#BecauseILoveYou
CHAPTER 3
Breaktime...
Mag-isa lamang ako ngayon dahil si Cedric ay nagpunta sa library at doon daw niya muna gugugulin ang breaktime niya dahil hindi naman daw siya gutom.
Nakapatong sa mesa ang mga binili kong pagkain na paunti-unti kong inuubos. Sa totoo lang kasi nawawalan ako ng gana kapag walang kasamang kumain pero dahil medyo gutom na ako ay kailangan kong kumain.
Mag-isa lamang ako sa mahabang mesa na inookupa ko. Wala rin naman kasing masyadong estudyante ngayon dito sa loob ng cafeteria kaya hiwa-hiwalay ang pwesto ng mga taong nandito. Marahil ay sa labas kumain ang mga iyon.
Isusubo ko na sana ang hotdog na nakatusok sa hawak kong tinidor ng huminto ito sa ere dahil sa biglaang may nagpatong ng tray sa mesa at sa tapat ko. Napatingin ako sa gumawa nun at halos manlaki ang mga mata ko sa gulat ng mapagsino siya.
'Kenzo.' Pagsambit ko sa isipan ng pangalan niya. Bakit siya nandito? Ang hilig talaga nitong sumulpot sa kung nasaan ako.
Mataman siyang nakatingin sa akin. As usual, seryoso ang mukha at hindi man lang ngumingiti pero hindi nakabawas iyon sa pagiging gwapo niya.
Umiwas ako nang tingin. Ito na naman ang dibdib ko, kumakalabog na naman dahil sa puso kong ewan ko ba kung bakit ang bilis-bilis ng tibok kapag bigla siyang lumilitaw sa paningin ko.
Narinig kong umusog ang upuan, lihim ko siyang tiningnan at nakita kong naupo siya sa katapat na upuan. Mataman pa rin siyang nakatingin sa akin. Ano bang ginagawa ng lalaking ito? Tsk!
Napabuntong-hininga ako. Binitawan ko ang hawak na tinidor at sa halip na kainin ang hotdog ay uminom na lang ako ng orange juice.
"Ikaw ba si Miko Dela Merced ng Helix High School?"
Muntik ko ng maibuga ang iniinom ko pero mabuti na lang at napigilan ko pa. Nagulat talaga ako sa naging tanong niya.
Inayos ko ang sarili ko saka tiningnan si Kenzo. Mataman pa rin siyang nakatingin sa akin. Iyong tipo nang tingin na tagos hanggang kaluluwa at hinahalukay ang pagkakakilanlan ko.
'Bakit niya alam ang buong pangalan ko?' nagtataka ako kung bakit dahil hindi naman kami personal na magkakilala.
Sa halip na magtanong ako kung bakit niya alam ang buong pangalan ko ay iba ang lumabas na salita sa bibig ko.
"Ha?" tanong ko.
Nakatingin pa rin siya sa akin. Pucha! Sa totoo lang, nanghihina ang tuhod ko at parang nalulusaw ako sa tingin niya.
"May kilala kasi akong Miko nung High School... Sa Helix ka ba nag-aral..."
"Hindi." Sabi ko kaagad. Tama ba itong ginagawa ko? Nagsisinungaling ako sa kanya.
Pero mas mabuti na ring wala siyang alam.
Napatango-tango lamang si Kenzo. Umiwas ito nang tingin saka nagsimulang kumain ng mga binili niya. Hindi na muling nagsalita kaya naging tahimik ang pagitan naming dalawa.
Umiwas rin ako nang tingin sa kanya. Napabuntong-hininga.
Ok lang 'yan Miko... mas mabuti ng hindi mo sabihin sa kanya ang totoo. Hindi rin naman kayo magkaibigan, kahit na personal na magkakilala lang.
Lihim akong napapatingin kay Kenzo. Hindi talaga maitatanggi ng kahit kaninong mga mata na nakakakita sa kanya na ubod siya ng gwapo. Kahit ang pagkain, nagagawa nitong maging katakam-takam habang kinakain niya at gaganahan ka ring kumain.
Umiwas ako nang tingin saka umiling-iling. Umayos ka nga Miko!
- - - - - - - - - - - - - - - -- - - - - -
Uwian na at sabay kaming naglalakad ni Cedric palabas ng school. Ginagawa kong normal ang sarili ko kahit na paulit-ulit na nagpeplay sa utak ko ang mga nangyari kanina sa pagitan namin ni Kenzo. Ayoko kasing makahalata itong kaibigan ko at matanong na rin.
"Tara at mag-shopping tayo." Sabi ni Cedric sa akin na medyo ikinagulat ko.
Napatingin ako sa kanya, nakatingin na rin pala siya sa akin.
"Shopping?" tanong ko. Palibahasa may kaya ang pamilya ni Cedric kaya kung gumastos 'yan... Tsk! Minsan nga ako na ang pumipigil diyan.
"Oo... Mauubos na kasi ang mga damit ko kaya kailangang bumili ng bago... Bakit kasi walang official uniform ang eskwelahang ito e." Sabi ni Cedric.
Naka-civillian lang kami lagi kapag papasok kaya ang ibang estudyante dito, pagandahan ang OOTD.
"Edi mag-ulit ka na lang ng damit... sayang ang pera kung bibili ka kaagad." Sabi ko.
Napanguso si Cedric. Halatang hindi niya gusto ang idea ko.
"Ang kuripot mo talaga." Sabi niya.
"Oy! Hindi ako kuripot... practical lang ako. Ang hirap na kayang kumita ng pera sa panahon na 'to." Sabi ko.
"Sus! Pinagtanggol pa ang pagiging kuripot." Pang-aasar pa sa akin ni Cedric.
"Hindi nga ako kuripot." Sabi ko.
"Oo na... Samahan mo na lang ako saka malay mo may mabili ka rin na magustuhan mo." Sabi niya.
"Wala akong bibilhin... tight ang budget ko." Sabi ko. Hangga't maaari ay hindi ako gumagastos ng malaki. Iniisip ko kasi si Mama. Ilang overtime rin ang ginagawa niya sa trabaho para lang mapag-aral ako at ayokong sayangin lang sa walang halagang bagay ang perang binibigay niya sa akin. Saka isa pa, may mga damit pa naman ako sa bahay na pwedeng masuot. Hindi naman ako nakikipagsabayan kay Kenzo pagdating sa pormahan. Teka... bakit napasok siya? Tsk!
"Ok... Samahan mo na lang ako." Sabi niya.
Napatango na lamang ako. Wala rin naman akong magagawa kundi ang sumama.
---- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - --
Malalim na ang gabi. Nakahiga na ako sa aking kama dito sa loob ng kwarto ko. Sa halip na tulog na ako sa mga oras na ito pero ito ako, dilat na dilat habang nakatitig ang mga mata sa kisame na tila may tinitingnang imahe doon.
Hindi kasi ako dalawin ng antok dahil sa patuloy na pagdaloy ni Kenzo sa isipan ko. Ang mga sunod-sunod na nangyayari nitong mga nakaraang araw na ewan ko ba kung sinasadya o tadhana ang may gawa.
Napabuntong-hininga ako. Kahit anong pilit kong alisin siya sa utak ko... hindi ko magawa at nakakainis iyon para sa akin.
"Hays!!!!" naiinis kong sabi sabay gulo ng buhok ko at hilamos ng kamay sa mukha.
"Tumigil ka na nga sa kakatakbo sa utak ko... hindi ka ba napapagod? Kung hindi pa pwes ako pagod na! Gusto ko ng matulog!" inis na inis ko pang sabi.
Bakit ba kasi ako nagkakaganito pagdating sa lalaking iyon?
Aaaahh dahil sa kilala niya ako at maaaring alam niya kung ano ang itsura ko noon.
Oo... nag-aalala lang ako na mabulgar ang sikreto ko na nagparetoke ako ng buong mukha. Oo... 'yun nga Miko... 'yun lang. Tama... 'yun nga lang... nag-aalala lang ako.
Muli akong napabuntong-hininga.
Hindi niya dapat malaman ang totoo.
BINABASA MO ANG
BECAUSE I LOVE YOU (BL) ROM-COM, COMING OF AGE - COMPLETED
Teen Fiction"Minahal kita dahil ikaw ay ikaw." BECAUSE I LOVE YOU by FRANCIS ALFARO ALL RIGHTS RESERVE, 2020 COPYRIGHT, 2020