HT29: Ate

33 1 0
                                    

"LORRY, HALIKA. LARO TAYO." Aniya sa mahinang boses. Umiling ako. Ayoko ng makipaglaro sa kanya.

"Ayoko na. Tigilan mo na ako!" Tili ko at patakbong lumabas ng kwarto. Ngunit, ramdam ko ang presensya niya. Nakasunod ito sa akin.

"Lorry, halika. Maglaro na tayo." Yaya niya. "Naglalaro naman tayo lagi hindi ba?" Saad pa niya. Nilingon ko siya.

Oo. Naglalaro kami ni ate.

Lagi kaming nasa loob ng kwarto ko. Naglalaro ng lutu-lutuan. Naghahabulan sa labas. Araw-araw kaming pumupunta sa park para mag seasaw. Sabay kaming naliligo sa dagat, sabay kaming kumain. Tinuturuan niya ako sa homework at project ko. Kausap ko tuwing wala ang mama at papa. Kinakantahan niya ako kapag nahihirapan akong makatulog sa gabi. Pero, dati 'yon. Ayoko na siyang kalaro! Ayoko na sa kanya.

"Tigilan mo na kasi ako! Ayaw na kitang kalaro!" Sigaw ko. Gusto ko ng umiyak pero, walang lumalabas na luha sa aking mga mata. Mas nangibabaw kasi ang takot sa aking katawan.

Takot na ngayon ko lang naramdaman.

Simula kasi noong natauhan ako, nag-iba ang pakikitungo ko sa kanya. Naaawa ako sa sarili ko.

Kaya pala...

Kaya pala pinagtatawanan ako ng mga tao sa tuwing lumalabas kaming dalawa.

Kaya pala... Nagtataka ang mga bata sa playground kapag nag seseasaw akong mag-isa.

Kaya pala... Natatakot sa akin si yaya dahil nagsasalita ako mag-isa.

Kaya pala nabansagan akong baliw at wala sa katinuan ng mga kapitbahay namin.

At lahat 'yon ng dahil sa kanya.

"Bakit, Lorry?" Malungkot niyang tanong. Tinakpan ko ang aking mga tenga. Ayaw ko siyang marinig. Ayaw ko siyang maalala.

"Tama na!" Malakas kong sigaw. Nakapikit ang aking mata habang nakatakip parin ang aking mga kamay sa aking tenga.

Napansin ko ang katahimikan ngunit, ramdam ko parin ang presensya niya. Minulat ko ang aking mata at sa pagmulat nito...

Nakita ko siyang nakalutang sa hangin.

"Lorry. Mahal ka ni ate." Sabi niya. "Halika. Maglaro na tayo." Bahagya itong napangisi. Sunod-sunod ang pag-iling ko.

Palapit siya nang palapit sa akin habang nakalutang parin sa ere. Hindi ko makita ang pares ng kanyang mga paa dahil natatakpan ito ng mahaba at puti niyang bistida. Pero, kitang kita ko kung paano siya lumutang. Pumikit akong muli. Ayaw ko siyang makita.

"Lumayo ka sa akin! Ayoko sa'yo!"

"Bakit, Lorry? Hindi mo na ba mahal ang ate? Lorry... Lorry..." Tanong nito at paulit-ulit na binabanggit ang pangalan ko. Naikuyom ko ang aking mga kamay sa aking tenga.

Hindi siya nakikinig sa akin. Hindi niya ako maintindihan. Ayoko na sa kanya. Ayoko ng makipaglaro sa kanya. Nilalason niya ang isipan ko. Paulit-ulit lang ang mga sinsabi nito na para bang may sariling utak at gusto pumasok sa aking mga tenga.

"Tama na! Tigilan mo na ako, please! Ayoko ng makipaglaro... Sa'yo, ate." Pagmamakaawa ko. Kasabay nun ang pag-agos ng luha ko.

Halo-halung emosyon ang nararamdaman ko. Takot na takot na ako.

"Bakit, Lorry? Sabihin mo sa ate." Takot man ay dahan-dahan kong minulat muli ang aking mga mata. Nakipagtitigan ako sa kanya.

Kailangan kong maipaliwanag sa kanya ang lahat. Gusto kong malaman niya ang totoo kung bakit ayaw ko ng makipaglaro sa kanya. Kung bakit takot na takot ako sa kanya. Gusto kong layuan na niya ako.

"Gusto mong malaman kung bakit?

Tumango ito.

"Kasi..."

Mas lalo akong napaiyak.


"Napagtanto kong..."

Hanggang sa humagulhol na ako.

"Wala pala akong...



Ate."

---

Horror Tale (✔COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon