Chapter XXXVII: End
Matapos ang biglaang paglitaw ng misteryosong pigura sa gitna ng matinding paglalaban nina Sect Mistress Sheeha at Finn Doria, agad na nanlaki ang mata ng binata at sinubukang pigilan ang kaniyang atake dahil sa takot na masaktan niya ang pumagitna sa kanila. Gayunpaman, sobrang lapit niya na rito kaya naman wala na siyang nagawa upang pahintuin pa ang kaniyang pinakamalakas na atake. Hindi niya inaasahan na mayroong biglang papagitna sa kanilang dalawa ni Sect Mistress Sheeha. Ang pangyayaring ito ay biglaan at wala ng paraan upang itigil pa ito.
Para bang bumagal ang takbo ng oras habang pinanonood ng karamihan ang unti-unting paglapit ng dalawang atake patungo sa pigura. Karamihan sa kanila ay nakanganga habang ang ilan naman ay napapikit dahil hindi nila gustong masaksihan ang susunod na mangyayari.
Ang ilan namang masigasig na nanonood ay napansin na biglang iniangat ng misteryosong pigura ang kaniyang dalawang kamay na para bang susubukan niyang pigilan ang dalawang atake na patungo sa kaniya. Napanganga sila ng dahil sa gulat at pagkamangha dahil sa sobrang lakas ng enerhiyang bumabalot sa mga palad nito.
Inaasahan ng karamihan na magkakapira-piraso ang katawan ng misteryosong pigura ngunit hindi nila inaasahan ang sumunod na nangyari.
BANG!!!!
Malakas na pagsabog ang umalingawngaw sa buong paligid kasabay ng pagtilapon ng katawan nina Finn Doria at Sect Mistress Sheeha. Bumagsak ang kanilang katawan sa lupa at nagpagulong-gulong ito hanggang sa mawala na ang pwersang nagtutulak sa kanila palayo.
Matapos ang malakas na pagsabog at pagtilapon ng dalawang kaninang naglalaban, napuno naman ng makapal na usok ang kinaroroonan kanina ng misteryosong pigura. Napakakapal ng usok kaya naman hindi nila makita kung ano nang nangyari sa misteryosong pigura.
Nang matauhan ang mga naroroon, agad silang napatingin sa nakahandusay na katawan ng binata. Magkakaibang ekspresyon ang bumakas sa kanilang mukha at karamihan sa mga ito ay nag-aalala sa binata.
"Finn Doria!!"
"Anak!!"
Magkakasunod na sigaw ang umalingawngaw sa buong paligid at lahat ng ito ay nag-aalalang tinatawag ang pangalan ni Finn Doria. Lalapitan na sana nila ang binata pero napansin nilang muli itong kumilos at sinuportahan ang kaniyang sarili upang tumayo. Sumenyas ito sa mga papalapit na huminto dahil nakaramdam siya ng malakas na presensya noong nagtagpo ang kaniyang atake at palad ng misteryosong pigura.
Hindi siya maaaring magkamali. Ang aurang inilalabas ng katawan ng pumagitnang pigura ay hindi hamak na mas malakas kaysa kay Lord Helbram at Chain Levor. Napakalakas nito na maging simpleng pagpigil nito sa kanilang dalawa ni Sect Mistress Sheeha ay naging dahilan na agad ng napakaraming pinsala sa kaniyang katawan.
Nanginginig ang kaniyang mga braso habang seryoso siyang nakatingin sa itaas na napapalibutan pa rin ng makapal na usok. Matalim ang kaniyang paningin habang hinihintay na mawala ang makapal na usok na nagtatago sa misteryosong pigura na pumigil sa kanilang dalawa.
Sa kabilang banda naman, si Lord Helbram at Chain Levor ay mayroong komplikadong ekspresyon habang nakatingin sa makapal na usok. Hindi sila nangangahas na hawiin ito dahil sa takot na magalit ang misteryosong pigura at na maaaring maging simula ng isang malaking gulo.
Ramdam na ramdam nila ang presenya at aura ng bagong dating. Mas malakas ito kaysa sa kanila at alam nilang kahit magtulungan pa silang dalawa, wala silang magagawa kung lalabanan nila ang misteryosong pigura.
"Isang 6th Level Sky Rank... Ano bang mayroon sa lugar na ito at patuloy ang pagtitipon nating mga Sky Rank Adventurers?" mapait na ngiting basag ni Chain Levor sa katahimikan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 3: Cold War]
FantasiApril 20, 2019 - May 31, 2019 Former Bookcover by @MISTERGOODGUY Current Bookcover Illustration by Maria+Arts --