Chapter XI - Say It Again

15 2 0
                                    

Say It Again

“ANO KA BA, Xian? Hindi na. ‘Wag mo na kong puntahan dito. Kaya ko na ‘to.” Kasalukuyan kong kausap si Xian sa cellphone. Kahihinto lang ng bus at nandito na ako sa Cubao. Nagpupumilit siyang puntahan ako rito at tutulungan niya raw ako sa mga dala-dala ko. Pinipilit ko naman sa kanyang huwag na siyang pumunta at kaya ko naman. Dalawang bag lang din naman ang dala ko. Iyong isa, gulay ang laman. Iyong isa naman, mga damit ko ang laman kaya may kabigatan din pero kaya ko naman.

    “I insist. Maraming loko sa Cubao. Maraming masasamang loob d’yan. Sige na, pupuntahan na kita d’yan.”

    “Hindi na. Maaabala lang kita. At saka, hindi ako lalapitan ng mga snatcher o holdupper, no. Hindi naman ako mukhang mayaman,” sagot ko.

    Narinig ko ang kanyang buntong hininga. “Aliyah… ayaw mo lang akong makita, ‘di ba? Iyon lang ang ibig mong sabihin, ‘di ba?”

    Nanlaki ang mga mata ko sa narinig ko. “Xian! H-hindi! M-mali ka. Ang point ko lang naman, maaabala lang kita at nakakahiya sa ‘yo.”

    “No. I feel it. Ayaw mo lang akong makita.”

    Napapikit ako nang mariin. Xian… kung alam mo lang. Gustong-gusto na kita makita.

    “Xian, nagkakamali ka. Ang totoo nga niyan, gustong-gusto na kitang makita. Nami-mis—” Bigla akong napahinto nang ma-realize ko kung ano iyong mga sinabi ko.

    Oh, my!

    “What? Ano’ng sinabi mo? Pakiulit. Choppy ka, Aliyah. Hindi kita marinig. H-hello?”

    I sighed in relief. Mabuti na lang pala at hindi niya iyon narinig. “Hello. Xian? Okay na ba? Naririnig mo na ba ako?”

    May narinig akong parang kaluskos sa kabilang linya tapos narinig ko na ulit iyong boses niya. “Aliyah? Ano ‘yong sinasabi mo?”

    “Xian, ang sabi ko, oo na. Pumunta ka na rito.”

    Tumawa siya. “Hay naku, papayag rin pala. Sige, hintayin mo lang ako.”

    “Maghihintay ako.”

    Naupo muna ako sa isang bench habang hinihintay siya. Paglipas ng ilang minuto, may isang matangkad na lalaki na huminto sa tapat ko. Nakasuot ito ng cap, kulay puting t-shirt at kulay gray na shorts. May kaputian din ito.

    “Ano pong kailanga—” Napahinto ako sa pagsasalita at napaawang ang mga labi ko. “X-Xian?”

    “Hindi mo ba ko nakilala?” natatawang tanong niya.

    Hahampasin ko sana siya sa braso pero nakaiwas siya. “Nakakaasar ka!”

    Tumatawa pa rin siya. “O, bakit? Ano’ng kasalanan ko sa ‘yo?”

    “A-akala ko holdupper ka!”

    “Akala ko ba sigurado kang hindi ka lalapitan ng holdupper o snatcher?” pang-aasar niya.

    Pabiro ko siyang tinapunan ng masamang tingin. Pagkatapos, sabay na kaming tumawa. Binitbit na niya iyong dalawa kong bag at naglakad na kami. Aaminin kong sa nakalipas na buwan, may mga nagbago kay Xian. Medyo tumaba siya kumpara dati. Napansin ko ring lumaki iyong mga muscles niya sa braso. At mas lalo rin siyang gumwapo.

    Teka! Ano ba ‘tong mga sinasabi ko?

    Akala ko ay ipag-aabang lang ako ni Xian ng jeep. Kaya naman nagulat ako nang may humintong Uber taxi sa harap namin. “Xian. . .”

    Ipinasok na niya iyong mga bag. “O, ano pang hinihintay mo r’yan?”

    “M-magdyi-jeep na lang ako.” Baka naman kasi mahal ang bayad dito.

    Tila ba nabasa niya iyong nasa isip ko. “Ano ka ba? Halika ka na, ako na ang bahala.”

    Hindi ako natinag sa kinatatayuan ko. Nahihiya kasi akong siya ang magba-bayad. Lagi na lang niya ko nili-libre.

    “Huy, Aliyah! Come on, baka hinihintay ka na ng Tiya mo,” sabi niya mula sa loob.

    “S-sasama ka?”

    “Yup!”

    Pumasok na rin ako sa loob. Wala naman na akong choice. Saglit lang ang naging byahe papunta sa bahay ni Tiya Geleen. Mabuti na lang at hindi mabigat ang traffic. Paghinto sa tapat ng bahay, ako ang naunang bumaba. Sumunod naman si Xian na nag-bayad muna bago binitbit iyong mga bag ko.

    “Salamat, Xian, ha. Tara, pumasok tayo,” sabi ko.

    “Hindi na. Uuwi na rin ako. Nahihiya ako sa Tiya mo.”

    “Ano ka ba? Bakit ka naman mahihiya? At saka, mayroon ka ba no’n?” natatawang tanong ko.

    “Eh—”

    Hinigit ko na siya papasok habang bitbit niya iyong dalawang bag ko. Mabilis akong pinagbuksan ng Tiya Geleen pagtawag ko sa pintuan.

    “Tiya,” Inabot ko ang kamay niya para mag-mano. “Si Xian po pala, kaibigan ko. Tinulungan niya kong magdala ng mga gamit.”

    “A-ah, m-magandang gabi po,” bati naman ni Xian. Halatang kinakabahan.

    Ngumiti naman sa kanya si Tiya Geleen. “Pumasok kayo.”

    Pumasok na kami sa loob. “Xian, dito mo na lang ilagay ang mga ‘yan.”

    “Aliyah, pag-meriendahin mo iyang kaibigan mo,” sabi ni Tiya.

    “Naku, hindi na po. Busog po ako. Kaka-merienda ko lang rin po kanina sa bahay,” sagot naman     niya.

    Sinindi ko iyong electric fan namin at tinapat kay Xian na iginagala ang mga mata sa kabahayan. Siguro ay naliliitan siya rito sa bahay.

    “Nag-uwi ka ba ng mga gulay? Binilin ko kay Ate na pagdalhin ka noong tumawag ako,” mayamaya ay tanong ni Tiya. Ang Ate na tinutukoy niya ay ang Inay. Ito kasi ang panganay sa kanilang magkakapatid.

    “Opo. Nandito sa isang bag.”

    “Mabuti kung gano’n. Taga-saan pa pala iyang kaibigan mo?”

    Tiningnan ko si Xian. Nakuha niya naman yata ang gusto kong sabihin kaya siya ang sumagot. “Taga-Quezon City po ako.”

    “Magka-klase ba kayong dalawa?”

    Siya ulit ang sumagot. “Hindi po. Mechanical Engineering po ang kursong kinukuha ko.”

    Kung anu-ano pa ang tinanong ni Tiya Geleen. Nahiya tuloy ako kay Xian. Bandang alas sais na noong umalis siya para umuwi na. Hinatid ko naman siya sa labas.

    “Xian, thank you ulit ha.”

    “Wala ‘yon. O, paano? Mauna na ko ha. See you sa pasukan.” Ngumiti siya.

    “Sige. Ingat ka.”

    Tumango siya at pumara na ng taxi. Kumaway siya sa akin noong nasa loob na siya. Ngumiti ako bilang sagot. Pagbalik ko sa loob, ako naman ang binato ni Tiya Geleen ng mga tanong. Tinanong niya kung kaibigan ko lang daw si Xian. Kung paano kami nagkakilala. Kung boyfriend ko na raw ba siya. Pakiramdam ko tuloy para akong nandoon sa show na Tonights With Boy Abunda. Daig pa ni Tiya Geleen si Tito Boy!

    “Magkaibigan lang po kami, Tiya,” ang sagot ko.

    Binigyan niya naman ako ng makahulugang ngiti.

    Magkaibigan lang naman talaga kami ni Xian. Kasi mukhang hanggang doon lang ang pwede. Kahit gusto ko siya, alam kong hindi niya naman ako magugustuhan.

    Ang mabuti pa, kumain na lang muna ko. Nakakapagod ang byahe pabalik dito sa Maynila.

Can't Help Drowning (COMPLETED - 2018)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon