Chapter VII - Welcome Home

18 2 1
                                    

Welcome Home

“INAY!” Nasa labas pa lang ako ng bahay ay sumigaw na ako. Dire-diretso akong pumasok sa aming bahay. Naabutan ko ang Inay sa kusina at nagluluto. Nang tumingin siya sa akin ay nakita ko ang pagka-gulat sa kanyang mukha.

    “Inay!” sigaw ko at niyakap ko siya dala ng kasabikan. “Inay. . .”

    “Aliyah,” sabi niya.

    Maluha-luha ako nang kumalas ako sa yakap naming dalawa. Tatlong buwan din pala kaming hindi nagkita at nagkahiwalay ng aking mga magulang. Buwan palang ng January noong umalis ako rito sa Quezon papuntang Maynila. At ngayon, April na. Lubos akong natuwa ko nang sinabi ng Tiya Geleen na umuwi muna raw ako rito sa probinsya kung gusto ko. Bakasyon naman daw. Kaya isang araw pagkatapos kong magpa-clearance sa school ay hinanda ko ang mga gamit ko. Alam ko naman bumyahe mag-isa dahil itinuro na niya sa akin ang mga dapat kong sakyan noon pa lamang papaluwas kami sa Maynila.

    “Inay, nasaan po ang Itay?” tanong ko matapos kong idala sa kwarto ang aking bag at napansing wala ang Itay sa bahay.

    “Nasa bukid ang Itay mo. Aanihin na ngayon iyong mga mais nina kumareng Flor.”

    “Gano’n po ba,” mahina kong sambit.

    “Siya, nakain ka na ba? Baka nagugutom ka na? Ipaghahanda na kita ng pagkain, ha. Alam ko namang pagod ka sa byahe. Saktong-sakto at naluto ko na iyong adobo.”

    Dumulog ako sa mesa. Pinagmasdan ko ang Inay habang aligagang nagsasandok ng kanin, ulam, at naghahanda ng plato maging ng maiinom ko. Pagkatapos niya ay agad niya iyong nilapag sa harap ko.

    “O, hayan. Kumain ka na.”

    Napangiti ako. Ito iyong na-miss ko. Ang pagiging maalaga at maasikaso ng Inay. “Salamat po.”

    “Mabuti naman at nasakto pa na ngayon ako nagluto ng masarap-sarap na ulam. Ang totoo niyan ay inutang ko lang iyan. Gusto ko kasing makatikim naman ang Itay mo ng masarap na pagkain. Abay ilang araw na siyang lumalabas ng bukid. Tiyak kong pagod na rin iyon.”

    Napa-buntong hininga ako sa tinuran ni Inay. Iyon din ang nagpaalala sa akin na nandito na ako sa probinsya. Nandito na ako sa bahay namin. Sa bahay na kinalakhan ko. Pero kahit ganito man ang buhay namin, hindi ko ito ipagpapalit kahit saan. . . kahit kanino.

    Hindi bale, ipinapangako ko sa sarili ko. Magtatapos ako ng pag-aaral. Maghahanap ako ng magandang trabaho. Mag-iipon ako at magpapagawa ng bahay para sa amin. Ibibili ko rin ng masasarap na pagkain ang Inay at Itay. Ipinapangako ko talaga iyan sa sarili ko.

    Pagkatapos kong kumain ay niligpit at hinugasan ko na ang mga pinagkainan ko. Mag-a-alas kwatro na rin pala ng hapon. Lumabas ako ng bahay at nagtungo sa terasa kung saan maaari akong makalanghap ng sariwang hangin.

    Haay. Ito ang maganda sa probinsya. Sariwa ang hangin at talagang masarap langhapin. Hindi katulad sa lungsod, lalo na sa Maynila, na mabaho ang hangin. Minsan pa, puro usok ng mga sasakyan ang malalanghap mo. Isa pa, kahit gabing-gabi na ay ang ingay pa rin. Hindi yata natutulog ang mga tao roon. Dito sa amin sa probinsya, pagsapit pa lamang ng alas otso, tahimik na at ang karamihan ay nanonood na ng telebisyon sa kanilang mga bahay ng ganong oras.

    Tuluyan na kong lumabas ng bahay. Humahalik sa balat ko ang malamig na hangin. Tinatangay din nito ang mga buhok ko. Pinagmasdan ko ang paligid. Marami rin palang nagbago makalipas ang tatlong buwan. Marami rin ang nagbago sa buhay ko sa loob ng panahon na iyon—sa panahong inilagi ko sa Maynila.

    Natigil iyong momentum ko nang biglang lumabas ng bahay si Inay at humahangos palapit sa akin. “Aliyah! Anak!”

    Nagulat talaga ako sa biglaan niyang pagsigaw. Pagdating niya sa harap ko, inabot niya sa akin iyong cellphone ko. “Natunog itong cellphone mo, anak. Ang sabi ko’y baka importante itong tawag.”

Can't Help Drowning (COMPLETED - 2018)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon