Special Chapter (Sue Minki)

306 18 38
                                    

MINKI'S POV:

Akala ko iba siya, 'yun pala isa rin siya sa mga lalaki na nakilala ko. Pati pala siya pinaasa at niloko lang din ako kagaya ng ginawa ni papa sa akin noon. I thought he was an exception but I was wrong. The truth is, no man is an exception. Lahat pare-pareho.

Tinatawanan ko pa si Hami noon at pinapangaralan noong masaktan siya dahil kay Jaychan. Pero mas malala pa pala ang mangyayari sa akin. Tinawag ko pa siyang 'tanga' pero ako pala itong mas tanga sa kanya. Ang galing kong magpayo at mangaral sa kanila ng mga dapat gawin at dapat iwasan pero hindi ko naman pala nagawa sa sarili ko. Kahit pala gaano ka pa kahanda sa isang bagay kapag tinamaan ka na, siguradong masasaktan ka. Parang bala ng baril na tatama sayo, hindi mo mararamdamang tinamaan ka na kung hindi mo pa makikitang may sugat ka na at dumudugo na. Kahit may mga nakahandang panangga ka, makakalimutan mo pa rin itong gamitin dahil masyado kang kampante na hindi ka tatablan at hindi ka masasaktan. Minsan naman, akala mo sapat na ang gamit mong panangga para makaiwas sa sakit pero 'yun pala kulang pa rin.

Akala ko sapat na ang mga karanasan ko sa buhay para sabihing handa na akong humarap sa mga pagsubok kagaya nito. Akala ko alam ko na ang lahat ng paraan para makaiwas at hindi matulad kay mama na iniwan ni papa. Akala ko malakas ako at kaya kong harapin 'to. Pero akala ko lang pala lahat ng 'yun.

Hindi ko alam kung saan ako tatakbo at tutungo, ang importante ay makaalis ako sa lugar na 'yun. Matapos kong marinig ang lahat ng sinabi niya, wala ng rason para umasa pa. Siguro nga ay masyado akong naging masaya, masyado akong naniwala na may isang taong magpaparamdam sa akin ng totoong pagmamahal, maliban sa mga kaibigan at pamilya ko.

Hindi man niya ako niligawan, hindi man kami nagkaharanahan, wala akong ibang inisip kundi ang katotohanang mahal ko siya at masaya ako sa kanya. Pero hindi pala sapat na isa lang ang masaya, dapat ay pareho kayong dalawa. Matagal ko iyong tinago, matagal kong pinigil dahil kuya siya ng kaibigan ko. Pero hindi mo nga pwedeng turuan ang puso mo kung sino ang ititibok nito. Dahil kung pwede lang, sana noon ko pa ginawa at ibinaling na lang sa iba ang nararamdaman ko.

Pero bakit pa niya tinanggap ang nararamdaman ko para sa kanya kung hindi naman pala talaga niya ako gusto? Bakit pa niya ako pinaasa? Bakit niya pa sinabing bigyan ko lang siya ng oras at masusuklian rin niya ang pagmamahal ko? Kelan pa? Kapag wala na akong buong maibigay saka pa siya magkakaroon ng panukli? Kung sabagay, malinaw na sa akin na naging panakip-butas lang ako. Naging second option na kapag wala na talaga silang pag-asa ni Jaylee ay saka na niya ibabaling ang pagtingin sa akin. Hindi naman kasi niya sinabing mahal pa pala niya si Jaylee. Sabagay, ang tao nga naman kapag sinuyo mo ayaw sayo pero kapag tinigilan mo saka naman siya lalapit at mamimiss ang pangungulit mo. Ako kaya mamimiss rin niya ang presensya ko kung lalayo na ako? Siguro naman alam ko na ang sagot sa katanungan ko. Syempre hindi dahil hindi naman niya ako mahal eh, kung naging mahalaga man ako sa kanya wala pa rin 'yun kesa sa taong mahal niya. Magkaiba ang mahalaga lang sa mahal na nga, mahalaga pa.

Masyado na akong nasobrahan sa pag-iyak dahil halos manlabo na ang paningin ko. Pakiramdam ko'y mugtong mugto na ang mga mata ko. Nakakatawa lang dahil noon, tinatawanan ko 'yung mga taong umiiyak dahil sa pag-ibig. Ngayon isa na pala ako sa mga taong 'yun.

Sa pagtakbo ko hindi ko na namalayang may motor na akong nakasalubong, akala ko katapusan ko na. Napapikit na lang ako at hinintay na mabundol ako. Ayoko na, pagod na ako. Kailangan ko na yatang mamahinga na lang, ngayon na yata ang oras ko. Pero ilang segundo na akong nakapikit ay wala man lang akong naramdamang may bumangga sa katawan ko. Baka patay na ako?

Dahan-dahan akong nagmulat ng mga mata, napasinghap ako sa gulat nang makitang magkalapit na ang mga mukha namin. At sa gulat ko, nasuntok ko siya. Sapul sa mukha.

Dating a Fanboy (On-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon