Kabanata 13: Revelations

7 2 0
                                    


Dahil sa tinuran ng misteryosong boses sa speaker ay nagkatinginan ang mga estudyante sa isa't-isa na punong-puno ng pagdududa. Pero ang mas kapansin-pansin ay ang mga titig nilang ipinukol kay Astrid at Sandra. Sapagkat sa kanilang lahat, silang dalawa ang may mga pera talaga na pwedeng kumuha ng mga tagapagsilbi at may kakayahan na pumatay ng tao dahil sa kanilang mga masasamang ugali.

"H-hoy anong tinitingin-tingin n-ninyo d'yan?! W-wala akong p-pinatay ano!" nanginginig na turan ni Sandra sabay hawak sa braso ni Astrid.

"Lalo naman ako, no!" ani ni Astrid sabay alis sa kamay ni Sandra na nasa kanyang braso. Umatras siya ng tatlong beses habang iniiling-iling ang kanyang ulo pakaliwa't pakanan. Matapos nito ay bigla na lamang siyang nawalan ng malay.

Mabuti na lamang at agad itong nasalo ni Fourth. Agad naman siyang tinulungan ni Russel upang dalhin si Astrid sa infirmary upang makapagpahinga.

Tumahimik na ulit ang loob ng computer lab maliban sa iba't-ibang mga tunog na nanggagaling sa mga speaker ng mga kompyuter.

Ang dahilan kung bakit talaga nangilabot ang mga estudyante ay dahil sa mga naka-play na mga bidyo sa iba't-ibang mga kompyuter.

Sa unang kompyuter ay makikita ang senaryo kung paano pinatay si Gian. Hindi kita ang mukha ng pumatay ngunit kitang-kita naman kung paano inundayan ng saksak sa tiyan at dibdib ang binata sa loob ng kanilang silid-aralan. Dahil dito ay nagkiskisan ang mga ngipin ni Kian. Para sa kanya ay nararapat lamang na mapatay ang kanyang kakambal—na tanging paborito ng kanyang mga magulang—ngunit ayon sa kanya, dapat hindi na umabot sa ganito ang lahat. Hindi niya tuloy mapigilang maisip ang kanyang sariling kamatayan sapagkat parehong-pareho sila ng mukha ni Gian. Ang panonood lamang sa kamatayan ng kanyang kakambal ay tila ba pagsulyap na rin sa sarili niyang katapusan.

Sa pangalawang kompyuter naman ay kung paano pinatay sina Vanessa at Krystall. Kung paano nagtago ang misteryosong pigura ng killer—na pilit na itinatago ng kamera ang pagkakakilanlan—upang tuluyang mapatay ang dalawa. Makikita rin kung paano nagkatinginan at nag-usap ang killer at si Vanessa. Ang mga mata ni Vanessa na puno ng paghanga sa kanyang kausap ay bigla na lamang napuno ng takot at pagkabigla nang bigla na lang itong pagsasaksakin ng killer. Kitang-kita rin ang mismong paghiwalay ng ulo ni Krystall sa kanyang katawan at ang paggulong nito sa lokasyon ng pinagbagsakan ng bangkay ni Vanessa na dilat na dilat ang mga mata.

Mapapanood naman sa pangatlong kompyuter ang pagliligo ni Eleen ng nakahubad. Hindi tuloy napigilan ng ilang mga kalalakihan na tigasan dahil sa napanood, dagdagan pa ng malamig na temperatura ng silid. Detalyadong-detalyado kung paano sinira ng killer ang gripo ng restroom, at kung paano nagsimulang malunod ang dalaga dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.

Sa ika-apat naman na kompyuter ay makikita kung paano pinatay ng misteryosong pigura si Hugh sa loob ng kubeta dahilan upang manginig ang ilan sa kanila. Hindi nila tuloy mapigilang isipin kung patay na rin si Miko—na inatasang sunduin pabalik si Hugh.

Bawat sulyap ng mga estudyante sa bawat kompyuter ay lalong mas nadadagdagan ang takot na lumulukob sa kanilang mga katawan. Lahat ng bidyo na makikita ang miski katawan ng killer ay malabo. Halatang pinagplanuhan. Hindi sila makapaniwala na simula pa lang ay sinubaybayan na sila ng killer.

"Ehem. Akala n'yo ba na diyan lang nagtatapos ang lahat?" biglang nagsalita ang killer sa speaker.

"Ano pa bang kulang ha?" Sa wakas ay hindi na nakapagtimpi si Winter sa lahat ng nangyayari sa kanyang paligid at tuluyan na itong nagsalita. "Ano pa bang kulang bukod sa sekreto mo pa lang i-vini-video ang mga pagpatay mo sa mga kaklase ko?!"

Nabigla ang ilan sa kanyang mga kaklase sa biglang inasal ng binata. Kilala kasi ang presidente nila na tahimik at parang walang pake sa paligid. Ngunit ngayon ay tila ba nag-iba ang ihip ng hangin.

Wild BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon