HINIHINGAL NA PUMASOK sa Marcos Building si Astrid; mabilis niyang tinahak ang daan patungo sa infirmary ng naturang gusali. Matapos kasi ang nangyaring pagpatay kina Andrea at Kian kanina sa oval ay agad siyang nagpaalam upang makigamit muna ng CR sa Euclid Building.
Makalipas lamang ang tatlong mga katok na ginawa ay agad siyang pinagbuksan ni Prynz.
Naabutan niya ang mga kaklase at si Miss Nikkole na nakaupo sa mga kama at sofa na naroon. Si Nicca naman na napapagitnaan nina Caitlynn at Theo ay tulalang nakaupo sa nag-iisang sofa na nasa bandang kaliwa ng silid. Lumuluha ito at halos basa na rin ang damit dahil sa kakaiyak. Hindi pa rin kasi ito makapaniwala sa mga nangyari kanina. Kitang-kita niya kung paano pinahirapan at pinatay sa kanyang harapan si Andrea; pero wala siyang ginawa upang masagip man lang ang dalaga. Kahit pa na nalaman niyang nasiyahan ito at nanlibre pa kina Astrid noon nang matanggal siya sa pwesto sa pagiging Campus Queen ng paaralan ay naging baliwala ito sa kanya. Mas importante sa kanya ang mga naging pagsasama nila noong mga nakaraang taon, at ang mga naging tulong ng naturang dalaga miski sa mga takdang-aralin nila, lalong-lalo na pagdating sa matematika.
Sinenyasan ni Theo si Astrid upang kausapin si Nicca at saka ngumuso pa ito sa pwesto ng dalaga. Sandali siyang umirap sa binata at saka kay Nicca. Ayaw niyang kausapin ang dalaga. Wala kasing nagtangkang kumausap dito. Siguro dahil ay wala ring may alam kung paano kumausap ng isang taong puno ng takot, pangamba, at pagdadalamhati. Alam niyang siya lang ang tanging magagawang kumausap sa dalaga dahil pareho sila ng ugali—mataray at palaban. Dapat ay si Winter o hindi kaya ay si Miss Nikkole ang dapat na kumausap sa dalaga ngunit halatang pagod na rin ang dalawa. Nakaupo ang lalaki sa isang kama malapit sa bintana habang nakatanaw sa mga tanawin sa labas, nag-iisip. Samantalang ang guro naman nila ay nakaupo rin sa isang kama at nakatingin sa mga estudyante nito.
Ang lahat ng mga tao sa naturang silid ay sobrang nalugmok dahil sa mga nangyari. Halos lahat sa kanila ay unang beses pa lamang na makakita ng taong pinahirapan at unti-unting pinatay. Maging ang kanyang kaibigang si Sandra na akala niya ay mamamatay na kanina na napuno rin ng takot ay agad na nakatulog. Kanina, matindi ang galit niya sa dalaga dahil sa paglilihim nito ngunit ngayon ay napagtanto na niyang wala talagang may gusto ng nangyari. Alam niyang namatay sa sakit sa puso si Madeline noong gabing iyon ngunit naghanap pa rin siya ng suspek upang maipaghiganti ang pagkamatay ng kaibigan.
Marahan siyang umubo habang papalapit siya sa gawi ng dalaga. Nagbago ang kanyang pag-iisip. Gusto niyang kausapin at patahanin ang mortal na kaaway.
Tumabi siya sa nasabing dalaga matapos na umalis ni Caitlynn sa sofa. Nanatili siyang tahimik nang ilang mga sandali. Wari ba ay nagpapakiramdaman silang dalawa. Maging si Nicca ay nabigla rin sa biglang pagtabi sa kanya ng kaaway.
Ang pinakaayaw ni Astrid ay ang makakita ng taong umiiyak. Marami-rami na rin siyang napaiyak na mga tao dahil lang sa mga kababawan na kanyang nga pinaggagawa. Kahit si Nicca ay naging biktima na rin niya noon dahil sa pagiging makasarili niya. Hindi niya tuloy maiwasang maisip na baka isa siya sa mga dahilan kung bakit umiiyak ngayon ang katabi.
Humikbi si Nicca, ramdam niya ang pagdadalamhati nito. Wari bang pinipiga nito ang kanyang puso. Habang hindi pa rin ito tumitingin sa kanya ay nagsalita ito, "A-astrid, naging matatag ako nang matagal. Kahit na nabaliw noon si Mama, ay hindi ko pinakita sa inyo na mahina ako. Pero ngayon, iba na. Gusto ko na lang umiyak. Akala ko naging matatag na 'ko, hindi ko alam na gaya pa rin pala ako ng dati na mahina. N-napakahina ko, Astrid."
"Nicca, I'm sorry for you loss." Huminto si Astrid sa pagsalita at nagpakawala ng buntong-hininga. "And I'm sorry for what I did to you and your mother way back then."
"Naaalala mo pa pala. Masaya akong 'di mo 'yon kinalimutan at nag-sorry ka sa 'kin ngayon. Sa totoo lang, wala naman talaga akong pake sa ginawa mo sa akin noon, e. Matagal na akong nag-move on. P-pero si Andrea, wala na siya, Astrid. Hinayaan ko lang siyang mamatay sa kamay ng killer na 'yon!"
BINABASA MO ANG
Wild Blood
TerrorKategorya: HORROR ______ Nasa peligro ang buhay ng mga estudyante ng seksyon Euclid sa kamay ng gumagalang killer sa loob ng kanilang eskwelahan. Wala silang kaalam-alam kung ano ba talaga ang pakay ng killer hanggang sa isiwalat nito na gusto niton...