Chapter 12

78 15 2
                                    

Nakagapos na sila Reyna Eun Jung, Lady Jin Ah at ang iba pang mga kapanalig nilang Opisyal nang dumating kami ni Rizal sa labas ng Kagawaran ng Paglilitis.

Suot ko na rin ulit ang Royal Hanbok ng isang Reyna ng Joseon habang ang mga lilitisin naman ay nakasuot lamang ng mga puting hanbok.

Pagkaupo ko pa lang sa gitna ay tanaw ko agad ang matalim na tingin sa akin ni Lady Jin Ah bago ito muling nagbaba ng tingin.

"Nandito na ang Kamahalan at ang Mahal na Reyna para ibigay ang hatol sa mga naakusahan." malakas na tinig ng tagapag-salita ng palasyo. Nagsiyukuran ang lahat ng naroon. Ang mga kawal, mga miyembro ng Royal Family at  maging ang mga opisyal na kapanalig ng Amang Hari ay naroon din para saksihan ang magiging hatol kay Reyna Eun Jung at sa iba pa.

"Hindi ko na pahahabain pa ang paglilitis na ito. Hinahatulan ko si Reyna Eun Jung at si Lady Jin Ah ng habambuhay na pagkakakulong sa salang pangunguna sa pagpaslang sa buong Pamilya Peng na walang ginawang sapat na paglilitis."  may-diing sabi ni Rizal at narinig ang pagbubulungan sa buong paligid.

"Ngunit Kamahalan, maayos silang inaresto ng aking mga tauhan pero sila ang nanlaban kaya wala ng nagawa ang mga tauhan ko kundi ang paslangin sila," pagdadahilan ng Reyna.

"Talaga? Eh paano mo ipapaliwanag ang iyong mga kawal? Paano ka nagkaroon ng batalyon ng mga tauhan o sabihin nating batalyon ng mga taga-paslang?" may himig pang-uuyam na dagdag nito.

Bakas sa mukha ni Reyna Eun Jung ang pamumutla maging ng iba pang mga Opisyal ng palasyo lalo na sa sumunod na sinabi ni Rizal.

"Ang pangalawang dahilan ng hatol ko Inang Reyna ay dahil sa tangka mong panggugulo sa mahalagang kasalan ng palasyo at koronasyon ng Aking Reyna Soo Ah."

"Pero Kamahalan—"

"Ang mga taga-paslang na lumusob sa palasyo ay iyong mga tauhan. Napaamin na namin ang ibang Opisyal na pumanig sa iyo, kaya wala ka ng iba pang dapat ipaliwanag." malamig na sabat nito sa sasabihin pa sana ni Reyna Eun Jung.

"Kamahalan, tatanggapin ko ang kaparusahang sinasabi mo pero hinihiling kong huwag mo ng idamay si Lady Jin Ah. Wala siyang kasalanan dito. Papaano na ang iyong Ama? Kailangan niya ng mahusay na manggagamot para gumaling siya sa sakit." pakiusap namang ng Reyna na ikina-ismid ko na lang.

"Pagalingin o tuluyang patayin! Alam na namin ang lahat. Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin gumagaling si Ama? Dahil sa halip na gamutin ay nilalason niyo siya!" galit na turan ni Rizal dito na ikinalakas din ng bulungan ng mga taong naroroon.

"Hindi totoo iyan! Wala siyang kasalanan, Kamahalan."

"May nakitang sapat na ebidensiya na nagpapatunay ng ginawa ni Lady Jin Ah, Reyna Eun Jung. Nag-aalaga siya ng halamang nakakalason na nakita rin sa gamot na pinapainom niya sa Amang hari." sabat ko sa pagkakaila nito.

"Hindi totoo ang binibintang mo. Sinasabi mo lang iyan dahil sa nangyari sa iyong pamilya. Pero nagtataka ako kung bakit mo sila pinapanigan, Mahal na Reyna Soo Ah? Hindi mo naman sila kaanu-ano?" nang-uusig din na tanong ni Lady Jin Ah sa akin na lalong ikinalakas ng bulungan ng mga taong naroon.

"Anong ibig mong sabihin Lady Jin Ah?" manghang tanong ni Reyna Eun Jung.

"Hindi siya si Peng Soo Ah. Nagpapanggap lang siya at kaya kong patunayan iyon." matapang na sagot nito. Pakiramdam ko ay nanlamig ang buong katawan ko sa tinuran nito. Hindi ako nakapag-salita agad. Mabuti na lang at naroon si Rizal at siya ang sumagot dito.

"Tama na! Masyado mong nililihis ang usapan, Jin Ah. Pinal na ang desisyon ko. Lahat kayo ay hinahatulan ko ng—" pero naputol ang pagsasalita ni Rizal nang biglang may malakas na nagsalita sa likuran.

Marrying Rizal Park [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon