntikan ng matalo ng isang binatang nasa 1st Level Sky Rank ang isang Faction Master at higit sa lahat, isang Ministro ang pinaslang.

Siguradong ang mga balitang ito ang nayayanig sa buong Sacred Dragon Kingdom. Siguradong hindi isasantabi ng pamahalaan ng Royal Clan ang pagkamatay ng isang Ministro.

Nang makarating na si Sect Master Noah malapit kay Munting Red, maingat siyang tumalon at tumapak sa malapad na likod nito. Dahan-dahan niyang inihiga ang natutulog na binata at malumanay na pinagmasdan ang maamong mukha nito.

Agad namang nagtungo si Creed Doria sa tabi ni Sect Master Noah at nag-aalalang pinagmasdan ang puno ng galos na katawan ng binata.

"Sect Master Noah... kamusta po ang kalagayan ng aking anak...?" nag-aalalang tanong ni Creed Doria.

Sobra siyang nag-aalala sa kalagayan ni Finn Doria. Hindi niya masabi kung ano ang kasalukuyan nitong lagay dahil hindi naman niya maigalaw ang kaniyang kamay upang hawakan at pakiramdaman ang pulso ng binata. Ang magagawa niya lamang ay itanong sa may karanasang kagaya ni Sect Master Noah.

Nasaksihan niya kung paano ipaglaban ni Finn Doria ang hustisya at kanilang karapatan. Dumaan siya sa napakaraming pakikipaglaban para lamang makamit ang hustisyang unti-unti na nilang natatamasa. Ipinagmamalaki niya ang kaniyang itinuturing na anak dahil siguradong dumaan ito sa napakaraming pagsubok para lamang marating ang kasalukuyan niyang antas ng lakas.

Bumuntong hininga si Swct Master Noah at bahagyang ngumiti kay Creed Doria.

"Creed Doria, pakiusap. Hindi mo na kailangang maging magalang pa." Ngiting tugon ni Sect Master Noah. Sandali siyang tumigil bago tuluyang magpatuloy, "Huwag kang mag-alala para sa kalagayan ng iyong anak. Napagod lamang siya at nagtamo ng ilang pinsala dahil sa mahabang panahon na walang tigil na pakikipaglaban. Kailangan niya lang magpahinga ng marahil isang buwan at siguradong babalik na sa normal ang kaniyang lakas."

Matapos niya itong sabihin, isang pigura ang lumitaw sa kabilang gilid ng natutulog na si Finn Doria. Nakasuot ito ng maruming gintong balabal at ang ekspresyon nito ay malumanay. Binigyan nito ng sandaling tingin ang natutulog na binata bago nito ibaling ang kaniyang atensyon kay Creed Doria.

Ibinuka ni Lord Helbram ang kaniyang bibig at marahang nagwika, "Creed Doria, magsalita ka. Anong katotohanan tungkol sa pagkatao ni Finn Doria? Dahil sa kaniyang talento at mga kakayahan, kaming Royal Clan ay hindi namin maaaring balewalain ang bagay na ito."

Agad namang napabaling din ang atensyon ni Sect Master Noah kay Creed Doria. Siya rin ay gustong malaman ang katotohanan tungkol sa malaking palaisipan na ito. Para balewalang magbigay ng Epic Armament, siguradong hindi lang basta-basta ang kinabibilangang angkan o pamilya ni Finn Doria.

Huminga naman ng malalim si Creed Doria. Alam niyang hindi niya maitatago ang katotohanan sa likod ng alam niya sa katauhan ng binata kaya naman marahil walang masama kung ipapaalam niya na ang kaniyang nalalaman. Isa pa, nasa tamang edad na ang binata kaya naman hindi niya na kailangang itago ang lihim na kaniyang itinatago noon pa man.

Nagsimulang ipaliwanag ni Creed Doria ang tungkol sa kamatayan ng kanilang totoong anak ni Olivia hanggang sa pagdating ng misteryosong nakaitim na balabal at gintong maskara. Ganoon pa rin ang kaniyang pagkukwento habang binabanggit ang mga eksaktong nangyari noong gabing iyon. Ang kaniyang mukha ay mababakasan pa rin ng matinding takot habang ikinukwento ang naramdaman niya sa pwersang inilabas ng misteryosong naka-itim na balabal.

Legend of Divine God [Vol 3: Cold War]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon