#BecauseILoveYou
CHAPTER 5
Nasa loob na ako ng classroom at nakaupo sa upuan. Hindi pa dumarating ang aming propesor para sa subject naming ito. Halos lahat ay nandito na at kanya-kanya munang daldalan sa mga katabi habang naghihintay. May mangilan-ngilan ring wala pa dito kabilang na doon si Cedric na hindi ko alam kung nasaang lupalop ngayon ng eskwelahan naroon dahil hindi naman ito nagpaalam sa akin kung saan pupunta.
Napabuntong-hininga ako. Ilang araw na rin pala ang lumipas simula ng mag-umpisa ang klase at masasabi kong so far so good naman. Hindi pa ako masyadong nakikihalubilo sa iba dahil na rin sa palagi kong kasama si Cedric. Sapat na rin kasi siya sa akin bilang kaibigan at kung meron mang gustong makipagkaibigan pa sa akin, willing naman akong tanggapin pero hindi ako naghahanap. Kumbaga, bahala na lang kung may dumating ganun.
Napatingin ako sa pwesto ni Kenzo. Ayun siya at nakaupo lang ng tahimik. Hindi katulad ng iba na may kausap, siya wala. Napangiti ako ng tipid.
"Hindi nga maikakailang siya si Kenzo." Bulong kong sabi sa sarili ko. Hindi pa rin kasi siya nagbabago.
Kunsabagay, wala rin namang masama kung tahimik siya iyon nga lang sa ginagawa niya ay parang inilalayo niya ang kanyang sarili sa tao. Sa totoo lang, maraming may gustong maging kaibigan siya 'yun nga lang nagdadalawang-isip na lapitan siya dahil na rin sa suplado at malamig na image niya.
Nangunot ang noo ko at nagsalubong ang magkabilang kilay nang makita kong may naupong isang babae sa bakanteng upuan na katabi lamang ng inuupuan ni Kenzo. Naks! Mukhang may nangahas nang kausapin siya.
"Hi Kenzo." Narinig kong bati ng babae kay Kenzo. Ang sweet ng boses a.
Napatingin si Kenzo sa babae. Hindi ko naman napigilang matawa dahil sa itsura ng mukha niya. Poker face at hindi man lang ngumiti bilang ganti sa pagbati sa kanya ng babaeng wagas kung makangiti.
Hindi nagsalita si Kenzo, umiwas lamang ito nang tingin. Napailing-iling tuloy ako.
"Ang ganda nung babae pero dinedma lang niya." Bulong kong sabi sa sarili. Wala talagang pinipili si Kenzo para supladuhan.
Totoo naman ang sinabi ko, maganda 'yung babaeng kumakausap kay Kenzo. Hanggang balikat ang buhok na apple cut. Maliit ang mukha, chinita ang mga mata at may katangusan ang ilong. Manipis ang labi at ang katawan, may korte. Siguradong asset nito ang dibdib dahil sa may kalakihan ang mga iyon na hubog sa tshirt na kulay navy blue na suot nito. Hindi lang katangkaran ang babae kaya masasabi kong bukod sa maganda ay cute siya.
"Anong ginawa mo nung bakasyon?" tanong ng babae.
"Wala." Maikling sagot ni Kenzo.
"May girlfriend ka na ba?" wow naman! Diretsahan sa tanong ang babae a.
"Wala." Sagot lamang ni Kenzo. Teka, bakit sumaya ang pakiramdam ko nang marinig ko ang sagot na iyon? Napailing-iling tuloy ako.
Nakita kong napangiting tagumpay ang babae.
"Ilang araw na rin tayong classmate pero napapansin ko na wala ka pang kaibigan dito... Kung gusto mo..."
"Hindi ako interesado." Sabi kaagad ni Kenzo na pumutol sa sinasabi pa ng babae.
Natahimik tuloy ang babae. Mukha namang hindi ito nainis dahil ngumiti pa. Mas lalo siyang maganda kapag nakangiti.
Napailing-iling na naman ako dahil sa ugali ni Kenzo. Mahirap ba sa kanya na makipag-usap sa iba? Ayaw niya bang magkaroon ng ibang kaibigan dito sa school?
BINABASA MO ANG
BECAUSE I LOVE YOU (BL) ROM-COM, COMING OF AGE - COMPLETED
Teen Fiction"Minahal kita dahil ikaw ay ikaw." BECAUSE I LOVE YOU by FRANCIS ALFARO ALL RIGHTS RESERVE, 2020 COPYRIGHT, 2020