CHAPTER 33

876 61 1
                                    

#BecauseILoveYou

CHAPTER 33

Ang bigat ng pakiramdam ko. Ewan ko ba kung magkakasakit lang ba ako o dahil may iba pang dahilan kung bakit ako ganito ngayon.

Nasa library ako ngayon. Mag-isa lamang ako dahil si Cedric ay may ibang pinagkaabalahan. Hindi ako makapagpokus sa binabasa kong libro na nakapatong sa mesang nasa harapan ko.

Napabuntong-hininga ako. Pilitin ko mang ibaling ang atensyon ko sa ibang bagay gaya nitong pagbabasa pero lagi pa ring sumisingit sa akin si Kenzo.

Si Kenzo na ilang araw ko na ring hindi nakakausap.

Si Kenzo na pakiramdam ko ay parang lumalayo sa akin.

Iniisip ko kung mali nga ba ako ng mga nasabi nung huling magkausap kami? O iyon nga ba ang dahilan kaya tila may mga pagbabago akong nakikita sa kanya o nag-aassume lang ako na bahagi nga ako?

Napailing-iling ako. Alam ko na wala akong nagawang mali. Nasabi ko lang ang sa tingin mo ay makakabuti. Magkaibigan naman kami di ba at dapat manatili lang kaming ganun.

Pero bakit pakiramdam ko may mali nga ako? Bakit pakiramdam ko... kasalanan ko ang lahat?

Muli akong napabuntong-hininga. Inalis ko na lamang ang mga mata ko sa libro at nilibot nang tingin ang paligid ng silid-aklatan. Tipid akong napangiti dahil medyo maraming tao ngayon dito sa loob patunay lang na marami pa ring masipag mag-aral.

Pero naalis ang ngiti ko nang makita ko mula sa bandang dulo, nakaupo si Kenzo at nagbabasa ng libro. Nakaharap ang pwesto niya kaya kitang-kita ko siya. Mula sa pwesto ko, may dalawang mesa pa bago ang inookupa niyang mesa.

"Binalik na pala niya ang dating kulay ng buhok niya at hindi na siya nakasalamin sa mata." Iyon ang una kong napansin. Marahil dahil na rin sa hindi nga kami nagkakalapit nitong mga nakaraang araw at kahit na nasa iisang classroom lang kami e hindi ko naman siya masyadong tinitingnan kaya hindi ko alam na muling nagbalik sa dati ang ayos niya.

Hindi ko maikakaila na gwapo pa rin siya kahit na simple lang ang kanyang datingan. Iba talaga kapag biniyayaan ng natural na gwapong mukha, kahit yata basahan ay babagay sa kanya.

Inalis ko ang tingin kay Kenzo. Huminga ako ng malalim.

Ilang minuto akong nakatitig sa librong nasa harapan ko ng maisipan kong muling tingnan si Kenzo, kahit man lang sa malayo ay magawa kong mapagmasdan siya.

Ngunit ramdam ko ang pagkadismaya ng makita kong wala na siya sa pwesto niya. Natawa ako ng pagak.

Ano bang ibig sabihin ng mga nararamdaman kong ito para sa kanya? Ang bigat, ang lungkot at higit sa lahat... may sakit.

Hindi na lang ba crush ang tingin ko sa kanya? Gusto ko na ba talaga siya?

Hindi ko maiwasang maramdaman ang takot, ang pangamba at pag-aalinlangan lalo na ngayong narealize ko na kung bakit ako nagkakaganito ng dahil sa kanya.

- - - - - - - - - - -

"Bakit ka ba kasi natatakot diyan? Ano naman kung gusto mo si Kenzo? Wala namang masama doon di ba? Natural may puso ka kaya naman mararamdaman at mararamdaman mo 'yan." Sabi sa akin ni Cedric.

Magkasama na naman kami sa tahimik na football field at parehas na naka-indian sit sa gilid na pwesto. Nagtapat na ako sa kanya at hindi na siya nagulat dahil halata naman daw sa akin na may gusto nga ako kay Kenzo.

Napatingin ako kay Cedric.

"Pakiramdam ko kasi wala akong karapatan na magkagusto sa isang gwapong tulad niya." Sabi ko.

"Ha? Walang karapatan? At bakit ka naman nawalan ng karapatan?" tanong ni Cedric.

Napahinga ako ng malalim. Yumuko ako. Nakagat ang labi.

Naramdaman ko ang paghawak ni Cedric sa kanang balikat ko kaya napatingin ako sa kanya. Marahil napansin niya ang panunubig ng aking mga mata.

"Kaya ka ba nagkakaganyan kasi iniisip mo ang nakaraan? Ang buhay mo noon?" tanong ni Cedric.

Napatango-tango ako. Kinusot ko ang aking mga mata para hindi tuluyang maiyak.

"Sa totoo lang... kahit na nagbago na ang itsura ko... pakiramdam ko pa rin ay pangit ako hanggang ngayon. Alam ko kasi na peke ang itsura ko e... at dahil doon wala akong karapatan na gustuhin at may magustuhang iba kasi para sa tingin ng iba, isa iyong malaking kahibangan...Kung sana average lang ang itsura ng taong nagustuhan ko ay baka maging normal ang lahat pero kasi si Kenzo iyon... Si Kenzo na halos kinababaliwan ng lahat dahil sa kagwapuhan. Sigurong may maririnig akong masasakit na salita sa oras na malaman nilang may nagugustuhan ako at si Kenzo pa iyon." Sabi ko. "Bukod pa doon... iniisip ko rin na parehas kami ng kasarian at isang malaking kasalanan na magustuhan ko siya." Sabi ko pa.

"Miko naman... lahat ng tao ay may karapatang magmahal at mahalin... ano man ang itsura mo, edad o kasarian... Hindi mo naman kasalanan na maging pangit ka noon... hindi mo rin kasalanan kung tumibok ang puso mo para sa kaparehas mo ng kasarian... lahat ng nangyayari sayo, puso ang nagdulot at wala na sila at ikaw na magagawa pa doon... Siguro nga may mga panghuhusga kang maririnig sa iba pero mahalaga pa ba iyon sayo? Di ba dapat ang isipin mo ay iyong sarili mo at mga taong tunay na nagmamahal at tanggap sa kung sino ka? Ang dapat mong isipin ay iyong kaligayahan mo at hindi ang i-please ang mga mata ng iba na dapat ay gawin mo ang sa paningin nila ay tama. As long na wala kang inaapakan at inaagrabyado... mamuhay ka nang naaayon sa gusto mo at hindi sa gusto ng iba." Mahabang litanya ni Cedric.

"Saka ano naman kung gusto mo si Kenzo? Dahil ba sa gwapo siya kaya mo siya nagustuhan? Ang iba lang ba ang may karapatan na magustuhan siya at ikaw ay wala?" sabi pa ni Cedric.

Napailing-iling ako. Hindi naman dahil sa gwapo siya kaya ko ito nararamdaman. Siguro kasali rin iyon pero para sa akin, may mas malalim pang dahilan. Hindi ko pa man alam sa ngayon ang sinasabi kong dahilan pero ang alam ko sa sarili ko, ang pagkakaroon ko ng crush sa kanya ay humantong na sa pagkagusto.

Inakbayan ako ni Cedric.

"Hayaan mo lang na magustuhan siya Miko... wala namang masama doon. Huwag ka ring matakot sa mga maririnig mong panghuhusga ng iba dahil wala iyong maidudulot na mabuti sayo. Parte na ang sakit at alam kong mararamdaman mo rin 'yan sa pagdating ng panahon pero lagi mong isipin na kaya tayo nasasaktan ay dahil para maging matibay tayo... kumbaga ito 'yung sinasabing vitamins na sa oras na kailanganin natin... siguradong makakayang harapin ang mas mabibigat na pasakit. Isipin mo rin ako... ang Mama mo na malaki ang tiwala at pagtanggap sayo... mahahalagang tao ang isipin mo at hindi ang mga walang kwenta dahil sa mundong ating ginagalawan... hindi mawawala ang mga mapanghusga pero kung magpapadaig ka... ikaw rin ang kawawa." Sabi ni Cedric.

Napatango-tango ako. Sana kagaya ako ni Cedric mag-isip. Siguro kaya hindi rin masyadong mahirap sa kanya na magkagusto sa iba kasi wala siyang pakiealam sa sasabihin ng iba.

Pero kasi hindi ko rin maiwasan... kahit na sangkaterba yatang paliwanag at pangaral ang ibigay sa akin ni Cedric... sa huli ay nakakaramdam pa rin ako ng takot at pangamba.

Naramdaman ko na lamang na niyakap ako ni Cedric.

"Hay! Ang drama naman natin." Pabirong sabi niya.

Napangiti na lamang ako ng tipid.

BECAUSE I LOVE YOU (BL) ROM-COM, COMING OF AGE - COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon