Panimula: Ako Si Juan Ramon Sereno

278 10 27
                                    

Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang aking kwento kaya pagpasensyahan niyo na lang ako kung ang una kong sasabihin ay ang mga bagay tungkol sa aking sarili.

Ang aking pangalan ay Juan Ramon Fontanilla Sereno. Sigurado akong hindi niyo matatandaan agad ang aking napakahabang pangalan kaya tawagin niyo na lang akong Ramon, o JR na rin kung gusto niyo. Ngunit kung ako ang tatanungin niyo, Ramon na lang ang itawag niyo sa akin dahil ito ang tawag sa akin ng karamihan. At kung hindi kayo ang aking mga magulang o ang aking kuya, huwag na huwag niyo akong tatawaging Jay, dahil sila lang ang may karapatan na tumawag sa akin nun. Hindi naman sa mamasamain ko ito, pero naka-reserba sa kanila ang pribilehiyong ito. Sana intindihin niyo na lang. Dito pa lamang, lubos na akong nagpapasalamat sa inyo.

Ipinanganak ako noong ika-13 ng Oktubre, 1992. Tuwing kaarawan ko, nagkakaroon kami ng isang simpleng handaan lamang, kahit na medyo maykaya naman kami. Pero gusto ko na rin ang ganito. Hindi ko rin naman hilig ang makipag-usap sa mga bisita at wala akong kahilig-hilig na makipagsosyalan sa kanila, at alam na rin ito nina Mama at Papa. 

Kung ako ay titignan mo, maaari mong sabihin na medyo pandak ako para sa aking edad. Maputi ang aking balat, kulay kape ang aking buhok, kulay kamagong ang aking mga mata, maliit ang ilong, at manipis ang aking labi. Medyo payat din ang aking katawan dahil sakitin ako noong bata pa ako, pero wala na akong magagawa doon. Sa unang tingin mo siguro sa akin, mapagkakamalan mo akong isang maamong tupa. Siguro nga, mukha akong isang tupa na kapapanganak pa lang, ngunit nais ko lang siguraduhin na hindi ako maamo.

Isang taon ang nakalipas, bago magsimula ang bakasyon, nakatapos na rin ako ng pag-aaral sa kursong Sikolohiya sa isang sikat na unibersidad. Dahil siguro dito, masasabi niyo nang isa akong halimaw. Dyan kayo nagkakamali. Tulad ng isang normal na binatilyo, madalas din akong tamaan ng katamaran sa pag-aaral at nakukuntento na rin sa gradong sapat na upang ipasa ang aking kurso. Ang nagbibigay lang sa akin ng inspirasyon upang saniban minsan ng espiritu ng kasipagan ay ang aking pangarap noong ako ay bata pa: ang maging isang doktor.

Noong maliit pa ako, madalas akong magkaroon ng sakit. Lagi akong dinadala nina Mama at Papa sa doktor noon. Maging si Kuya ay nag-aalala na rin sa akin dahil bihira niya akong mayayang maglaro ng basketbol kasama ang tropa niya. Sa sobrang dalas na dalhin ako nina Mama at Papa sa doktor, umabot na ako sa puntong natatakot na ako sa kanila. Kaya noong minsan na pagkauwi namin sa aming bahay, habang ako ay humahagulgol, sinabi ko ito kay Kuya:

“Hgk! Paglaki ko, magdodoktor na lang ako para ako na ang gumamot sa sarili ko! Huhu!”

Hindi ko rin akalain na mag-aaral pa talaga ako sa isang sikat na unibersidad upang tuparin ang pangarap kong ito. Iba na rin talaga kung meron kang pinaghuhugutan. Kaya paminsan-minsan, nang bakasyong ito, madalas akong bumalik sa unibersidad upang asikasuhin angang mga papeles, mga bayarin, at iba pang mga proseso sa pagtanggap sa akin sa Departamento ng Medisina pagkatapos kong magpahinga ng isang taon nang nakatapos ako sa Kolehiyo ng Sikolohiya. Hindi ganon kadali ang proseso, at naisip ko na rin na mas lalong hindi madali kapag nakapasok na ako dito.

Maiba naman tayo ngayon. Dahil siguro ngayong nakapasok na ako sa Kolehiyo ng Medisina, iisipin niyo siguro na puro aral lang ang ginawa ko noon. Dyan kayo ulit nagkakamali. Kung wala akong ginagawa sa aking tinitirahang apartment, madalas akong manood ng mga pelikula at anime o kaya maglaro ng Legend of Zelda. Mahilig din akong magbasa ng mga iba’t ibang aklat, tulad ng Lemony Snicket’s at The Hunger Games. Hindi nga lang ako mahilig lumabas, gaya ni Kuya. Masaya na akong mamalagi sa kwarto ko sa apartment, o sa “lungga” ko, tulad nga ng sabi ni Kuya.

Kung sasabihin ko ang bagay na maaari kong maipagmalaki, iyon ay ang hilig ko sa pagsusulat. Nagsimula akong magsulat noong ako ay nasa ikaapat na baiting ng elementarya nang isinali ako ng aming guro sa isang paligsahan ng pagsusulat. Ginulat ko ang lahat nang ako ang nanalo sa nasabing paligsahan. Dahil dito, nang makarating na ako sa mataas na paaralan, ako na ang naging punong patnugot ng dyaryo ng aming paaralan kahit na nasa ikalawang taon pa lang ako. Nakilala rin ako sa buong probinsya namin dahil sa pagkapanalo ko sa isang pambansang paligsahan sa pagsulat ng editoryal na ginanap sa lungsod ng Lapu-lapu, Cebu. Dahil dito, hindi ko na iniwan ang pagsusulat, kahit na balak ko pa ring ituloy ang pagiging doktor. Hindi nga lang ito masyadong nakatulong sa kalusugan ko dahil hindi ko na nakukuha ang kinakailangan kong ehersisyo upang lumakas kahit papaano.

Zone-Out Zone: Ako'y Alipin Mo Kahit Hindi BatiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon