Kabanata 20: La Serpiente

4 2 5
                                    

TAHIMIK NA PINAPAKINGGAN ng isang nilalang ang dalawang tao na matamang nag-uusap sa hardin ng paaralan. Humikhikbi ang babae habang ang lalaki naman ay nakayakap sa kasama upang mahimasmasan ito. Hindi pa rin kasi ito makapaniwala sa mga nasaksihan kanina.

"P-prynz, thank you kasi nandyan ka palagi, kasi hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Para na akong masisirain ng bait. N-napakabrutal ng nangyari kina Andrea at Kian." Sandaling humikbi ang dalaga. "N-natatakot ako Prynz. Natatakot akong baka mangyari rin sa akin ang nangyari sa kanila."

"'Wag kang matakot, Caitlynn. 'Wag mong hahayaang manalo ang killer sa mga binabalak niya. I know sooner or later, makakatakas din tayo rito. Kailangan lang talaga nating maging matatag ngayon. Kailangan kong magapi ang killer, Caitlynn—na kasama ka."

"Prynz, sorry sa pagiging mahina ko. Oo, tama ka nga, kailangan natin magapi ang killer. Kailangan natin ang isa't isa, ang tulong ng buong seksyon. Kaya susubukan kong tumatag para sa inyo at para na rin sa pamilya ko," ani ni Caitlynn. "Hindi dapat ako mamatay nang hindi pa nakikita ang totoong papa ko," dagdag pa ng dalaga at saka niya ipinasok ang kanyang kanyang kamay sa bulsa ng pantalon sa likuran. Hinagilap niya ito at bahagyang nasiyahan ng makapa ang litrato. Inilabas niya ito.

"Ano 'yan, Caitlynn?"

"Litrato ito ng papa ko na matagal ko nang hindi nakikita. Ito na lang ang natitirang alaala ko sa kanya," sambit ng dalaga habang ipapakita na sana nito ang litrato sa kaharap nang bigla na lamang silang tawagin nina Fourth at Winter.

"Guys, to the infirmary," ani ni Fourth habang isinisenyas ang direksyon ng Marcos Building.

Ang nilalang naman na kanina pa nagmamasid sa kanila ay agad-agad na nagkubli sa likod ng mga halaman sa hardin. Matapos na makaalis ng apat ay nagsimula na rin siyang humakbang papaalis. Napakaganda ng character development mo, Caitlynn. Pero hanggang d'yan ka lang. Alam kong hindi ka rin magtatagal. Hahahah!

Pinong-pino ang kanyang paglalakad, na tila ba natatakot na makita ng kung sino man. Paroo't parito rin ang kanyang tingin sa paligid. Alam naman niyang ang seksyon Euclid na lamang ang tanging natitirang mga tao sa buong eskwelahan ngunit para sa kanya ay mas mabuti na yung nakakasigurado.

Nang mapansing walang tao sa paligid ay diretso siyang naglakad patungo sa likod ng Euclid Building. Sandali niyang hinagilap ang kahoy na hawakan ng pinto na natatakpan na ng mga halamang gumagapang sa lupa. Sandali muna siyang tumingin sa kanyang paligid at saka nang makita na walang tao ay binuksan niya ang pinto pataas. Medyo nabigatan siya sa kahoy na pinto at napatakip pa ng ilong dahil sa mga alikabok na nahulog dito.

Isang kahoy na hagdanan ang kanyang nakita sa baba. Unti-unti siyang pumasok sa naturang pintuan. Mahigpit ang kanyang hawak sa malamig na bakal na hawakan ng hagdanan. Nang tuluyan na siyang makababa ay isa na namang pintuan ang kanyang natanaw, ngunit hindi gaya noong una ay elegante na ito.

Napakalamig ng hangin na ibinubuga ng aircon ang bumungad sa kanya nang tuluyan na siyang nakapasok sa loob ng silid na may kabuung lawak na 50 metros pahaba at pahalang. Hindi mahahalata na minadali lang ang paggawa sa pasilidad dahil sa pinag-isipan na mga dekorasyon at pagkakagawa nito. May silid-kainan, mga kwarto, at may lugar din ng pag-eensayo.

May nakita siyang tatlong tao sa loob. Ang isa ay nakahiga sa itim na sofa habang nanunuod ito ng palabas sa telebisyon. Eat Bulaga ang palabas sa telebisyon kung kaya ay paminsan-minsan itong natatawa. Ang isa naman ay prenteng nakaupo sa isang pang-isahan na sofa habang nagtsatsaa ito. Samantalang, ang isa naman ay naglilinis ng mga galos nito sa kamay habang nakaharap ito sa isang kompyuter.

"Hoy, Valentina! 'Di ba sinabi ko sa 'yo na ibahin mo yung style ng pakikipag-usap mo sa kanila? Masyado kang halata kanina, pramis!" naiinis na turan niya sa babaeng sosyal na nagtsatsaa.

Wild BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon