"Hindi ikaw si Lady Soo Ah. Ngayon ko lang napansin na magkaiba kayo ng hugis ng mata. Malaki ang pagkakahawig niyo pero magkaiba kayo. At isa pa, hindi rin palangiti si Lady Soo Ah. Hindi ikaw ang amo ko. Sino ka?"
Napalunok muna ako ng maraming beses bago nagsalita.
"Min Young. Hindi ko alam kung maniniwala ka sa sasabihin ko. Pero gusto kong mangako ka na walang ibang makakaalam ng lahat ng sasabihin ko sa iyo," seryosong turan ko sa kanya na marahan niya lang na tinanguan.
"Tama ka, hindi ako si Lady Soo Ah. Ako si Penelope Park at sa palagay ko ay galing ako sa hinaharap."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Am, paano ko ba ipapaliwanag? Hindi ko alam kung paano ako napadpad sa panahong ito basta ang alam ko ay nahulog ako habang inaabot ang librong hiniram ko at pag-ahon ko ay nasa ilog na ako ng Han."
"Hindi ko maintindihan. Penelope Park ang pangalan mo? Anong panahon ang sinasabi mo at bakit parehas kayo ng apelyido ng Kamahalan?"
"Hmm, Sabihin na lang nating nanggaling ako sa panahong mangyayari pa lang pagkalipas ng mahigit apat na raang taon. At itong bagay na ito na tinatawag naming cellphone ang nagpapatunay ng sinasabi ko," paliwanag ko rito na ikinatanga na lang nito. Napansin ko pa ang pagkagulat sa mukha nito nang pinatugtog ko ang mp3 song na naka-save sa phone ko bago ito muling pinatay.
"Hindi ko rin alam kung bakit kami magkaparehas ng apelyido ni Rizal este ng Kamahalan pero sa tingin ko ay wala naman kaming koneksyon," nakangiting dugtong ko pa sa kanya.
"Rizal? Sinong Rizal?" kunot-noong tanong nito na ikinagulat ko rin.
"Ha? Si Rizal Park, ang Kamahalan. Bakit, hindi mo ba siya kilala?" balik-tanong ko sa kanya.
"Hmm, Park Ryong Zae ang pangalan ng Kamahalan, Lady Penelope at hindi Rizal Park. Siya ba ang nagsabi sa iyo ng pangalang iyan? Nakakapagtaka naman," Napapa-isip na sabi nito. Kahit ako ay nagulat sa binanggit niyang pangalan. Hmm. May itinatago din bang kakaiba si Rizal?
"Hays, lalo na akong naguluhan, Min Young. Pero habang inaalam ko pa kung bakit ako napunta sa katauhan ni Lady Soo Ah ay gusto kong tawagin mo muna ako sa pangalan niya. Walang pwedeng makaalam na nagpapanggap lang ako. Ayokong mapahamak o mamatay sa panahon niyo, kaya sana ay tulungan mo ako," paki-usap ko sa kanya.
"Huwag kang mag-alala. Mananatiling lihim ang lahat ng nalaman ko tungkol sa iyo, Lady Soo Ah. Pero anong plano mo ngayon?" tanong nito habang pinagmamasdan ang cellphone na nasa kamay ko. Pinatay ko muna ang cellphone na hawak ko at itinago sa kabinet. Nasa ninety percent pa ang charge nito. Hindi ko rin naman kasi ito magagamit pa sa ngayon.
Pagkatapos noon ay muli ko siyang binalingan.
"Aalamin ko kung bakit ako dinala ni Lady Soo Ah sa panahon niya. Sa palagay ko ay may kinalaman ang name tag na ito kaya ako napunta rito." Itinuro ko sa kanya ang nakasabit na pangalan sa parteng beywang ng damit ko.
"Name tag pala ang tawag ninyo sa bagay na iyan pero sa panahong ito ay tinatawag iyang Hopae o pangalang kartel, Lady Soo Ah. Nakasulat diyan sa harapan ang pangalan natin at kung saan tayo nakatira," nakangiting paliwanag ni MinYoung. Hmm. Kaya siguro nalaman ni Rizal kung saan ako nakatira dahil sa name tag na ito. Pero teka nga lang muna!
BINABASA MO ANG
Marrying Rizal Park [COMPLETED]
Historical FictionAko si Penelope Park. Hindi naman ako koreana kaya hindi ko rin alam kung bakit Park ang apelyido ko. Kung sabagay, si Rizal nga ay hindi naman koreano pero may Rizal Park pa rin. Okay last na joke na 'to dahil uwian na! Pero what if isang araw, b...