Chapter X - Leaving Home

12 2 0
                                    

Leaving Home

MAGANDA ang gising ko ngayong araw. Hindi ko alam pero pakiramdam ko kahit paano, medyo okay na ulit ako. Sana, magtuloy-tuloy na ‘to. Kaharap ang isang mainit na tasa ng kape, hawak ko ang aking cellphone habang nagta-type ng reply sa text ni Xian. Na-miss ko naman ng masyado itong lalaking ito. Ilang araw din kaming hindi nagka-usap, sa text man o sa tawag. Kaya ngayon, heto. Simpleng “good morning” niya lang ay nagmamadali na akong mag-reply.

    To: Xian
    Good morning din ☺

    Pagka-send ng reply ko, kinuha ko ang tasa ng aking kape at humigop. Kasabay naman ng paghigop ko ng kape ay ang pagtunog ng cellphone ko.

    From: Xian
    I miss you na, Aliyah.

    Muntik ko nang maibuga iyong hinigop kong kape nang mabasa ko iyong reply niya. Ang bilis ng kabog ng dibdib ko. Hay naku, Xian. Bakit ba ganyan ka? Ano bang meron sa ‘yo? Sa labing-anim na letra lang, nagagawa mong pabilisin ang tibok ng puso ko.

    Nasa kalagitnaan ako nang pag-iisip kung ano ang ire-reply sa kanya nang biglang tumunog muli iyong phone ko. Akala ko text message lang ulit galing sa kanya, nang tingnan kong mabuti ang screen ay muntik ko nang mabitiwan iyong cellphone ko.

    Xian calling. . .

    Naku! Tumatawag siya!

    Napalunok ako bago pinindot iyong answer button. “H-hello, Xian?”

    “Aliyah! What’s up? How’s summer vacation?”

    “Okay lang, Xian. I-ikaw? Kumusta na?”

    “Ayos lang din. Naging busy ako this past few days. Nagpunta kami nina Mom sa Puerto Galera,” kwento niya. “Ano naman pinagkaka-abalahan mo d’yan sa province?”

    “Ah, wala. Nasa bahay lang ako. Wala naman akong pang-out of town, no!” Tapos tumawa ako. “Pero noong nakaraang gabi, nanood kaming dalawa ni Britanny ng mini-concert sa bayan. Si Britanny! Iyong kinukwento ko sa ‘yong best friend ko?”

    “Ah, yes. Natatandaan ko. Sino ang nag-concert d’yan?” he asked.

    “Si RY Lim! ‘Yong sikat na singer?! Kasama niya si Yhel Oneza!” sabik na sabik kong sagot. Tila bumabalik tuloy sa isip ko iyong masayang gabi na iyon.

    “Yhel Oneza? Wow! Napapanood ko siya minsan sa TV.”

    “Oo! Sila ni RY! Grabe, ang ganda ni Yhel Oneza sa personal. At ang ganda rin ng boses niya! Sobra talaga akong natutuwa na napanood namin siya. Dati kasi, sa TV ko lang din siya napapanood na mag-perform. Basta! Ang ganda niya!” hindi magkandatutong kwento ko.

    “Para sa ‘kin, mas maganda ka sa kanya.”

    Napatigil ako. Iyong excitement ko, biglang nawala. Iyong pagto-throwback ng isip ko sa gabing iyon, nahinto. Ang tanging naririnig ko lang ay iyong heartbeat ko.

    Xian. . .

    Totoo ba iyong narinig ko? Sinabi niyang maganda ako? Sinabi niyang mas maganda ako kaysa sa sikat na singer na iyon?

    Pinilit kong sumagot. “H-ha?”

    Narinig ko ang pagtawa niya. “Ang sabi ko, mas maganda kung ili-libre mo ulit ako sa pasukan! New sem is approaching. One week na lang, o!”

    Napa-buntong hininga ako. Dahil ba sa disappointment? Siguro. “Ah,” tipid kong sagot at saka pilit na pinasigla ang tinig ko. “Naku, ikaw nga ang dapat manlibre sa akin, no! Malapit na ang birthday ko!”

    “Really? When? Kailan ang birthday mo?”

    Kahit sa cellphone lang kami magka-usap, sumimangot ako. Na tila ba magka-harap kami. “Hay, ewan ko sa ‘yo. Sinabi ko na kaya dati.”
   
    “You did? Sige, let me recall it. . .” Hindi siya nagsalita ng ilang mga segundo. Siguro ay nag-iisip siya.

    “Naku, sige na, ‘wag mo nang isipin kung kailan. Mukhang nakalimutan mo na,” ani ko. “Sa parating pala na sem, fifth year na tayo. Pagkatapos no’n, ga-graduate na tayo!”

    Hindi pa rin siya sumasagot.

    “Huy, Xian! Ang sabi ko, ‘wag mo na pilitin na alalahanin! Hayaan mo na. Basta kapag birthday ko na, bigla na lang akong magpapa-libre sa ‘yo,” sabi ko sabay tawa.

    Wala pa rin siyang sagot. Ano na bang nangyari sa lalaking ito? Tinignan ko ang cellphone ko. Naku, nag-shut down na pala! Low batt na ako. Wrong timing naman, oh.

    Kinuha ko ang charger ko para mai-charge na ang cellphone ko. Pagkatapos ay bumalik ako sa mesa para ubusin ang kape ko na lumamig na pala. Mukhang napahaba ang kwentuhan namin ni Xian. Pero hindi eh, maikli lang iyon. Ako lang naman yata ang nag-iisip na mahaba iyon. Assumera na rin yata ako.

    Wala akong masyadong ginawa sa buong maghapon. Nasa bahay lang ako. Wala naman kaming TV kaya halos wala rin akong mapagkaabalahan. Ang boring ng buong maghapon. Maging ang mga sumunod na araw, ganon din. Nasa bahay lang ako maghapon at nakikipaglaban sa boredom. Siguro kahit na ganito, kailangan ko na lang sulitin ang mga nalalabing araw. Sa darating na weekend kailangan ko na muling bumalik sa Maynila.

    Haaay.

***

PAGSAPIT ng sabado, kailangan ko ng bumalik sa Maynila. Lunes na kasi ang enrollment namin. Malungkot kong inayos ang mga damit at gamit ko nang umagang iyon. Pero kahit malungkot ako dahil kailangan ko na namang lisanin ang probinsya, hindi ko ito pinaramdam sa Inay at Itay. Kahit noong sinukbit ko na ang dala kong bag, nakangiti akong nag-paalam sa kanila.

    “Mag-ingat ka sa byahe, anak,” sambit ni Itay.

    Napahawak ako nang mahigpit sa bag ko, pinipilit na pigilan ang luha. Tumango ako. “O-opo.”

    “Iyong mga gulay na dadalhin mo, naisilid mo na ba? Inaasahan iyon ng Tiya Geleen mo,” singit ni Inay.

    Muli akong tumango. “O-opo.”

    Bawat salita nila, tila nagdudulot ng bato na dumadagan sa dibdib ko. Ang bigat sa pakiramdam. Kaunti na lang, gusto ko nang bumigay. Gusto ko nang lumuha. Kung hindi lang para sa kanila at sa mga pangarap ko, hindi ko naman gagawin ito—ang lumayo. Pero kailangan. Para sa pangarap. Para sa mga pangarap ko na para sa kanila rin naman.

    “Siya, lumakad ka na. B-baka wala ka ng maabutan na bus sa terminal,” sabi ni Inay.

    Tumango ulit ako. Walang salitang lumabas sa bibig ko. Sumakay na ko sa tinawag na tricycle ni Itay.

    “Mag-ingat ka. Tumawag ka na laang sa amin ha,” habol ni Itay noong nasa loob na ko.

    Nang nagsimula nang umandar at unti-unting lumayo ang tricycle, doon na umagos ang mga luha ko mula sa mga mata ko-mga luha na kanina pa nagbabadyang tumulo at dumaloy. Pagtanaw ko sa kanila, nandoon pa rin sila. Nakatayo sa harap ng bahay. Nakatanaw. Hinahatid ako ng kanilang mga tingin.

Can't Help Drowning (COMPLETED - 2018)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon