Chapter II

11.4K 891 115
                                    

Chapter II: Small Village

Ilang sunod-sunod na atungal ng mga halimaw ang maririnig sa masukal na kagubatan habang kalmado pa ring naglalakbay si Finn Doria sa himpapawid gamit ang kaniyang Silver Flying Sword. Ang kaniyang paglipad ay hindi mabilis ngunit hindi rin naman masasabing mabagal. Madalas siyang sumusulyap sa kalupaan upang hanaping ang maliit na nayong tinutukoy ni Sierra.

Ginagamit din ng binata ang kaniyang matalas na pandama upang pakiramdaman ang presensya ng nilalang sa kaniyang paligid. Habang pinakikiramdaman ang buong paligid, napansin niyang mahihina lamang ang Vicious Beast na naririto. Tanging mga Third Grade Vicious Beast lamang na mayroong lakas na maikukumpara sa Gold Rank Adventurer ang pinakamalakas sa mga ito.

Dahil sa lakas ng mga halimaw na naninirahan dito, napagtanto ni Finn Doria na isa lamang itong liblib at abandonadong lugar. Marahil walang proteksyon na ibinibigay ang Sacred Dragon Kingdom sa lugar na ito dahil hindi naman malaki ang panganib na dala ng mga halimaw na nakatira rito.

Habang iniisip ang mga bagay na ito, hindi mapigilan ni Finn Doria ang mapaisip at mapabuntong hininga. Sa liblib na lugar na ito kung saan walang proteksyon na ibinibigay ang Sacred Dragon Kingdom, malinaw na delikado para sa mahihinang adventurers ang manirahan dito at magtayo ng nayon.

Liblib ang lugar na ito at iyon marahil ang dahilan kung bakit napili ni Elder Xuan na lugar upang pagtaguan. Isa siyang Scarlet Gold Rank at madali lang para sa kaniya ang mamuhay dito. Hindi panganib sa kaniya ang mga Third Grade Vicious Beast at madali lang para sa kaniya ang protektahan ang kaniyang sarili sa mga ito.

Kahit na binibigyang atensyon ng binata ang kaniyang paligid, hindi niya pa rin isinasantabi ang seryosong pagkontrol niya sa kaniyang Silver Flying Sword. Isang mali niya lamang ay maaari siyang mahulog mula sa mataas na lugar na 'to.

Isa ito sa rason kung bakit hindi sumagi sa isipan ni Finn Doria ang paggamit ng Flying Sword habang nakikipaglaban sa mga Devils o Vicious Beast. Hindi pa siya marunong gumamit nito at hindi rin siya sigurado kung makakayanan niya bang gamitin ng maayos ito. At ngayon nalaman niya na kung gaano kahirap ang pagkontrol sa isang Flying Sword.

Palubog na ang araw at mahigit tatlong oras na ang lumipas simula nang magawa niyang makontrol ng maayos ang Silver Flying Sword. At sa tatlong oras niyang paglalakbay sa himpapawid, hindi pa rin niya natatagpuan ang kahit anong bakas ng maliit na nayon. Nasubukan niya ng maghanap sa timog at hilagang bahagi ng malawak na kagubatan ngunit agad rin siyang bumalik dahil hindi niya makita ang maliit na nayon sa sampung kilometro niyang paglalakbay.

At ngayon, sinusubukan niya namang magtungo sa kanlurang bahagi upang hanapin ang maliit na nayon. Sa oras na mahanap niya na ito at matagpuan si Elder Xuan, agad rin siyang lilisan upang bumalik sa kaniyang angkan. Walang rason upang magtagal pa siya sa lugar na ito. Wala pa siyang ideya sa nangyayari sa kaniyang angkan at mapapanatag lamang siya kung makikita niya ng personal ang sitwasyon ng kasalukuyang Azure Wood Family.

Patuloy niya pa ring pinakikiramdaman ang buong paligid ng bigla na lamang siyang napahinto. Napabaling ang kaniyang atensyon sa timog-kanlurang bahagi ng masukal na kagubatan. Matapos ang ilang sandali, gumuhit ang pananabik at saya sa kaniyang mukha.

Sa wakas, natagpuan niya na rin ang maliit na nayon!

Kahit na hindi niya pa personal na nakikita ang maliit na nayon, nararamdaman niya naman ang mga presensya ng mga taong nakatira rito. Nararamdaman niya ang presensya ng dose-dosenang Bronze Rank at isang Silver Rank sa lugar na iyon kaya naman hindi siya maaaring magkamali. Ang kaniyang hinahanap na maliit na nayon ng mahigit tatlong oras ay sa wakas, natagpuan niya na!

Gayunpaman, nagtaka si Finn Doria. Wala siyang maramdamang presensya ng Scarlet Gold Rank sa lugar na iyon kaya naman nagdalawang isip din siya kung tutuloy ba siya o hindi.

Legend of Divine God [Vol 3: Cold War]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon