Chapter 9

434 21 0
                                    


Hulyo 1967

Hindi ko akalaing masisilayan ko siya ulit. Ang lalaking tangi kong minamahal. Hiniling ko kina Papa na mag-aral sa Maynila para lang hanapin siya.

Ilang taon akong nangungulila. "Miguel! Ikaw nga ba iyan?" Muli kaming nagkadaupang-palad sa labas ng simbahan ng Immaculate Conception Parish. Nasapo ko ang aking dibdib ng tumambad sa akin ang mala-Adonis niyang mukha.

Kung ako ay puno ng galak na makita siya, wala naman itong pinakitang kahit anong emosyon. "Hindi ko inaasahang makita ka ulit." Iyon lang ang kanyang sinambit. Akmang ako'y kanyang tatalikuran ngunit napigilan ko siya.

"Hindi ka na ba babalik ng hacienda?"

Nagtagis ang bagang nito. "Ako'y pinalayas na ng iyong Mama. Wala na akong babalikan pa roon. Masaya na ako dito sa Maynila."

At parang pinunit ang aking puso nang may tumawag sa kanya. "Miguel, mahal!! Andyan ka lang pala."

Lumapit ang babae sa amin at napagtanto kong ito'y nagdadalantao. "Si Maria, ang aking asawa." Pakilala nito sa babaeng dumating.

"Ikinalulugod kong makilala ka." Parang napupunit ang aking puso at hindi ko na hinantay na sila'y magsalita pa. Tumakbo ako palayo.

Masaya na pala si Miguel. May pamilya na siya. At magkaka-anak pa! Binali nito ang pangako sa akin na kami ang magpapakasal. Napahagulhol ako sa gilid ng kalsada. Dapat ay hindi ko na lang pala siya hinanap upang hindi na ako masaktan.

Tama ang ina. Hindi niya ako mahal. Hindi niya ako minahal.

Natapos ang unang entry ng diary. Siguro ang Miguel na tinutukoy nito ay ang ama. Kung ganoon ay parehas pala sila ng ina na nagmahal ng isang lalaki sa napakatagal na panahon. Ipinagpatuloy niyang basahin ang susunod nitong entry.

Pinilit kong maghilom ang sugat na dulot ng pagtataksil ni Miguel. Nagpunta ako ng Paris at halos taon din ang inilagi namin dito. Madaming binata ang aking nakadaupang palad. Mayayaman at mahuhusay sa larangang tinahak ngunit tanging si Miguel ang laman ng aking puso at isipan.

"Maghunos-dili ka! Isang lalaki lang iyan!" Anas ng aking kakambal. Mabuti pa ito at walang iniindang sakit. Malaya itong nakikipaghalikan at nakikipagsayawan sa mga matitipunong lalaki sa Paris.

Naiinggit ako sa pinakamamahal kong bonita. Mahal na mahal ko siya ngunit sana ay nakuha ang kaniyang alindog. Oo nga at magkamukha kami ngunit magkaibang magkaiba ang aming pagkatao.

"Bonita, salamat sa iyo. At nandito ka palagi sa aking piling tuwing ako'y nalulungkot."

Niyakap niya ako nang mahigpit. Sana ay katulad ng pagmamahal niya sa akin ang pagmamahal ni Miguel. Hindi salawahan. Hindi sinungaling.

"Kailangan nating sulitin ang ating mga araw dito, hermana. Dahil pagkauwi ko ay ikakasal na ako kay Rodolfo..."

Oo nga't ipagkasundo na nga pala siya kahit labag sa kanyang kalooban. Dapat kami ni Rodolfo ang ikakasal ngunit dahil sa eskandalong dulot namin ni Miguel ay siya na ang magpapakasal dito.

Inuusig ako minsan ng aking konsensya na siya ang sasalo sa aking pagkakamali. Kaya pipilitin ko na din na maibigay sa kanya ang kasiyahan bago sila ikasal sa susunod na taon.

Uuwi na kami samakalawa. Mababalot na naman ako ng kalungkutan dahil palagi kong maaalala si Miguel.

Hindi namalayan ni Sharlene na nakatulugan pala niya ang pagbabasa sa diary ng ina. Naalimpungatan siya nang may kumatok sa may pintuan.

[COMPLETED] My Sister's KeeperTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon