PROLOGUE
"AYON SA ATING batas, artikulo 246 ng Revised Penal Code: Sino man ang nakapatay ng kanyang asawa, anak, at magulang na siyang pinagtibay ng mga ebidensya at testigo ay napatunayang nagkasala sa mata ng batas. Ikaw, Savannah Imperial-Fortaleza, ay itinuturo ng mga ebidensya at testigo na pumatay sa iyong asawa na si Logan Fortaleza, at bilang parusa ay hinahatulan ng habambuhay na pagkakakulong..."
Gumuho ang mundo ko nang marinig ang pagbasa ng hatol laban sa akin kasabay ang hiyawan ng mga tao na puno ng iba't ibang opinyon.
Hindi! Hindi ako ang pumatay sa kanya. Walang katotohanan ang mga sinasabi at ibinibintang nila sa akin. Hindi ko kailanman magagawang saktan at patayin ang asawa ko. Hindi ako! Hindi ko magagawa! Pero kahit ano man ang pagpupumiglas ko at pagmamakaawa ay wala akong nagawa nang damputin ako ng mga pulis. Hindi nila ako pinakinggan at pilit na ikinulong sa apat na sulok ng madilim na silid, at ang tanging makakapitan ko lang ay ang mga rehas na puno ng kalawang.
Nadudurog ang puso ko. Nagluluksa ako sa pagkamatay ng taong pinakamamahal ko, pero bakit? Bakit sa akin nila ibinibintang ang pagkamatay niya? Ang pagkawala niya ay labis kong ikinangungulila.
At kahit pagdalaw man lang sa libing niya at masilayan siya sa huling sandali ay hindi nila ako pinagbigyan. Hindi ko na mabilang kung ilang gabi o araw na ang nagdaan. Wala ni isa ang dumalaw sa akin—kahit ang sarili kong kapatid ay hindi ko na muling nasilayan pa. Nangako siya na iaapela namin ang kaso ko sa mas mataas na hukuman, pero ilang buwan na ang lumipas at unti-unti na akong nabubulok sa loob ng masikip at madilim na selda.
Ano bang kasalanan ko at pinarurusahan ako nang ganito? Wala akong ginawang mali—pinilit ko maging mabuting anak, kapatid, kaibigan, at asawa, pero sa kabila ng lahat, nagdurusa ako sa salang hindi ko naman ginawa. Unti-unti akong nawalan ng pag-asa, at kahit katiting na liwanag ay hindi ko na matanaw. Pero pinilit ko, lumaban ako, at nanatili akong matatag para sa batang nasa sinapupunan ko. Isinilang ko siyang malusog, at sa unang pag-iyak niya ay muling nabuhay ang pag-asa sa puso ko. Ngunit pati siya ay ninakaw sa akin ng panahon at pagkakataon. Nilayo siya sa akin at hindi ko na siya muli pang nasilayan. Kasabay ng paglaho ng sarili kong kapatid ay pagnakaw sa akin ng pagkakataon para maging isang ina.
Tuluyan akong pinanghinaan ng loob at kinain ng lungkot. Hindi ko magawang kumain. Napapagod na akong imulat ang mga mata at tanging hinihiling ko na lang ay bawian na ako ng buhay. Mukhang narinig ako ng Maykapal at pinakinggan niya ako.
Unti-unting nalagot ang hangin sa katawan ko at ramdam ang bawat paglamon ng apoy sa akin. Napuno ng hiyawan at paghingi ng tulong ang seldang kinabibilangan ko. Natataranta ang lahat, nagwawala, at umiiyak sa sakit, pero mukhang ito na ang kapalaran namin, ang katapusan naming lahat—buhay pa man ay gusto na nila kaming sunugin sa impyerno. Sabay-sabay kaming tutupukin ng apoy para maging abo hanggang sa huling hibla ng mga buhok namin.
Ito na...ito na ang hinihintay ko—ang pagdating ng sarili kong kamatayan.
"Gaano kalala ang pagkasunog niya?"
"Apektado hanggang pangalawang layer ng balat niya, pero sa tingin ko magagawan ko ng paraan para maiayos muli 'yon."
Dinig ko ang usapan mula sa 'di pamilyar na boses ng isang babae at lalaki, pero hindi ko maaninag ang mga mukha nila. Mas ramdam at dinadaing ko ang hapdi sa buong katawan, ang bigat ng mga talukap ng mga mata ko.
"Gising na siya."
Unti-unti kong iminulat ang mga mata, at doon nakita ang mukha ng babae at lalaki. Nakasuot sila ng puting gown, guwantes, at nakatakip ang ibabang bahagi ng mga mukha. Ilang kurap pa ang ginawa ko at nagpumilit akong bumangon. Nagtataka akong napatingin sa kanila, inilibot ang mga mata sa buong paligid, pero hindi naging pamilyar ang buong silid.
"Sino kayo? Nasaan ako? Anong nangyari?"
Buhay pa 'ko?
Nasaan ako?
Anong nangyari? Sino sila?
Ang daming tanong ang gumugulo sa isip ko. Ang tanging naaalala ko lang ay nasusunog ang buong kulungan at tuluyan na akong nawalan ng malay, pero bakit? Bakit buhay pa rin ako?
Nagkatinginan ang dalawa at sabay na mahinhin na tumango. Inabot ng babae ang isang salamin sa lalaki bago niya inilapit ang labi sa tainga ko. Napupuno ako ng kaba. Ang bilis ng kabog ng dibdib ko ay siyang patunay na nakaligtas ako mula sa sunog. Pero mas naguguluhan lang ako sa mga nangyayari kung saan ay dama ko ang pagkirot ng bawat laman sa katawan ko, ang bigat ng mga kamay at paa ko, at ang hirap na pagkibot ng mukha ko.
"Pagmasdan mo mabuti ang ginawa nila sa 'yo."
Mabilis ang tibok ng puso kong tumititig sa salamin. Napuno ako ng takot nang makita ang nakakatakot na mukha mula rito. Hindi ko napigilan ang mapahawak sa sariling mukha habang napapailing na pinagmamasdan ang halimaw sa salamin.
H-Hindi, hindi ako 'yan. Hindi ako ang babae sa salamin.
Hindi ako ang halimaw na 'yan!
Hindi ako!
"Pagmasdan mong mabuti ang nangyari sa mukha mo, Savannah, at itanim mo sa puso mo lahat ng galit sa mga taong umapi sa 'yo, sa taong nagnakaw sa anak mo, sa taong nagtangka kang patayin. Dahil simula ngayon, patay na si Savannah Imperial-Fortaleza. Simula ngayon, ikaw na si Elleria Andrada."
BINABASA MO ANG
Unwanted
General FictionAfter being accused of killing her husband and spending years in prison, Savannah returns to seek vengeance and justice. Her new face? Elleria Andrada, the secret wife of the lawyer Godwill Del Valle--the person who sent her to jail. *** Savannah Im...