Prologue

19.3K 583 50
                                    

Catleya POV


"Aling Marta! Aling Marta!" Tawag ko sa butihing matanda habang may tulak-tulak na karitong naglalaman ng nakolekta kong pagkain ng baboy.

Musmos pa lang ako ay namulat na ako sa totoong itsura ng buhay. Hindi lahat makulay, hindi lahat masaya't maginhawa. Kaya naman, sa edad na pito ay marunong na akong kumita ng pera para may maitulong sa aking mga magulang.

Ang tatay ko ay isang hamak lamang na nagsa-sideline sa mga construction sites at ang nanay ko naman ay isang labandera. Dalawa lang kaming magkapatid, ako ang panganay. Si Neri, ang tatlong taong gulang kong kapatid ang palagi kong kasama sa pangongolekta, ngunit ng araw na iyon ay naiwan siya sa bahay, kasama ng nanay kong may sakit.

"O, Catleya, nandito ka na pala." Bati ng matandang babaeng nasa edad singkwenta pataas.

"Nandito na po 'yong mga nakolekta kong pagkain ng mga baboy ninyo." Masiglang hayag ko.

"Hay naku, salamat hija." Nakangiting tugon niya. "Sandali lang." Kumuha siya ng pera mula sa bulsa ng suot na daster. "Heto." Sabay iniabot sa akin ang isang singkwenta pesos at bente pesos na pera.

Agad ko itong kinuha mula sa kanya. "Maraming salamat po, aling Marta!" Masayang sabi ko.

Tinawag ni Aling Marta ang isa sa mga boy niya para kuhanin ang laman ng kariton. Dalawang lumang timba na may lamang tirang kanin at kung ano-ano pang tirang pagkain para ihalo sa pagkain ng alaga niyang mga baboy.

"Aalis na po ako." Paalam ko sa kanya ng maibalik na sa kariton ang timbang wala ng laman. "Maraming salamat po ulit!"

"Sige, hija. Sa susunod ulit!" Sabay kumaway pa ito sa akin habang papalayo na ako, tulak-tulak muli ang kariton.

Habang naglalakad sa may kakiputang kalsada ay napapaisip na ako kung papaano ko iba-budget ang nakuha kong seventy pesos. Balak ko din kasing bumili ng gamot ni nanay. Para kasing mas lalong lumalala ang ubo niya.

Saktong padaan na ako sa karinderya nina Aling Zenaida ng kumalam ang sikmura ko. Napansin kong marami ng tao sa loob ng kanilang karinderya. Itinabi ko muna sa harapan ng kainan ang kariton bago pumasok sa loob.

Pumila ako sa hanay ng mga customers kung saan sila pumipili ng ulam. Ako? Hindi ko na kailangan pang mamili ng ulam, alam ko na sa isip ko kung ano ang oorderin ko.

"Magandang tanghali po, Aling Zenaida!" Bati ko sa may-ari ng karinderya ng ako na ang nasa harapan niya.

"Ano'ng oorderin mo?" May kasungitan man ito kung magsalita, mahahalata naman sa kilos at gawa nito na may kabutihan pa ring natitira sa kanyang puso.

Napangiti ako sa kanya. "Apat na order ng kanin, take-out po." Sagot ko.

Nakita kong nagsandok na ang kasamahan niyang babae ng apat na order na kanin at inilagay ito sa supot.

"Ano pa?" Tanong ni Aling Zenaida.

"Tsaka po libreng sabaw." Tugon ko.

Nag-angat siya ng tingin at napatitig sa akin. Ngumiti lang ako ng pagkatamis-tamis sa kanya. Marahas siyang napabuntong-hininga.

"Sabaw daw!" Utos niya sa kasama.

Agad naman itong tumalima. Base sa amoy ng mainit-init pang sabaw na ibinigay nila sa akin ay alam ko na kung ano ito. Sabaw ng sinigang na baboy!

Pagkatapos kong maibigay ang forty pesos kay Aling Zenaida bilang bayad sa apat na kanin ay umalis na ako ng karinderya. Dumaan muna ako sa bahay nina Mang Kulas para bumili ng gamot. May kalakihan ang karatulang 'Botika ng Barangay' na nakasabit sa kanilang pintuan.

Montalban Cousins - HarperTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon