ZENAIYA ERIS
"Kami na ang bahala rito," saad ni Stone habang deretsong nakatingin sa'kin. Namumula ang mata niya at bakas ang galit sa mga ito. Tumango siya. "Go."
Marahas kong pinunasan ang pisngi saka tumayo. Tumalikod ako at humarap sa loob ng Light Kingdom. Maglalakad na sana ako pero muli akong tumigil. "Stay alive," I pleaded. "Stone, please do."
Nang muli ko siyang harapin, muli siyang tumango. "Susunod kami sa loob."
Saglit kong sinulyapan ang ibang Aurorials bago tinuloy ang pagpasok sa loob. Sinimulan kong tumakbo habang nararamdaman ang pagsiklab ng galit sa'kin. Kailangan nang matapos 'to. Para sa lahat ng mga namatay dahil sa kasamaan ng haring 'yon. Hustisya na lang ang tangi naming mabibigay sa mga nadamay sa kaguluhan at kabaliwang 'to.
Napatingin ako sa taas nang marinig ang pamilyar na malakas na ungol. May lumabas na itim na apoy sa bunganga nito habang marahas na pinapagaspas ang malalaking pakpak. Lumubog ang lupa nang lumapag ito sa harap ko. Mas binilisan ko ang pagtakbo at dali-daling sumakay sa likod ni Shen. Umungol siyang muli saka tuluyang lumipad papasok sa kaharian.
Patuloy pa ring nadadagdagan ang mga demonyo habang unti-unti namang nababawasan ang mga kawal. Ang kanina'y tahimik na paligid ay napuno ng mga sigawan. Ang dapat na payapang gabi ay napalitan ng karahasan. Ramdam ang takot at ang desperasyon sa paligid, maririnig iyon sa sigaw ng bawat isa.
Nilibot ko ang tingin sa loob ng Light Kingdom. Madilim ang paligid. May mga parte na nag-aapoy, may mga kabahayang sira na. Kaniya-kaniya ng takbo ang mga tao para lang maligtas ang sarili.
Dumeretso ako sa kastilyong agaw atensyon dahil sa elegante nitong istruktura. Nagtatakbuhan ang mga demonyo papunta ro'n habang pinapatay ang mga nadaraanang tao. Habang palapit nang palapit, nakikita ko ang dami ng mga Warriors at Knights na lumalaban sa baba para pigilang may makapasok na demonyo sa loob. Pero base sa nakikita, may mga nakapasok na.
Agad kong nakita ang isang bukas na balkonahe ng kastilyo. Doon ako bumaba para mabilis na mahanap ang kwartong paniguradong naglalaman ng salvation potion. Dali-dali akong tumakbo at hinanap ang hagdan. Bawat palapag at kahit saan ako lumingon ay may mga kawal at demonyo.
Nagpakawala ako ng apoy sa tatlong demonyo na humarang sa'kin habang bumababa ako. Malakas silang tumalsik at gumulong. Natatandaan ko pa naman ang itim na kwartong pinasok namin noon nina Stone. Sana lang, iyon pa rin ang kwartong pinaglalagyan nila ng potion.
"ACKKK!" Humampas ako sa pader nang may malakas na tumulak sa'kin.
Sinamaan ko ng tingin ang demonyo at binato sa kaniya ang isa kong punyal. Tumarak iyon sa dibdib niya kaya mabilis siyang naging abo. Gumawa ng ingay ang punyal nang bumagsak iyon sa sahig. Dinampot ko ang armas at muling hinanap ang kwarto. Ilang palapag pa ang nadaanan ko. Hindi nawawalan ng mga kawal at demonyo ang bawat pasilyong tinahak ko.
Halos mahulog din ako sa mahahabang hagdan dahil sa pagmamadali bago tuluyang nahanap ang tamang palapag. Naningkit ang mga mata ko nang makita ang pamilyar na kwarto, lalo na ang isang matabang lalaki.
BINABASA MO ANG
Rise of the Demons (Completed)
Fantasy(Third book of Majestic Series) Zenaiya Eris Anderson, the reputable, bold, and fearless demon slayer in Majestique. The number of population increased drastically over the years in their world. And when the demons started to rise and learned to cha...