Chapter XIX

11.6K 913 360
                                    

Chapter XIX: Promise

Nang marinig ni Ashe Vermillion ang sinabi ni Finn Doria, nagdilim ang kaniyang hitsura at mas lalo pa niyang inilapit ang talim ng kaniyang espada sa leeg ng binata.

Ang espadang ito ay ang pambihirang sandata na ibinigay sa kaniya ng Fire Pheonix na si Sierra. Hindi ito maikukumpara sa isang pambihirang Divine Artifact ngunit hindi rin naman ito isang normal na sandata. Hangga't lumalakas si Ashe Vermillion, lumalakas din ang kaniyang sandata at natural lang ito dahil ang sandatang ito ang sandatang ginagamit ni Sierra noong buo pa ang kaniyang katawang lupa.

"Hmph! Sinong may sabing masaya akong makita ka?! Niloko mo kaming lahat at pinagmukha mo kaming tanga!" inis na inis na sigaw ni Ashe Vermillion.

Kahit na malinaw na makikita ang inis at galit sa tono ng pananalita ng dalaga, napansin pa rin ni Finn Doria na hindi ito ang sinasabi ng mga mata niya. Mamasa-masa ito at napansin agad ng binata na iiyak na ito anumang oras.

Malapad na ngumiti si Finn Doria at inilabas ang kaniyang 9th Level Profound Rank na pwersa. Hinawi niya ang espada at pinigilang makakilos ang dalaga mula sa kaniyang kinatatayuan.

Unti-unting lumalapit si Finn Doria kay Ashe Vermillion kaya naman nakaramdam nang matinding kaba at pagkabalisa ang dalaga. Matalim niyang tinitigan ang binata at kinakabahang nagwika, "Anong ginagawa mo?! Bakit hindi ako makagala-!"

"Masaya rin akong makita kang muli..."

Hindi pa man natatapos magsalita si Ashe Vermillion, isang mahigpit na yakap at bulong sa tainga ang nagpahinto sa kaniya. Nanlaki ang kaniyang pares ng mata at napaawang ang kaniyang bibig dahil sa sobrang gulat. Napakagat siya sa kaniyang ibabang labi at hindi niya na napigilan ang pagpatak ng kaniyang mga luha.

Hindi niya alam kung bakit siya napahagulgol matapos na ikulong siya ni Finn Doria sa kaniyang mga bisig. At naramdaman niya na namang ligtas at malayo siya sa panganib dahil sa yakap na 'to.

Hindi niya maintindihan kung anong nararamdaman niya, pero isa lang ang malinaw. Hindi na ito ang kaninang lungkot na kaniyang nararamdaman habang inaalala niya ang mga panahon na nakasama niya ang binata.

Nagtagal pa ang pagyakap sa kaniya ni Finn Doria ng ilang minuto bago siya matauhan at mapatigil sa paghagulgol. Mayroong pangyayari ang biglaang sumagi sa kaniyang isipan at dahil dito, namula ang kaniyang buong mukha dahil sa kaniyang mga naaalala.

"Bastos ka talaga!! Ginagamit mo ang lakas mo para pagsamantalahan ang kahinaan ko! Sa oras na makawala ako rito, pagpipira-pirasuhin ko talaga ang buo mong katawan!!" namumulang sigaw ni Ashe Vermillion.

Natauhan naman si Finn Doria at agad na tinanggal ang pagkakayakap niya sa dalaga. Mapait siyang napangiti at nagwika, "Kailan mo ba balak kalimutan ang bagay na 'yon? Isa lang iyong hindi pagkakaunawaan..."

Masama naman siyang tiningnan sa mata ni Ashe Vermillion habang namumula pa rin. Sinubukan niyang igalaw ang kaniyang katawan ngunit pinipigilan pa rin siya ng pwersang inilalabas ng binata. Sobrang lakas nito kaya naman hindi niya ito magawang tanggalin

"Kung hahayaan mo ako madukot ko 'yang mga mata mo, marahil makakalimutan ko na ang pangyayaring 'yon!" sigaw ni Ashe Vermillion.

Kailanman ay hindi niya malilimutan ang nakakaruming pangyayari na nangyari sa malawak na lawa. Tumatak na ang pangyayaring 'yon sa kaniyang utak at malabo na itong mabura

Makalipas ang ilang minuto, pinilit niyang huminahon at pilit na kumalmang nagwika, "Paano ka nakabalik? Sabi sa akin ni kagalang-galang na Sierra namatay ka na raw dahil sa mga Devils. Nagkukunwari ka ba at nakiusap ka ba sa kaniya para pagmukhain kaming tanga?!"

Legend of Divine God [Vol 3: Cold War]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon