Chapter VIII - Memories Are Cruel

18 2 0
                                    

Memories Are Cruel

“ALIYAH, anak. Pumunta ka nga sa palengke at bumili ka ng gulay. Magluluto ako ng paboritong ulam ng Itay mo.”

    Tumayo ako at lumapit sa Inay. “Ano po ba iyong bibilhin ko?”

    “Talong, ampalaya, at kamote. Bumili ka na rin ng kalahating kilo ng kamatis.” Dumukot siya sa kanyang lumang pitaka at inabot sa akin ang papel na kulay ube.

    “O, sige, Inay. Wala na ba kayong nakalimutan?”

    Umiling siya. “Wala na. Pumunta ka na at nang akoy makapagluto na. Ang Itay mo ay dadating na rin mayamaya. Pagod at gutom iyon.”

    Nag-paalam na ako at lumabas na. Nasa mismong bayan pa ang palengke dito sa amin kaya naman nag-tricycle ako. Pagdating ko ron, nalanghap ko ang pamilyar na amoy-ang amoy ng sipag at tiyaga ng mga nagha-hanap buhay rito. Pumunta agad ako sa pwesto ng mga gulay at hinanap iyong mga pinabibili ng Inay. Mabilis naman akong nakabili. Naglalakad na ko palabas ng mapadaan ako sa isang pamilyar na pwesto. At sa harap mismo ng pwestong iyon, naalala ko na naman ang isang taong hindi ko dapat maalala.

    “Ganito ang tamang pagtadtad o paghiwa ng karne ng baboy,” sabi niya at pinanood ko naman ang ginagawa niya.

    Nabilib ako sa bilis ng kanyang kamay at sa galing niyang humawak ng kutsilyo. “Ang galing!”

    “Oo naman! Ako pa! Sabi ko naman kasi sa ‘yo lagi ka ng dadaan dito sa pwesto sa namin pagkatapos ng klase mo. Para napapanood mo ko at natututo ka.”

    “Hindi ko naman pangarap maging tindera ng lechon o karne ng baboy, no!” sagot ko habang tumatawa. “Pero sige na nga, mula ngayon, didiretso na ako lagi rito pagkatapos ng klase ko sa hapon.”

    May sumigaw.

    “Gilid!”

    “Gumilid ka, ineng!”

    Hanggang sa naramdaman ko na lamang na may tumama sa likod ko at napa-upo ako sa lapag. Noon ko lang nalamang napahinto pala ako sa tapat ng pwestong iyon at eksakto naman na may dadaan na lalaking may bitbit ng bundle ng gulay. Dahil sa pagkatulala, hindi ako nakagilid agad.

    “Ayos ka lang, ineng?” anang matandang babaeng lumapit sa akin at tinulungan akong tumayo.

    Pinulot ko ang plastic na kinalalagyan ng mga gulay na binili ko. “A-ayos lang po ako. Salamat po.”

    Ngumiti ang matanda. “Wala iyon. Mukhang malalim ang iniisip mo, neng? Nakatulala ka kasi r’yan, hindi mo namalayang may nadaan.”

    “P-pasensya na po.” Gusto ko ng tumalikod. Pero may bumubulong sa akin na gawin ang bagay na gusto kong gawin.

    Natagpuan ko na lang ang sarili kong kinakausap muli ang matanda. “Pwede po magtanong? May balita po ba kayo sa dating naka-pwesto rito?” sabay turo sa dating pwesto nina Harvy.

    “Ah, iyong mag-ina na nagtitinda ng lechon at karneng baboy?”

    Tumango ako.

    “Naku, matagal na mula noong huling beses na nakita kong nagbukas iyang pwesto nila. Wala nga rin akong balita. Nagulat din ako at biglang silang nagsara.”

    “Ah, gano’n po ba. Sige po, mauna na ko. Salamat po ulit.”

    Tumalikod na ko pero tila ang bigat ng bawat hakbang na ginagawa ko. Tila ang bigat ng pakiramdam ko. Bakit ganito? Bakit ganito pa rin ang epekto niya sa akin? Na kahit kakarampot na ala-ala naming dalawa ang gumuhit sa isip ko, tila bumabalik ulit yong sakit sa puso ko? Na kahit matagal na siyang wala at matagal ko na siyang pinipilit kalimutan, sa isang iglap lang ay kayang-kaya niya ulit akong saktan? Na kahit alam kong malayo siya, parang nandito siya para ipaalala sa akin yong nakaraan na nagdudulot sa kin ng bigat sa dibdib?

    Alam kong marami kaming ala-ala sa lugar na ito… na umabot sa puntong ganito—kapag pumunta ako rito ay siya na agad ang papasok sa isip ko. Pero bakit gano’n? Bakit kailangan pang maalala ko na naman siya? Bakit kahit anong gawin ko, sumasagi pa rin siya sa isip ko? Bakit kahit wala na at tapos na yong lahat ay kayang-kaya niya pa rin akong saktan? Bakit hanggang ngayon ang sakit sakit pa rin? Dahil ba hindi pa rin ako nakaka-move on sa kanya? Dahil ba nandito na naman ako sa lugar namin-lugar na maraming alaala naming dalawa? O dahil sadyang marami siyang iniwang alaala at mahirap para sa akin na makalimutan lahat ng iyon?

    Siguro nga. Siguro nga tama sila. Mahirap kalimutan ang taong binigyan ka ng maraming memories. Pero ang unfair naman yata ng tadhana. Ginagawa ko ang lahat para kalimutan siya. Pinipilit ko. Akala ko nga, wala na eh. Akala ko limot ko na siya. Sa isang iglap lang, tila na-realize kong hindi pa pala. Na kahit nilisan ko na itong probinsya at nagsimula ulit... na kahit marami na ulit akong nakilala at nakasama… tila naghihintay pa rin ang puso ko sa kanya.

    Unti-unting lumalabo iyong paningin ko habang naglalakad. Ang hirap ng ganito. Ang hirap. Ang sakit. Akala ko, okay na ko. Akala ko, kayang-kaya ko nang maging masaya ulit. Nabiktima na naman ako ng mga maling akala ko. Siguro nga, pinipilit ko lang isipin na okay na ako. Baka iniisip ko lang na nakalimutan ko na siya kahit hindi pa naman talaga. Baka inaaliw ko lang ang sarili ko kasama ang iba.

    Sana hindi ko na lang pala ako pumunta rito para bumili ng gulay. Sana sinasabi ko na lang sa Inay na hindi maganda ang pakiramdam ko para hindi ako nakarating dito, para hindi ko na naalala ang mga bagay na iyon at para hindi ganito ang nararamdaman ko ngayon.

    Pinunasan ko iyong mga luhang umagos sa mga pisngi ko. Tumawag ako ng tricycle para makauwi na. Pagdating sa bahay, inabot ko lang sa Inay ang mga gulay na pinabili niya at tumalikod na para magtungo sa kwarto.

    “Bakit parang ang tagal mo?” tanong niya.

    Sinadya kong hindi humarap sa kanya para hindi niya makita ang hitsura ko. “M-may. . . m-may nakita po akong d-dating ka-eskwela sa palengke. Nag-kuwentuhan kami kaya natagalan ako,” walang katotohanang sagot ko.

    “Ah, kaya naman pala.”

    Pagpasok ko sa kwarto, nagtuloy-tuloy na iyong pag-agos ng mga luha ko. Hindi ko na pinigil pa. Hinayaan ko nang umagos lang nang umagos ang mga ito. Baka sakaling kapag nai-luha ko na lahat ay mawala na ang bigat ng dibdib ko. Baka sakaling pagkatapos nito ay maiisip at maliliwanagan na akong hindi na pwedeng ibalik pa ang kahapon. At tapos na iyon. At dapat nang kalimutan.

    Baka sakali. . . bulong ko.

    Kinuha ko sa luma kong damitan iyong kaisa-isahang litrato namin ni Harvy na naitatago ko. Pinunit ko iyon at pinira-piraso habang patuloy na lumuluha.

    Harvy, sana ito na ang huling beses na iiyak ako dahil sa iyo. Please, pagod na ko. Wala ka na pero bakit sinasaktan mo pa rin ako? Ang sakit, Harvy. Sana, pagkatapos kong mai-luha ang lahat, sana ay okay na ko. Hindi na ko maghihintay pa, Harvy. Pipilitin kong ibaon ka na lamang sa limot, katulad ng ginawa mo sa akin.

Can't Help Drowning (COMPLETED - 2018)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon