"PLEASE welcome our very energetic principal, Mr. Hector Natividad," masiglang pagpapakilala ng lalaking emcee sa kanilang punong-guro.
Kasalukuyang nagtitipon ang lahat ng mga estudyante at guro ng Academia de Adler sapagkat 57th Orientation Day ng naturang eskwelahan at para na rin pormal na ipakilala ang kanilang butihing prinsipal sa mga bagong estudyante.
Tumayo ang isang matangkad na lalaki na nasa mahigit-kumulang kwarenta anyos at saka kumaway sa lahat na sinabayan naman ng palakpakan ng mga estudyante. Nagitla si Caitlynn nang makitang kumindat sa kanyang gawi ang kanilang punong-guro.
Sa kalagitnaan ng pagsasalita ng emcee tungkol sa mga batas at alituntunin na ipinaiiral ng akademiya ay bigla na lang may sumigaw sa may pintuan ng bulwagan.
"May patay!" sigaw ng lalaking estudyante.
"Totoo 'yon! Nasa oval!" ani pa ng kanyang kasama.
Sandaling nagkatinginan ang mga estudyante sa isa't isa kung maniniwala ba sila sa sinabi ng dalawang binata. Dala ng kuryosidad ay agad na sinundan ng mga estudyanteng dumadalo sa pagtitipon papalabas ang dalawang binata na kakalabas lamang. Hindi na nagawang pigilan ng mga guro ang mga estudyanteng nag-unahan sa paglabas sapagkat maging sila ay hindi rin makapaniwala sa nangyayari. Dahil dito ay tinapos na lang ng emcee ang naturang pagtitipon.
Habang nagtutulakan ang mga estudyante palabas ng awditoryum ay biglang nadapa si Caitlynn, dahil sa may aksidenteng tumulak sa kanya. Mabuti na lang at agad siyang nasalo ni Prynz. Mabilis namang iniwas ni Caitlynn ang kanyang tingin sa mga mata ng binata dahil sa hiya. Nagpasalamat na lamang ang dalaga sa ginawang pagsagip sa kanya ni lalaki.
Pagdating nina Caitlynn at Prynz sa malawak na espasyo ng paaralan ay agad siyang nagulat sa mga nasilayan. Marami ang nagkukumpulang mga estudyante habang umiiyak naman ang karamihan sa mga babaeng mag-aaral. Unti-unti siyang lumapit sa pinagkakaguluhan ng kanyang mga ka-eskwela. Gayon na lang ang hilakbot niya nang makita ang patay na katawan ng kanyang kaklase. Ito'y walang iba kung hindi si Gian!
Halos masuka si Caitlynn nang makita ang lasog na lasog na katawan ng binata gawa ng napakaraming mga saksak na natamo nito. Makikitang may mga saksak ito sa dibdib, sa hita, sa leeg, at sa tiyan. Maging ang kaliwang mata rin ng kanyang kaklase ay hindi rin nakaligtas. Sariwa pa ang dugo kaya kung pagbabasehan ay malamang sa malamang, nitong umaga lang nangyari ang brutal na pagpatay.
Agad namang nakaagaw sa pansin ng dalaga ang plywood na may nakapinta na mga letra.
HKTHQKT YGK DN VKQZI TXESOR
Walang anu-ano'y bigla niyang narinig ang malakas na palahaw ni Hugh.
"Brrroooo! Sabi mo walang iwanan!"
Napapikit si Caitlynn dahil nagsisimula na rin siyang maiyak, matapos ay tumakbo papalayo ang dalaga, papunta sa kanilang dormitoryo. Naisip niyang tawagan ang kanyang mga magulang.
BINABASA MO ANG
Wild Blood
HorrorKategorya: HORROR ______ Nasa peligro ang buhay ng mga estudyante ng seksyon Euclid sa kamay ng gumagalang killer sa loob ng kanilang eskwelahan. Wala silang kaalam-alam kung ano ba talaga ang pakay ng killer hanggang sa isiwalat nito na gusto niton...