Inantay ko munang makatulog si Thalia Veronica bago ako nagpasyang lumabas mula sa kanyang silid. Habang binabaybay ang mahabang pasilyo ay wala sa loob na napalingon ako sa nadaanang veranda.
Naisipan kong tumuloy sa veranda at doon magpalipas ng oras sa isiping baka nasa loob pa ng living room ang dalawa. Mamaya kung ano pa ang makita ko at madagdagan ang sakit ng nararamdaman ko.
Madilim ang kalangitan at hindi masyadong naaaninag ang mga bituin doon. Siguro nagbabadyang umulan kaya ganito kasalimuot ang kalawakan. Katulad ng kung paano kasalimuot ng nararamdaman ko ngayon.
Hayyy...naupo ako at marahang hinilot ang sentido. Hindi naman ako inaantok dahil hindi pa naman ganoon kalalim ng gabi. Marami lang talaga akong iniisip kaya sumasakit itong ulo ko.
"You're not eating well earlier, bakit bigla ka nalang umalis mula sa hapag?"
Muntik na akong mapalundag sa baritonong boses na iyon. Napatuwid ako ng upo at bahagyang nilingon ang pinanggalingan ng boses. Kaagad kong natanaw si Trance habang nakapamulsa at mariing nakatitig sa aking direksyon.
"Paanong hindi ako aalis? Eh, nag-aalala ako sa anak mo!" I spat.
"Salamat." Humakbang syang papalapit sa aking kinauupuan.
"Salamat para saan?" Kunot-noo kong tanong.
Huminto sya sa aking harapan habang nakayuko sa akin.
"Salamat dahil inaalala mo ang bata."
Napakurap ako habang nakatingala sa kanya.
"Ah, napupuna mo ang hindi ko pagkain ng maayos kanina samantalang kay Thalia Veronica ay wala kang pakialam? Alam mong hindi rin sya nakakain ng maayos pero ni hindi mo sya nagawang suyuin!" Panunumbat ko sa kanya.
Mas pinili nyang magstay sa hapag habang kasama ang babaeng iyon kaysa sundan sa taas ang nag-iisa nyang anak! Akala ko ba sobrang mahal nya ang bata?
"Kilala ko ang anak ko, Quinn Lorenza. Mag-aaway lang kami kapag pinilit ko sya. Ang ibig sabihin ng pag-alis nya ay gusto nyang mapag-isa. Dati kasi noong bata pa sya, Ang Mommy nya ang laging nang-aalo sa kanya kapag nagkaroon kami ng tampuhan." Paliwanag nito.
"At dahil wala na ang kanyang Mommy, hinahayaan mo nalang syang magtampo, ganoon ba? Hindi mo man lang napapansin kung ano ang ikinagagalit nya! Akala ko ba mahal mo ang anak mo—"
"Mahal ko ang anak ko! Mahal na mahal ko si Thalia Veronica!" Putol nya sa aking sasabihin.
"Eh, bakit mo sya hinahayaang masaktan? Obvious naman na ayaw nya sa babaeng iyon pero pinaparamdam mo parin sa bata na mas mahalaga ang girlfriend mo kaysa sa anak mo!" Teka bakit ako nagagalit? Bakit ako nanghihimasok sa buhay ng may buhay?
Napabuga sya ng hangin habang nakamaang na nakatitig sa akin. Hindi makapaniwala na nasabi ko iyon sa kanyang harapan.
"Hindi lang naman sya kay Natalie nagagalit. Galit sya sa lahat ng babae na nakadikit sa akin."
Tumayo ako at humakbang sa kabilang bahagi ng veranda.
"At nahihirapan ka sa sitwasyon ninyong dalawa? Dahil lahat ng nagugustuhan mo ay hindi gusto ng anak mo?"Sabi ko habang nakatalikod sa kanya.
"And she like you a lot..."
Nanigas ako sa kinatatayuan buhat sa narinig. Marahan akong humarap para makita ang kanyang mukha pero nanatili syang nakatagilid ng tayo at ni hindi ako nilingon.
"But you like someone else." Patuloy ko sa kanyang sinabi.
Inantay kong dugtungan nya ang aking sinabi. Nagbabakasakali akong sabihin nya na mali ang naiisip ko pero hindi nya ginawa.
"Quinn Lorenza, you're old enough to understand things. Hindi lahat ng bagay na nangyayari sa buhay ko ay kailangan ko pa na ipaliwanag sa'yo."
Parang sinaksak ng paulit-ulit ang aking dibdib dahil sa narinig. Ngayon alam ko na kung hanggang saan lang ako pwedeng lulugar sa buhay nya.
Itong nararamdaman ko ay wala palang patutunguhan. Sinasaktan ko lang ang sariling damdamin. Dahil kahit kailan ay hindi nya ako magugustuhan.
Ang tanging role ko lang sa buhay nya ay pwedeng magiging ina ng anak nya. Pero hindi nya pwedeng magiging asawa. Iyon ang masakit na katotohanan.
"Bababa na ako, magpahinga ka na rin." Paalam ko sa kanya at malalaki ang hakbang na tinungo ang bungad ng veranda.
Pabagsak akong humiga sa kama pagkapasok ko sa aking silid. Sa sobrang lalim ng iniisip ay hindi ko na nagawang magbihis ng damit pantulog.
Kinapa ko ang aking cellphone sa may bedside table at tamad na binuksan iyon. Pero muli akong napabalikwas ng bangon nang makita ang maraming missed call na galing kay Mica. Ano kaya ang problema ng kaibigan ko?
Kaagad akong nag-call back habang hindi maawat-awat ang kaba sa aking dibdib. Sana maayos lang sya.
"Hello, Mica?" Hindi maipagkakaila ang pag-aalala sa aking boses.
"Nasaan ka ba bruha? Kanina pa ako tumatawag ah!"
Nakahinga ako ng maluwag nang singhal ang nakuhang sagot mula kay Mica. Akala ko pa naman kung napaano na.
"Sorry, ngayon lang kasi ako nakapasok sa kwarto. Hindi ko naman binibitbit kahit saan yung cellphone ko. Napatawag ka, may problema ba?" Kaagad kong tanong.
"Walang problema. Sasabihin ko lang sana yung pinatrabaho mo sa akin noong nakaraang araw. Lumabas na kasi ang result ng DNA test."
Napatayo ako nang wala sa oras at wala sa sariling nag-pacing back and forth sa loob ng kwarto. Gusto kong pakalmahin ang aking sarili pero hindi ko maawat yung kaba na umatake sa aking dibdib.
"Really? I want to know Mica. Ngayon na." Huminga ako ng malalim at napapikit ng mariin.
"Well, the result is 99.9% accurate. Match yung DNA teast, Quinn."
Kaagad na bumalong ang maraming luha mula sa aking mga mata at tuloy-tuloy na lumandas iyon pababa sa aking pisngi. Napapailing ako na parang hindi makapaniwala.
Kaya pala ganoon na lamang ang ginawang pagmamatigas ni Trance na hindi nya masabi-sabi kung nasaan ang anak ko. Hindi pala nya pinaampon ang bata. Kundi sya mismo ang nag-alaga at nagpalaki sa anak ko!
Si Thalia Veronica...sya ang sanggol na iniwan ko noon.
Nang maibaba ko ang tawag pagkatapos kong magpaalam kay Mica ay muli akong lumabas ng silid. Tinakbo ko ang hagdan papunta sa kwarto ni Thalia Veronica.
Pero kung kailan na nasa loob na ako ng kanyang kwarto ay doon ako pinanghinaan ng loob. Bumalik sa aking alaala ang kanyang iyak noong sanggol pa lamang sya. Ang iyak ng sanggol na syang tanging alaala na dala-dala ko sa loob ng sampung taon!
Paano ko nagawang iwan ang magandang anghel na ito? Paanong hindi ko man lang sya tinapunan ng tingin. Ni hindi ko alam kung ano ang kanyang hitsura noong baby pa lamang sya. Ni hindi ko alam kung ano ang kasarian nya. Ni hindi ko sya nahawakan man lang.
Napaluhod ako sa gilid ng kama habang nakatunghay sa kanyang mukha. Marahan kong hinawakan ang kanyang kamay at dinala iyon sa aking labi.
"I'm sorry anak...I'm so sorry!" Bulong ko sa kanya habang pinipigilan ang sarili na hwag mapahagulgol ng malakas.
I'm sorry kung nagkaroon ka ng walang kwentang ina na katulad ko. Hindi ko alam kung mapapatawad mo pa ako dahil sa nagawa kong pang-iwan sa'yo noong sanggol ka pa lamang.
At ngayon ay narealize ko na lahat ang sinabi ni Trance sa akin, lahat iyon ay totoo. Ngayong alam ko na ang totoo mas lalo akong binalot ng takot. Takot na masaktan ko lalo ang damdamin ng anak ko.
***
BINABASA MO ANG
Scratch Heart
ChickLitIsang pagkakamali na pilit kinakalimutan. Pero paano kung sa pagdaan ng maraming taon ay imbes na matahimik ay mas lalo kang kinukurot ng iyong konsensya? Konsensya na habang buhay na manggugulo sa iyong buong pagkatao? May paraan ba para balikan an...