Chapter 18

1.5K 133 16
                                    

"Sigurado ka bang hindi ka na magpapasama sa akin doon?" nag-aalalang tanong sa akin ni Manang Pencha kainaumagahan.

Ngumiti lamang ako at umiling.

"Hindi na po. Ako na lang po para hindi kayo maabala," sabi ko.

Huminga siya ng malalim bago sumagot.

"Ihahatid kita kahit sa paradahan ng tricycle."

Ngayong araw na ito ako pupunta sa Anloague. Maikli lang ang panahon ko dito kaya kailangan ko na agad na kumilos. Hinding-hindi ako uuwi nang hindi talaga napapalayas ang mga Primotivo na 'yon. Baka sakaling makuha sa malaking pera. Kung iyon ang gusto nila, ibibigay ko. I have all the money and that will do for them.

"Tara na po," sabi ko ng nakapaghanda na. Suot ko muli ang scarf ko at ipinatong iyon sa ulo ko.

Nang makarating kami sa paradahan ng tricycle, pinilit pa ulit ni Manang na samahan ko pero tinanggihan ko muli iyon.

"Saan po tayo, Ma'am?"

"Sa Anloague po," maikling saad ko.

Nagsimula nang umandar ang tricycle para makarating na doon. Naroon muli ang kasiyahan sa puso ko na muling makikita ang plantation. Marami man ang magabago doon, ngunit hindi mababago niyon ang pananaw ko dito.

Gaya ng dati, mga luntiang dahon, mga gintong kulay ng palayan ang sumalubong sa akin. Maaga pa kaya medyo malamig pa ang simoy ng hangin. Lumanghap ako roon at bumaba na sa tricycle.

Nagbayad ako sa driver at napansin na nakatitig ito sa akin. Mas lalo kong hinapit ang scarf na suot ko.

"Parang pamilyar ka sa 'kin," may pag-aalinlangan sa boses niya.

Umiwas ako ng tingin sa kanya.

"Salamat po sa paghatid," malamig kong sabi sa kanya bago naglakad.

Maaaring pamilyar kayo sa itsura ko pero hindi na ako ang dating Andrada Germaine Montejo. Kasabay ng pagbabago nitong lugar kung saan ako lumaki, nagbago na rin ang takbo ng buhay ko. I'm not a damsel in distress now. Lalo na ngayon, ang mahalaga ay mabawi kong muli ito.

Sa paglalakad ko ay nakita ko na may kaunting tao na nagtatrabaho. Hindi naman nila ako napapansin kaya ipinagpatuloy ko ang paglilibot.

Tumungo ako sa daan kung saan papunta sa opisina ngunit nagulat ako ng wala na ito doon. Ginawa itong isang malaking bodega at nakikita ko na ipinapasok ng ilang manggagawa ang mga sako doon.

May napansin akong papalabas na lalaki kaya nagtanong na ako.

"Nasaan ang opisina dito?"

Kumunot ang noo niya bago nagsabi.

"Doon pa po sa kanan, liliko ka doon," senyas niya sa akin.

"Sino po ba ang sadya niyo?" tanong niya.

"Ang B-Boss niyo..." napapikit muna ako ng mariin dahil hindi ko matanggap ang mga sinasabi ko, "nandiyan ba siya?"

"Si Sir Feleone po ba?"

Who? Feleone? Sino 'yon? Another member of Primotivo? Damn!

"Uh... Oo siya nga," sabi ko na lang.

"Palagi po siyang nandito kahit ganitong maaga kaya sigurado akong nandiyan siya," sabi niya.

"Salamat," maikli kong sabi.

Talagang nagkalat na ang lahi nila, ah? Don't worry, unti-unti ko rin silang uubusin. Marahas ang paglakad na ginawa ko habang lumiliko sa papuntang opisina niya. Huminto ako nang makarating sa mismong pintuan nito.

Her Greatest Comeback (Heavenly Harmonies Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon