Chapter 22

222 15 14
                                    

Wala ako sa sarili ko habang papauwi ng bahay. Kaya hindi ko na rin namalayan ang babaeng nakasalubong ko. Bumangga ako rito kaya halos muntik pa akong matumba kung hindi ko lang naibalanse nang mabilis ang sarili ko.

"Kumusta ka na, Peng?" nakangiting sabi niya sa akin.

"Ms. Jenny? Anong ginagawa mo rito?" matigas na tanong ko sa kanya na ikinangisi niya lang.

"Kung gano'n ay iyan pala ang pangalan ko rito. Nandito ako dahil may gusto akong sabihin sa iyo,"

Bahagya akong nalito sa sinabi niya pero dahil sa naalala ko na naman ang ibinalita nila Sabel tungkol sa kasal nila ni Roswell ay napalitan ng inis ang nararamdaman ko.

"Anong sasabihin mo? Mamatahin mo na naman ako? Tama na, Jenny. Panalo ka na. Nasa iyo na si Roswell. Ikakasal na nga kayo e kaya pwede bang patahimikin niyo na rin ako. Tigilan niyo na ako!" sigaw ko rito. Nakita kong natigilan siya sa mga sinabi ko bago niya ako muling nginitian.

"Hindi ko gustong guluhin ka, Peng. At anong kasal ba ang tinutukoy mo? Hindi ba, ikaw ang ikinasal sa kanya? Nandito ako para sabihing natanggap ko na ang lahat. Kaya gusto kong tanggapin mo ang munting regalo ko sa iyo, Peng."

May inilabas siyang isang botelya sa harapan ko at iniabot iyon sa akin.

"Hindi ko maintindihan? Para saan ito? Teka, hindi ba kayo ikakasal ni Roswell?" naguguluhang tanong ko rito pero nginitian niya lang ako at pilit na inilapit sa akin ang botelya. Nagtataka ako sa ginagawa niya pero hindi ko kinuha ang binibigay niya.

"Kunin mo! Bakit ayaw mong kunin?!" tila galit na turan nito. Kinabahan ako sa biglang pinakita nitong pagsigaw. Ganito ba talaga magalit si Ms. Jenny? Nakakatakot. Pero nilakasan ko ang loob ko at matapang siyang hinarap.

"Ayokong tanggapin iyan. Hindi ko maintindihan ang pinapakita mo, Ms. Jenny. Pero ayoko ng magkaroon ng anumang koneksyon sa inyo. Nakuha mo na siya 'di ba? Maging masaya ka na lang."

"Ah, gano'n ba ang pagkakainitindi mo? Pero paano kung sabihin ko sa iyong hindi ko pa rin siya nakuha hanggang ngayon dahil ikaw pa rin ang mahal niya. Sa bandang huli ay ikaw pa rin ang pinili niya, Peng," malungkot na sabi nito na lalo ko ng ikinalito.

"Ms. Jenny..."

"Gusto ko ng tanggapin ang lahat pero paano ko gagawin iyon kung hindi mo ako kayang patawarin, Peng. Tanggapin mo 'to para mapatunayan sa aking okay na tayo," naiiyak na sabi nito. Napansin ko pa ang ilang butil ng luha na pumatak sa mga mata niya. Teka, ano bang nangyayari kay Ms. Jenny? Naguguluhan ako sa sinasabi niya pero sa tingin ko ay baka epekto rin ito ng sakit niyang depression. Gusto na niya sigurong makalimot at sino ba ako para hindi tanggapin ang sorry niya?

Tinanggap ko ang botelyang binigay niya. Kulay dilaw iyon. Bago iyon sa paningin ko pero pakiramdam ko ay napakapamilyar ng lalagyan na iyon. Para bang nakita ko na siya kung saan.

"Buksan mo, Peng at magugustuhan mo ang regalo ko sa iyo," nakangiting sabi nito.

Wala sa sariling binuksan ko ang takip nito. Isa iyong spray bottle. Bigla na lang akong nakaramdam ng matinding hilo pagkabukas ko no'n. Shit! Bakit hindi ko naisip na posibleng pabango ang laman ng botelyang iyon? Napakapit ako sa braso ni Jenny at kumuha doon ng lakas para hindi tuluyang matumba.

"Jenny, allergic ako sa pabango. Ilayo mo sa akin iyan," nanghihinang sabi ko bago tuluyang nabitawan ang botelyang iyon kaya nagulat pa ako sa isinagot nito.

"Alam ko. Kaya nga ito ang binigay ko sa iyo. Matulog ka nang mahimbing, Lady Peng Soo Ah."

Paano niya nalaman ang allergy ko? Pinasubaybayan niya ba ako at teka, anong tawag niya sa akin? Peng Soo... at tuluyan ng naputol ang iniisip ko. Naulinigan ko na lang ang pagsigaw ng isang lalaki at naramdaman ang pagyugyog niya  sa akin at pagkatapos no'n ay wala na. Tuluyan nang nilamon ng kadiliman ang diwa ko.

Marrying Rizal Park [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon